Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ng Panginoong Hesukristo - 24 Nobyembre 2019



“Sinasabi ko sa iyo: ngayon di’y isasama kita sa Paraiso.” (Lucas 23:43)

Unang Pagbasa: 2 Samuel 5:1-3

Noong mga araw na iyon, nagkaisa ang lahat ng angkan ng Israel na pumunta sa Hebron upang makipagkita kay David. Sinabi nila, “Kami’y laman ng iyong laman at dugo ng iyong dugo. Nang si Saul ang hari namin, nanguna ka sa mga kawal ng Israel sa pakikipagdigma. Ipinangako sa iyo ng Panginoon na gagawin ka niyang hari upang mamuno sa kanyang bayan.” 

Lahat ng matatanda ng Israel ay nagpunta nga sa Hebron at doo’y nakipagkasundo sa kanya sa harapan ng Panginoon. Binuhusan nila ng langis si David at kinilalang hari sa Israel. 

Salmo: Awit 121

Tugon: Masaya tayong papasok 

            sa tahanan ng Poong D’yos!

Ako ay nagalak, sa sabing ganito: 
“Sa bahay ng Poon ay pumasok tayo!” 
Sama-sama kami matapos sapitin, 
ang pintuang-lunsod nitong Jerusalem. 

Dito umaahon ang lahat ng angkan, 
lipi ni Israel upang magsambahan, 
ang hangad, ang Poon ay pasalamatan, 
pagkat ito’y utos na dapat gampanan. 
Doon din naroon ang mga hukuman 
at trono ng haring hahatol sa tanan. 

Ikalawang Pagbasa: Colosas 1:12-20


Mga kapatid: Magpasalamat kayo sa Ama, sapagkat minarapat niyang ibilang kayo sa mga hinirang na magmamana ng kaharian ng kaliwanagan. Iniligtas niya tayo sa kapangyarihan ng kadiliman at inilipat sa kaharian ng kanyang minamahal na Anak. Sa pamamagitan ng Anak, tayo’y pinalaya at pinatawad sa ating mga kasalanan. 

Si Kristo ay larawan ng Diyos na di-nakikita, at siyang may kapangyarihan sa lahat ng nilikha. Sapagkat ang lahat ng nasa langit at nasa lupa, nakikita man o hindi, pati ang mga naghahari at namamahala, mga namumuno at may kapangyarihang espirituwal ay pawang nilikha ng Diyos sa pamamagitan niya at para sa kanya. Siya’y una sa lahat, at sa kanya nasasalalay ang kaayusan ng lahat ng bagay. Siya ang ulo ng simbahan na kanyang katawan. Siya ang Una, ang Panganay na Anak – ang unang nabuhay na muli upang siya ang maging pinakadakila sa lahat ng bagay. Ipinasiya ng Diyos na ang kanyang kalikasan ay manatili rin sa Anak, at inibig niyang ang sandaigdigan ay makipagkasundo sa kanya sa pamamagitan ng Anak. Sa pamamagitan ng pagkamatay nito sa krus, nagkasundo nga ang Diyos at ang lahat ng nilikha sa langit at sa lupa.

Mabuting Balita: Lucas 23:35-43


Noong panahong iyon, nilibak si Hesus ng mga pinuno ng bayan. Anila, “Iniligtas niya ang iba; iligtas naman niya ngayon ang kanyang sarili, kung siya nga ang Mesiyas, ang hinirang ng Diyos!” Nilibak din siya ng mga kawal, nilapitan at inalok ng maasim na alak. Sinabi nila, “Kung ikaw ang hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili.” At nakasulat sa ulunan niya sa wikang Griego, Latin at Hebreo, “Ito ang Hari ng mga Judio.” Tinuya siya ng isa sa mga salaring nakabitin, at ang sabi, “Hindi ba ikaw ang Mesiyas? Iligtas mo ang iyong sarili, pati na kami!” 

Ngunit pinagsabihan siya ng kanyang kasama, “Hindi ka ba natatakot sa Diyos? Ikaw ma’y pinarurusahang tulad niya! Matuwid lamang na tayo’y parusahan nang ganito dahil sa ating mga ginawa; ngunit ang taong ito’y walang ginawang masama.” 

At sinabi niya, “Hesus, alalahanin mo ako kapag naghahari ka na.” Sumagot si Hesus, “Sinasabi ko sa iyo: ngayon di’y isasama kita sa Paraiso.” 

Mga kasulyap-sulyap ngayon: