Dakilang Kapistahan ng Banal na Santatlo - 07 Hunyo 2020

Ebanghelyo At Mga Pagbasa Sa Linggo


“Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. (Juan 3:16)


Unang Pagbasa: Exodo 34:4-6.8-9

Noong mga araw na iyon, tumapyas si Moises ng dalawang bato at dinala kinaumagahan sa Bundok ng Sinai. 

Ang Panginoon ay bumaba sa ulap, lumagay sa tabi ni Moises at binanggit ang kanyang pangalan: “Panginoon.” 

Ang Panginoon ay nagdaan sa harapan ni Moises. Sinabi niya, “Akong Panginoon ay mapagmahal at maawain. Hindi ako madaling magalit; patuloy kong ipinadarama ang aking pag-ibig at ako’y nananatiling tapat.” 

Nanikluhod si Moises at sumamba sa Panginoon. Sinabi niya, “Kung talagang kinalulugdan ninyo ako, isinasamo kong samahan ninyo kami kahit na matigas ang ulo ng lahing ito. Patawarin na ninyo kami at tanggapin bilang inyong bayan.”

Salmo: Daniel 3

Tugon: Purihin at ipagdangal 
            ang Diyos magpakailanman!

Pinupuri ka namin , Panginoon; Diyos ng aming mga ninuno; 
karapat-dapat kang ipagdangal at dakilain magpakailanman. 
Purihin ang iyong banal at maluwalhating pangalan, 
nararapat purihin at ipagdangal magpakailanman.

Purihin ka sa iyong banal at marangal na tahanan; 
lubhang karapat-dapat kang awitan 
at dakilain magpakailanman. 

Purihin ka, na nakaluklok sa maringal mong trono, 
karapat-dapat kang awitan at dakilain magpakailanman. 

Mula sa iyong luklukan sa ibabaw ng mga kerubin, 
nakikita mo ang kalaliman, ang daigdig ng mga patay. 
Karapat-dapat kang purihin at dakilain magpakailanman. 

Purihin ka sa buong sangkalangitan; 
karapat-dapat kang awitan at dakilain magpakailanman.  

Ikalawang Pagbasa: 2 Corinto 13:11-13

Mga kapatid: Sikapin ninyong maging ganap at sundin ninyo ang mga payo ko; magkaisa kayo at mamuhay nang payapa. Sa gayon, sasainyo ang Diyos ng pag-ibig at kapayapaan. 

Magbatian kayo bilang magkakapatid kay Kristo. Kinukumusta kayo ng lahat ng mga kapatid sa simbahan. 

Nawa’y sumainyong lahat ang pagpapala ng Panginoong Hesukristo, ang pag-ibig ng Diyos at ang pakikipag-isa ng Espiritu Santo.

Mabuting Balita: Juan 3:16-18

Ani Hesus kay Nicodemo: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sapagkat sinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulang maparusahan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan niya. 

Hindi hinahatulang maparusahan ang nananampalataya sa bugtong na Anak ng Diyos; ngunit hinatulan nang parusahan ang hindi nananampalataya sa kanya.”

Mga kasulyap-sulyap ngayon: