“Naging panulukang bato ang tinanggihan ng mga tagapagtayo. Gawa ito ng Panginoon, at kahanga-hanga ang ating nakita.” (Marcos 12:10-11)
Mahal na Birheng Maria, Ina ng Simbahan |
Mabuting Balita: Marcos 12:1-12
1 At nagsimula siyang magsalita sa talinhaga.
“May nagtanim ng ubasan; binakuran ang paligid nito, humukay para sa pisaan ng ubas, at nagtayo ng toreng bantayan. Pinaupahan niya ang ubasan sa mga magsasaka at naglakbay sa malayo.
2 Nang panahon na ng anihan, pinapunta niya ang isang katulong sa mga magsasaka para kubrahin ang bahagi niya sa ani. 3 Ngunit sinunggaban nila ito at pinaalis na walang dala. 4 Nagpadala uli sa kanila ang may-ari ng isa pang katulong pero hinampas ito sa ulo at hinamak. 5 Nagpadala rin siya ng iba ngunit pinatay naman ito. At marami pa rin siyang ipinadala; hinampas ang ilan sa kanila at pinatay ang iba.
6 Mayroon pa siyang isa, ang minamahal na anak. At ipinadala niya siyang pinakahuli sa pag-aakalang ‘Igagalang nila ang aking anak.’ 7 Ngunit nang makita siya ng mga magsasaka, inisip nila: ‘Ito ang tagapagmana. Patayin natin siya at mapapasaatin ang mana.’ 8 Kaya hinuli nila siya at pinatay, at itinapon sa labas ng ubasan.
9 Ano ngayon ang gagawin ng may-ari ng ubasan? Darating siya at lilipulin ang mga magsasaka at ibibigay ang ubasan sa iba. 10 Hindi ba ninyo nabasa ang Kasulatang ito? Naging panulukang bato ang tinanggihan ng mga tagapagtayo. 11 Gawa ito ng Panginoon, at kahanga-hanga ang ating nakita.”
12 Huhulihin na sana nila siya pero natakot sila sa mga tao. Naunawaan nga nila na sila mismo ang tinutukoy niya sa talinhagang ito. Iniwan nila siya at lumayo.