“Pabayaan mo siya’t inilaan niya ito para sa araw ng paglilibing sa akin. Kasama ninyong lagi ang mga dukha ngunit hindi n’yo ako laging kasama.” (Juan 12:7-8)
Pagbasa: Isaias 42:1-7; Salmo: Awit 27:1-14;
Mabuting Balita: Juan 12:1-11
1 Anim na araw bago mag-Paskuwa, pumunta si Jesus sa Betania, na kinaroroonan ni Lazaro na pinabangon ni Jesus mula sa mga patay. 2 Kaya naghanda sila roon ng hapunan para sa kanya. Nagsilbi si Marta at kabilang naman sa mga kasalo niya ay si Lazaro. 3 Kinuha si Maria ang isang librang mamahaling pabangong mula sa purong nardo at pinahiran ang mga paa ni Jesus at pinunasan ng kanyang buhok ang mga paa niya. At napuno ng halimuyak ng pabango ang pamamahay.
4 Sinabi ni Judas Iskariote na isa sa kanyang mga alagad na siyang magkakanulo sa kanya: “Ano’t 5 di ipinagbili nang tatlundaang denaryo ang pabangong ito para maibigay sa mga dukha.” 6 Sinabi niya ito hindi dahil may malasakit siya sa mga dukha kundi dahil magnanakaw siya; nasa kanya ang bulsa ng pananalapi at nangungupit siya sa inilalagay doon.
7 Kaya sinabi ni Jesus: “Pabayaan mo siya’t inilaan niya ito para sa araw ng paglilibing sa akin. 8 Kasama ninyong lagi ang mga dukha ngunit hindi n’yo ako laging kasama.”
9 Marami sa mga Judio ang nakaalam na naroon siya. At dumating sila hindi dahil lamang kay Jesus kundi para makita si Lazaro na pinabangon niya mula sa mga patay. 10 Pinag-usapan naman ng mga punong-pari ang pagpatay pati na kay Lazaro, 11 pagkat marami sa mga Judio ang lumilisan dahil sa kanya at nananalig kay Jesus.
Pagbasa: Isaias 49:1-6; Salmo: Awit 71:1-17;
Mabuting Balita: Juan 13:21-33. 36-38
21 Pagkasabi ng mga ito, nabagabag ang kalooban ni Jesus, at nagpatunay: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo: ipagkakanulo ako ng isa sa inyo.” 22 Nagtinginan ang mga alagad at pinagtatakhan kung sino ang tinutukoy niya. 23 Nakahilig sa tabi ni Jesus ang isa sa kanyang mga alagad, ang mahal ni Jesus. 24 Kaya tinanguan ito ni Simon Pedro para usisain si Jesus kung sino ang kanyang tinutukoy.
25 Kaya paghilig niya sa tabi ni Jesus, sinabi niya sa kanya: “Panginoon, sino ba iyon?” 26 Sumagot si Jesus: “Siya iyong ipagsasawsaw ko ng kapirasong tinapay at siya kong bibigyan.” At pagkasawsaw ng kapirasong tinapay, ibinigay niya iyon kay Judas, anak ni Simon Iskariote. 27 Kasunod ng kapirasong ito, pumasok sa kanya si Satanas. Kaya sinabi sa kanya ni Jesus: “Magmadali ka sa gagawin mo.”
28 Walang nakaunawa sa mga nakahilig sa hapag kung ba’t sinabi niya iyon sa kanya. 29 Dahil nakay ni Judas ang bulsa, inakala ng ilan sa sinasabi sa kanya ni Jesus: “Bumili ka ng mga kailangan natin para sa Piyesta,” o kaya’y mag-abuloy sa mga dukha.
30 Kaya pagkakuha niya sa kapirasong tinapay, agad siyang lumabas. Gabi noon.
31 Pagkalabas ni Judas, sinabi ni Jesus: “Niluwalhati na ngayon ang Anak ng Tao, at niluwalhati rin sa kanya ang Diyos. 32 At agad naman siyang luluwalhatiin ng Diyos sa sarili nito.
33 Mga munting anak, sandali na lamang n’yo akong kasama. Hahanapin ninyo ako at gaya ng sinabi ko sa mga Judio sinasabi ko rin sa inyo ngayon, ‘Kung saan ako papunta, hindi kayo makaparoroon.’
36 Sinabi sa kanya ni Simon Pedro: “Panginoon, saan ka papunta?” Sumagot si Jesus: “Hindi ka makasusunod ngayon sa akin saan ako papunta; susunod ka pagkatapos.” 37 Winika sa kanya ni Pedro: “Panginoon, bakit hindi ako makasusunod ngayon? Maiaalay ko ang aking buhay alang-alang sa iyo.” 38 Sumagot si Jesus: “Iaalay mo ang buhay mo alang-alang sa akin? Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo, hinding-hindi titilaok ang tandang hanggang makaitlo mo akong maitatuwa.”
Pagbasa: Isaias 50:4-9; Salmo: Awit 69:8-34;
Mabuting Balita: Mateo 26:14-25
14 At pumunta sa mga punong-pari ang isa sa Labindalawa, ang tinatawag na Judas Iskariote, at sinabi: 15 “Magkano ang ibibigay ninyo sa akin kung ibibigay ko siya sa inyo?” Inalok nila ito ng tatlumpung baryang pilak, 16 at mula noon, naghanap ito ng pagkakataong maipagkanulo siya.
17 Sa unang araw ng Piyesta ng Tinapay na Walang Lebadura, lumapit kay Jesus ang mga alagad at sinabi sa kanya: “Saan mo kami gustong maghanda ng Hapunang Pampaskuwa para sa iyo?” 18 Sumagot si Jesus: “Puntahan ninyo ang lalaking ito sa lunsod at sabihin sa kanya: ‘Sinasabi ng Guro: malapit na ang oras ko at sa bahay mo ako magdiriwang ng Paskuwa kasama ng aking mga alagad’.”
19 At ginawa ng mga alagad ang lahat ng iniutos ni Jesus at inihanda ang Paskuwa.
20 Pagkalubog ng araw, nasa hapag si Jesus kasama ng Labindalawa. 21 Habang kumakain sila, sinabi ni Jesus: “Talagang sinasabi ko sa inyo: ipagkakanulo ako ng isa sa inyo.” 22 Lubha silang nalungkot at nagtanong ang bawat isa: “Ako ba, Panginoon?”
23 Sumagot siya: “Ang kasabay kong nagsawsaw ng tinapay sa plato ang magkakanulo sa akin. 24 Patuloy sa kanyang daan ang Anak ng Tao ayon sa isinulat tungkol sa kanya ngunit kawawa ang nagkakanulo sa Anak ng Tao; mas mabuti pa para sa taong ito kung hindi na siya ipinanganak pa.” 25 Nagtanong din si Judas na magkakanulo sa kanya: “Ako ba, Guro?” Sumagot si Jesus: “Ikaw na ang nagsabi.”