Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon - 09 Pebrero 2020



Gayon din naman, dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harapan ng mga tao, upang makita nila ang inyong mabubuting gawa, at papurihan ang inyong Amang nasa langit.” (Mateo 5:16)


Unang Pagbasa: Isaias 58:7-10

Ito ang ipinasasabi ng Panginoon: “Ang mga nagugutom ay inyong pakanin, patuluyin sa inyong tahanan ang walang tirahan. Yaong mga tao na halos hubad na ay inyong paramtan, ang inyong pagtulong sa mga kasama ay huwag tatalikdan. 

At kung magkagayon, matutulad kayo sa bukang-liwayway, hindi maglalao’t gagaling ang inyong sugat sa katawan, ako’y laging sasainyo, ililigtas kayo at iingatan kahit saang lugar. Sa araw na iyon, diringgin ng Poon ang dalangin ninyo, pag kayo’y tumawag, ako’y tutugon agad. Kung titigilan ninyo ang pang-aalipin at pagsuway sa akin, at ang masamang salita’y iiwasan, kung ang nagugutom ay pakakanin ninyo at tutulungan, ang kadilimang bumabalot sa inyo ay magiging tila liwanag sa katanghalian.”

Salmo: Awit 112

Tugon: Sa dilim ay may liwanag 
             sa tao na nahahabag!

Ang taong matuwid, may bait at habag, 
kahit sa madilim taglay ay liwanag. 
Ang mapagpautang nagiging mapalad, 
kung sa hanapbuhay siya’y laging tapat. 

Hindi mabibigo ang taong matuwid, 
di malilimutan kahit isang saglit. 
Anumang balita’y hindi siya takot, 
matatag ang puso’t may tiwala sa Diyos. 

Wala siyang takot hindi nangangamba, 
alam na babagsak ang kaaway niya. 
Mabait na lubha, lalo sa mahirap, 
ang pagiging mat’wid ay di nagwawakas, 
buong-karangalan siyang itataas.  

Ikalawang Pagbasa: 1 Corinto 2:1-5

Mga kapatid: Nang ako’y pumariyan, ipinahayag ko sa inyo ang lihim na panukala ng Diyos, ngunit hindi sa pamamagitan ng malalalim na pananalita o matataas na karunungan. 

Ipinasiya kong wala akong ipangangaral sa inyo kundi si Hesukristo na ipinako sa krus. Kaya mahina, takot, at nanginginig akong humarap sa inyo. Sa pananalita at pangangaral ko’y hindi ko kayo inakit ng matatamis na pangungusap batay sa karunungan ng tao, kundi sa pamamagitan ng patotoo ng Espiritu at ng kapangyarihan ng Diyos. 

Kaya’t hindi sa karunungan ng tao kundi sa kapangyarihan ng Diyos nababatay ang inyong pananalig kay Kristo.

Mabuting Balita: Mateo 5:13-16

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kayo’y asin sa sanlibutan. Kung mawalan ng alat ang asin, paano pang mapapanauli ang alat nito? Wala na itong kabuluhan, kaya’t itinatapon na lamang at niyayapakan ng mga tao. 

Kayo’y ilaw sa sanlibutan. Hindi maitatago ang isang lunsod na nakatayo sa ibabaw ng burol. Walang nagsisindi ng ilaw at naglalagay nito sa ilalim ng takalan. Sa halip ay inilalagay ito sa talagang patungan upang matanglawan ang lahat ng nasa bahay. Gayon din naman, dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harapan ng mga tao, upang makita nila ang inyong mabubuting gawa, at papurihan ang inyong Amang nasa langit.” 

Mga kasulyap-sulyap ngayon: