“Talagang sinasabi ko sa inyo na pinakamahalaga sa lahat ang inihulog ng dukhang biyudang ito.” (Lucas 19:44)
|
|
|
|
|
|
|
24 Nobyembre 2019
Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ng Panginoong Hesukristo
Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ng Panginoong Hesukristo
(I-click ang larawan)
“Sinasabi ko sa iyo: ngayon di’y isasama kita sa Paraiso.” (Lucas 23:43)
Sta. Catarina de Alexandria |
Pagbasa: Daniel 1:1-20; Salmo: Daniel 3:52-56*;
Mabuting Balita: Lucas 21:1-4
1 Tumingin si Jesus at may mayayaman na naghuhulog ng kanilang abuloy sa kabang-yaman. 2 At nakita rin niya ang isang pobreng biyuda na naghulog ng dalawang barya. 3 At sinabi niya: “Talagang sinasabi ko sa inyo na pinakamahalaga sa lahat ang inihulog ng dukhang biyudang ito. 4 Naghulog nga silang lahat sa kabang-yaman mula sa sobra nila pero inihulog naman niya mula sa kanyang kasalatan ang buo niyang kabuhayan.”
Pagbasa: Daniel 2:31-45; Salmo: Daniel 3:57-61*;
Mabuting Balita: Lucas 21:5-11
5 May ilan namang nag-uusap tungkol sa Templo, at sinabi nila na may magagandang bato ito at mamahaling palamuti. Sinabi naman ni Jesus: 6 “Darating ang mga araw na walang matitirang magkapatong na bato sa lahat ng inyong nakikita; iguguho ang lahat.” 7 Nagtanong sila sa kanya: “Guro, kailan ito mangyayari at ano ang tanda na sumapit na ito?”
8 Sumagot si Jesus: “Mag-ingat kayo at baka kayo madaya. Maraming aangkin sa aking pangalan sa pagsasabing ‘Ako ang Mesiyas; ako siya,’ at ‘Palapit na ang panahon.’ Huwag kayong sumunod sa kanila. 9 Sa pagkabalita ninyo sa digmaan at mga kaguluhan, huwag kayong maligalig; mangyayari muna ito pero hindi pa ito ang wakas.”
10 At sinabi niya sa kanila: “Magdidigmaan ang mga bayan at maglalaban-laban ang mga kaharian. 11 Magkakaroon din ng malalakas na lindol sa maraming lugar, magkakaroon ng taggutom, magkakaroon ng mga kakila-kilabot na bagay at ng malalaki ring kababalaghan sa langit.”
Pagbasa: Daniel 5:1-28; Salmo: Daniel 3:62-67*;
Mabuting Balita: Lucas 21:12-19
12 Pero bago sumapit ang lahat ng ito, dadakipin kayo at uusigin; ibibigay kayo sa mga sinagoga at dadalhin sa mga kulungan at ihaharap sa mga hari at mga gobernador dahil sa aking pangalan. 13 Sasapit ito sa inyo para makapagpatotoo kayo sa akin.
14 Isaisip ninyo na huwag ikabalisa ang pagtatanggol sa inyong sarili 15 dahil ako mismo ang magbibigay sa inyo ng mga salita at karunungang di matatagalan o masasagot ng lahat ninyong kaaway.
16 Ipagkakanulo kayo ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak at mga kaibigan, at papatayin nila ang ilan sa inyo. 17 At kamumuhian kayo ng lahat dahil sa aking pangalan. 18 Subalit hindi maaano isa mang buhok sa inyong ulo. 19 Sa inyong pagpapakatatag, ang mga sarili ninyo mismo ang inyong makakamit.
Pagbasa: Daniel 6:12-28; Salmo: Daniel 3:68-74*;
Mabuting Balita: Lucas 21:20-28
20 Kung makita ninyong nakubkob na ng mga hukbo ang Jerusalem, alamin ninyong sumapit na ang kanyang pagkawasak. 21 Kaya tumakas pa-bundok ang mga nasa Judea, umalis ang mga nasa lunsod, at huwag nang bumalik doon ang mga nasa bukid.
22 Sapagkat ito ang mga araw ng paghihiganti sa kanya para matupad ang lahat ng nasa Kasulatan. 23 Sawimpalad ang mga nagdadalantao o mga inang nagpapasuso sa mga araw na iyon. Sapagkat matindi ang sasapit na kapahamakan sa lupain at ang galit sa bayang ito. 24 Mamamatay sila sa tabak, dadalhing bihag sa lahat ng bansa, at yuyurakan ng mga bansang pagano ang Jerusalem hanggang mabuo ang panahon ng mga bansa.
25 Magkakaroon ng mga tanda sa araw, buwan at mga bituin. Sa lupa’y mangangamba ang mga bansa dahil sa ugong at alon ng dagat, at wala silang magagawa. 26 Hihimatayin ang mga tao dahil sa takot at pagkabahala sa mga sasapitin ng sanlibutan sapagkat mayayanig ang mga puwersa ng sanlibutan. 27 At makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating na nasa ulap na may Kapangyarihan at ganap na Luwalhati.
28 Kung magsimula nang maganap ang mga ito, tumindig kayo at tumunghay dahil palapit na ang inyong katubusan.”
Pagbasa: Daniel 7:2-14; Salmo: Daniel 3:75-81*;
Mabuting Balita: Lucas 21:29-33
29 At sinabi ni Jesus sa kanila ang isang talinhaga: “Tingnan ninyo ang punong-igos at ang ibang mga puno. 30 Pagkakita ninyong nagdadahon na ang mga ito, alam ninyong malapit na ang tag-init. 31 Gayundin naman, pag napansin ninyo ang mga ito, alamin ninyong malapit na ang paghahari ng Diyos. 32 Talagang sinasabi ko sa inyo na hindi lilipas ang salinlahing ito at mangyayari ang lahat ng ito. 33 Lilipas ang langit at lupa ngunit hindi lilipas ang aking mga salita.
San Andres, Apostol |
Pagbasa: Roma 10:9-18; Salmo: Awit 19:8-11;
Mabuting Balita: Mateo 4:18-22
18 Sa paglalakad ni Jesus sa pampang ng lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na Simon na tinawag na Pedro at Andres na naghahagis ng mga lambat dahil mga mangingisda sila. 19 Sinabi niya sa kanila: “Halikayo, sumunod kayo sa akin, at gagawin ko kayong mangingisda ng tao.”
20 Agad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.
21 Nagpatuloy siya sa paglakad at nakita naman niya ang magkapatid na Jaime at Juan na mga anak ni Zebedeo. Nasa bangka sila kasama ng kanilang amang si Zebedeo at nagsusursi ng kanilang lambat. Tinawag sila ni Jesus. 22 Agad nilang iniwan ang bangka nila at ang kanilang ama, at nagsimulang sumunod sa kanya.
*Awit ng Tatlong Kabataan sa ibang salin