At itatanong sa kanya ng mabubuti: ‘Panginoon, kailan ka namin nakitang nagugutom at pinakain, nauuhaw at pinainom, isang dayuhan at pinatuloy, at walang suot at dinamitan?’ (Mateo 25:37-38)
|
|
|
|
|
|
|
01 Marso 2020
Unang Linggo ng Kuwaresma
(I-click ang larawan)
Si Hesus ay dinala ng Espiritu sa ilang upang tuksuhin ng diyablo. (Mateo 4:1)
Pagbasa: Levitico 19:1-18; Salmo: Awit 19:8-15;
Mabuting Balita: Mateo 25:31-46
31 Pagdating ng Anak ng Tao sa kanyang Kaluwalhatian kasama ng lahat niyang mga anghel, uupo siya sa maluwalhati niyang trono. 32 Dadalhin sa harap niya ang lahat ng bansa at parang isang pastol na inihihiwalay ang mga tupa sa mga kambing, gayundin niya paghihiwa-hiwalayin ang mga tao. 33 Ilalagay niya ang mga tupa sa kanan niya at ang mga kambing sa kaliwa.
34 Sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan niya: ‘Halikayo, pinagpala ng aking Ama! Manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa sa simula ng daigdig. 35 Sapagkat nagutom ako at inyong pinakain, nauhaw ako at inyong pinainom. 36 Naging dayuhan ako at pinatuloy ninyo ako. Nang ako’y hubad, dinamitan ninyo ako; nang maysakit ako, binisita ninyo ako. Nang ako’y nasa bilangguan, dinalaw ninyo ako.’
37 At itatanong sa kanya ng mabubuti: ‘Panginoon, kailan ka namin nakitang nagugutom at pinakain, nauuhaw at pinainom, 38 isang dayuhan at pinatuloy, at walang suot at dinamitan? 39 Kailan ka namin nakitang maysakit o nasa bilangguan at nilapitan?’ 40 Sasagutin sila ng Hari: ‘Talagang sinasabi ko sa inyo: anuman ang gawin ninyo sa isa sa maliliit na ito na mga kapatid ko, sa akin ninyo ginawa.’
41 Pagkatapos ay sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa niya: ‘Mga isinumpa, lumayas kayo sa harap ko tungo sa apoy na walang katapusan na inihanda para sa diyablo at sa mga anghel nito! 42 Sapagkat nagutom ako at di ninyo binigyan ng makakain, nauhaw at di ninyo pinainom, 43 naging dayuhan ako at di ninyo pinatuloy, maysakit at nasa bilangguan at di ninyo binisita.’
44 Kaya itatanong din nila: ‘Panginoon, kailan ka namin nakitang nagugutom, nauuhaw, dayuhan, hubad, maysakit o nakabilanggo, at di ka namin pinaglingkuran?’ 45 Sasagutin sila ng Hari: ‘Talagang sinasabi ko sa inyo: anuman ang di ninyo ginawa sa isa sa maliliit na ito, hindi ninyo ginawa sa akin.’
46 At pupunta ang mga ito sa walang hanggang parusa, ngunit sa walang hanggang buhay naman ang mga makatarungan.”
Pagbasa: Isaias 55:10-11; Salmo: Awit 34:4-19;
Mabuting Balita: Mateo 6:7-15
7 Pag mananalangin kayo, huwag kayong magsalita nang magsalita gaya ng ginagawa ng mga pagano; naniniwala nga sila na mas pakikinggan sila kung marami silang sinasabi. 8 Huwag kayong tumulad sa kanila. Alam ng inyong Ama ang mga pangangailangan ninyo bago pa man kayo humingi.
9 Kaya, ganito kayo manalangin:
Ama naming nasa Langit,
sambahin ang Ngalan mo,
10 dumating ang Kaharian mo,
sundin ang loob mo
dito sa lupa para nang sa Langit.
11 Bigyan mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw,
12 patawarin mo ang aming mga pagkakautang
gaya ng pagpapatawad namin sa mga nagkakautang sa amin.
13 Huwag mo kaming dalhin sa tukso,
at iligtas mo kami sa Masama.
14 Kung patatawarin ninyo ang mga nagkasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa Langit. 15 At kung hindi ninyo patatawarin ang mga nagkasala sa inyo, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Ama.
