12 - 18 Enero 2020



“Halikayo, sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mangingisda ng tao.”  (Marcos 1:17)

12 Enero
13 Enero
14 Enero
15 Enero
16 Enero
17 Enero
18 Enero


12 Enero 2020
Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon

(I-click ang larawan)

“Ikaw ang minamahal kong Anak; lubos kitang kinalulugdan.” (Lucas 3:22)


San Hilario
13 Enero 2020
Pagbasa: 1 Samuel 1:1-8; Salmo: Awit 116:12-19;
Mabuting Balita: Marcos 1:14-20

14 Pagkadakip kay Juan, pumunta si Jesus sa Galilea. Doon niya ipinahayag ang magandang balita ng Diyos sa pagsasabing 15 “Sumapit na ang panahon; magbagong-buhay at maniwala sa magandang balita; lumapit na nga ang Kaharian ng Langit.”

16 Sa pagdaan ni Jesus sa pampang ng lawa ng Galilea, nakita niya si Simon kasama si Andres na kapatid niya na naghahagis ng mga lambat sa lawa; mga mangingisda sila. 17 Sinabi sa kanila ni Jesus: “Halikayo, sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mangingisda ng tao.” 18 Agad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.

19 Nagpatuloy pa siya nang kaunti, nakita naman niya ang magkapatid na Jaime at Juan na mga anak ni Zebedeo; nasa bangka sila at nagsusursi ng kanilang lambat. 20 Tinawag sila ni Jesus. Agad nilang iniwan sa bangka ang kanilang amang si Zebedeo kasama ang mga tauhan nito, at umalis silang kasunod niya.


14 Enero 2020
Pagbasa: 1 Samuel 1:9-20; Salmo: 1 Samuel 2:1-8;
Mabuting Balita: Marcos 1:21-28

21 At pumunta sila sa Capernaum. At nagturo siya sa sinagoga sa mga Araw ng Pahinga. 22 Nagulat ang mga tao sa kanyang pangangaral sapagkat nangaral siya nang may kapangyarihan, hindi gaya ng mga guro ng Batas.

23 May isang tao sa sinagoga na inaalihan ng isang maruming espiritu. 24 Sumigaw ito: “Ano ang kailangan mo sa akin, Jesus na taga-Nazaret? Para ipahamak kami kaya ka dumating. Alam ko kung sino ka: ang Banal ng Diyos.”

25 Ngunit iniutos sa kanya ni Jesus: “Tumahimik ka’t lumabas sa kanya.” 26 Matinding niyugyog ng espiritu ang taong iyon at pagkasigaw nang malakas ay saka lumabas.

27 Talagang takang-taka ang lahat at nag-usap-usap sila: “Ano ito? Isang bagong pagtuturo na may kapangyarihan! Inuutusan niya kahit maruruming espiritu at sinusunod nila siya.” 28 At lumaganap ang katanyagan niya saan man sa buong lupain ng Galilea.


15 Enero 2020
Pagbasa: 1 Samuel 3:1-20; Salmo: Awit 40:2-10;
Mabuting Balita: Marcos 1:29-39

29 Pagkaalis niya sa sinagoga, tumuloy si Jesus sa bahay nina Pedro at Andres, kasama sina Jaime at Juan. 30 Doo’y nakahiga ang biyenan ni Pedro at may lagnat, at agad nila itong sinabi kay Jesus. 31 Kaya lumapit siya, hinawakan ito sa kamay at ibinangon. Iniwan ng lagnat ang babae at ito mismo ang naglingkod sa kanila.

32 Pagkalubog ng araw, nang dumidilim na, dinala nila kay Jesus ang lahat ng maysakit o inaalihan ng masasamang espiritu. 33 Nasa may pintuan nga ang buong bayan. 34 Maraming may iba’t ibang sakit ang pinagaling ni Jesus at maraming demonyo ang kanyang pinalayas; ngunit hindi niya sila pinahintulutang magsalita sapagkat alam nila kung sino siya.

35 Kinabukasan, maaga siyang bumangon at umalis. Pumunta siya sa isang ilang na lugar at doon siya nanalangin.

36 Hinanap siya nina Pedro, 37 at pagkakita sa kanya ay kanilang sinabi: “Hinahanap ka ng lahat.” 38 Ngunit sinabi niya sa kanila: “Tayo na sa ibang lugar, sa maliliit na karatig-nayon para makapangaral din ako roon; dahil dito kaya nga ako lumabas.”