San Casimiro de Polonia |
Pagbasa: Jona 3:1-10; Salmo: Awit 51:3-19;
Mabuting Balita: Lucas 11:29-32
29 Nang dumadagsa na ang mga tao, nagsimulang magsalita si Jesus: “Masamang lahi ang lahing ito; humihingi ito ng palatandaan pero walang ibang palatandaang ibibigay rito kundi ang palatandaan ni Jonas. 30 At kung paanong naging palatandaan si Jonas para sa mga taga-Ninive, gayundin naman ang Anak ng Tao para sa mga tao sa kasalukuyan. 31 Sa paghuhukom, babangon ang Reyna ng Timog kasama ng mga lalaki ng lahing ito at hahatulan sila. Sapagkat dumating siya mula sa kabilang dulo ng mundo para masaksihan ang karunungan ni Solomon at dito’y may mas dakila pa kay Solomon. 32 Sa paghuhukom, babangon ang mga lalaking taga-Ninive kasama ng salinlahing ito at hahatulan nila ito dahil nagbalik-loob sila sa pangangaral ni Jonas; at dito’y may mas dakila pa kay Jonas.
Pagbasa: Ester 4c:12-25; Salmo: Awit 138:1-8;
Mabuting Balita: Mateo 7:7-12
7 Humingi at kayo’y bibigyan; maghanap at matatagpuan ninyo; kumatok at bubuksan ang pinto para sa inyo. 8 Talaga ngang tumatanggap ang humihingi, nakakakita ang naghahanap, at pagbubuksan ang kumakatok. 9 Sino sa inyo ang magbibigay ng bato sa kanyang anak kung tinapay ang hinihingi nito? 10 Sino ang magbibigay ng ahas kung isda ang hinihingi nito? 11 Kahit masama kayo, marunong kayong magbigay ng mabuting bagay sa inyong mga anak. Gaano pa kaya ang inyong Amang nasa Langit? Magbibigay siya ng mabubuting bagay sa mga hihingi sa kanya.
12 Kaya gawin ninyo sa iba ang gusto ninyong gawin sa inyo, ito ang nasa Batas at Mga Propeta.
Sta. Perpetua at Sta. Felicidad |
Pagbasa: Ezekiel 18:21-28; Salmo: Awit 130:1-8;
Mabuting Balita: Mateo 5:20-26
20 Sinasabi ko sa inyo na kung hindi mas ganap ang inyong kabanalan kaysa sa mga guro ng Batas at mga Pariseo, hinding-hindi kayo makapapasok sa Kaharian ng Langit.
21 Narinig na ninyo na sinabi sa inyong mga ninuno: Huwag kang papatay; ang sinumang pumatay ay lilitisin. 22 Sinasabi ko naman sa inyo: Ang sinumang magalit sa kanyang kapatid ay lilitisin. Ang sinumang manuya sa kanyang kapatid ay lilitisin sa Sanggunian. At ang sinumang manghiya sa kanyang kapatid ay nararapat lamang itapon sa apoy ng impiyerno. 23 Kaya sa paglalagay mo sa altar ng iyong hain at naalaala mong may reklamo sa iyo ang kapatid mo, 24 iwan mo muna ang iyong hain sa harap ng altar at puntahan mo ang iyong kapatid para makipagkasundo sa kanya. At saka ka bumalik at ialay ang iyong hain sa Diyos.
25 Makipagkasundo na sa iyong kaaway habang papunta pa kayo sa hukuman, at baka ipaubaya ka niya sa hukom na magpapaubaya naman sa iyo sa pulisya na magkukulong sa iyo. 26 Talagang sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas hangga’t di mo nababayaran ang kahuli-hulihang sentimo.
Pagbasa: Deuteronomio 26:16-19; Salmo: Awit 119:1-8;
Mabuting Balita: Mateo 5:43-48
43 Narinig na ninyo na sinabi: Mahalin mo ang iyong kapwa at kamuhian ang iyong kaaway. 44 Ngunit sinasabi ko sa inyo: Mahalin ninyo ang inyong kaaway, at ipagdasal ang mga umuusig sa inyo. 45 Sa ganito kayo magiging mga anak ng inyong Amang nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa kapwa masama at mabuti, at pinapapatak niya ang ulan sa kapwa makatarungan at di-makatarungan.
46 Kung mahal ninyo ang nagmamahal sa inyo, bakit kayo gagantimpalaan? Di ba’t ginagawa rin ito ng mga kolektor ng buwis? 47 At kung ang mga kapatid ninyo lamang ang inyong binabati, ano ang naiiba rito? Di ba’t ginagawa rin ito ng mga pagano?
48 Kaya maging ganap kayo gaya ng pagiging ganap ng inyong Amang nasa langit.
|
|
|
|
|
|
|