39 At naglibot siyang nangangaral sa kanilang mga sinagoga sa buong Galilea at nagpapalayas ng mga demonyo.


16 Enero 2020
Pagbasa: 1 Samuel 4:1-11; Salmo: Awit 44:10-26;
Mabuting Balita: Marcos 1:40-45

40 Lumapit sa kanya ang isang mayketong at nakiusap sa kanya: “Kung gusto mo, mapalilinis mo ako.” 41 Nahabag si Jesus sa kanya, iniunat ang kanyang kamay, hinipo siya at sinabi: “Gusto ko, luminis ka!” 42 Nang oras ding iyon, iniwan ang lalaki ng kanyang ketong at luminis siya.

43 Ngunit mahigpit siyang pinagbilinan ni Jesus sa kanyang pag-alis, 44 sinabi niya: “Mag-ingat ka, huwag mo itong sabihin kaninuman, kundi pumunta ka sa pari para masuri ka niya at maialay alang-alang sa pagkalinis sa iyo ang handog na iniutos ni Moises upang magkaroon sila ng patunay.”

45 Ngunit pagkaalis ng tao, sinimulan niyang ipahayag ito kahit saan at ipamalita ang pangyayaring ito. Dahil dito, hindi na lantarang makapasok sa bayan si Jesus kundi nanatili siya sa labas, sa mga ilang na lugar. Ngunit may dumarating pa rin sa kanya na kung saan-saan galing.


San Antonio Abad
17 Enero 2020
Pagbasa: 1 Samuel 8:4-22; Salmo: Awit 89:16-19;
Mabuting Balita: Marcos 2:1-12

1 Pagkaraan ng ilang araw, pumasok siya sa Capernaum. Nang mabalitang nasa bahay siya, 2 marami ang nagtipon doon kaya wala nang lugar kahit sa may pintuan. At ipinahayag niya ang Salita. 3 May mga tao namang dumating at dinala sa kanya ang isang paralitiko, na buhat-buhat ng apat.

4 At nang hindi sila makalapit kay Jesus dahil sa dami ng tao, inalis nila ang mga tisa ng terasang nasa ibabaw ng kinaroroonan ni Jesus at pagkabukas nila nito, inihugos nila ang paralitiko na nasa higaan.

5 Nang makita ni Jesus ang kanilang pananalig, sinabi niya sa paralitiko: “Anak! Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.”

 6 May ilang guro ng Batas naman na nakaupo roon at inisip nila: 7 “Ano itong sinasabi niya? Talagang iniinsulto niya ang Diyos. Sino ba ang may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan? Di ba’t ang Diyos lamang?”

8 At agad na nalaman ni Jesus sa kanyang espiritu na ganoon ang kanilang mga niloloob na kaisipan. Kaya sinabi niya sa kanila: “Ano ang mga kaisipan ninyong ito? 9 Ano ba ang mas madaling sabihin sa paralitiko: ‘Pinatawad na ang iyong mga kasalanan’ o ‘Tumayo ka, kunin ang iyong higaan at lumakad’? 10 Dapat ninyong malaman na sa lupa ay may kapangyarihan ang Anak ng Tao na magpatawad ng kasalanan.”

At sinabi niya sa paralitiko: 11 “Iniuutos ko sa iyo: bumangon ka, dalhin mo ang iyong higaan at umuwi.” 12 At bumangon nga ang tao, agad na kinuha ang higaan at lumabas na nakikita ng lahat. Lubhang namangha ang lahat at nagpuri sila sa Diyos sa pagsasabing “Kailanma’y hindi pa kami nakakakita ng ganito.”


18 Enero 2020
Pagbasa: 1 Samuel 9:1–10:1; Salmo: Awit 21:2-7;
Mabuting Balita: Marcos 2:13-17

13 Muli siyang pumunta sa tabing-dagat at lumapit din sa kanya ang lahat. Kaya nagturo siya sa kanila.

14 Nakita naman niya sa paglalakad si Levi na anak ni Alfeo, na nakaupo sa singilan ng buwis at sinabi niya rito: “Sumunod ka sa akin.” At tumayo ito at sinundan siya.

15 Habang nanunuluyan naman si Jesus sa bahay ni Levi, maraming tagasingil ng buwis at iba pang makasalanan ang nakisalo kay Jesus at sa kanyang mga alagad. Talaga ngang marami sila. 16 Ngunit may mga guro ng Batas namang sumusunod sa kanya. Nang makita nila na nasa hapag siya kasama ng mga makasalanan at maniningil ng buwis, sinabi nila sa kanyang mga alagad: “Ano! kumakain siyang kasama ng mga makasalanan at maniningil ng buwis?”

17 Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya sa kanila: “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga maysakit! Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan.”

12 Enero
13 Enero
14 Enero
15 Enero
16 Enero
17 Enero
18 Enero

Mga kasulyap-sulyap ngayon: