“Ang Anak ng Tao ang naghahasik ng mabuting binhi. Ang bukid ay ang sanlibutan. Ang mga taong pinaghaharian ng Diyos ang mabuting binhi at ang mga taong pinaghaharian ng diyablo ang masasamang damo.” (Mateo 13:37-38)
Lahat ng bagay ay nasa ilalim ng iyong pangangalaga, at walang ibang diyos na dapat mong pagsulitan ng iyong mga hatol.
Sa iyong lakas nagmumula ang iyong katarungan, at maaari kang magpakita ng habag kaninuman sapagkat ikaw ang Panginoon ng lahat.
Ipinamamalas mo ang iyong lakas sa nag-aalinlangan sa iyong ganap na kapangyarihan, at pinarurusahan mo ang sinumang nakatatalastas nito ngunit nangangahas na di ka pansinin.
Walang hanggan ang kapangyarihan mo ngunit mahabagin ka kung humatol. Maaari mo kaming parusahan kailanma’t ibigin mo, ngunit sa halip ay pinamamahalaan mo kami nang buong hinahon at pagtitimpi.
Sa pamamagitan ng ginawa mong iyan ay itinuro mo sa mga taong makatarungan na dapat din silang maging maawain. At binigyan mo naman ng pag-asa ang iyong bayan, sa pagkakaloob sa kanila ng pagkakataong makapagsisi.
Salmo: Awit 85
Tugon: Poon, ikaw ay mabuti
sa lahat ng nagsisisi!
Mapagpatawad ka at napakabuti;
sa dumadalangin at sa nagsisisi,
ang iyong pag-ibig ay mananatili.
Pakinggan mo, Poon, ang aking dalangin.
Tulungan mo ako, ako’y iyong dinggin.
Ang lahat ng bansa na iyong nilalang,
lalapit sa iyo’t magbibigay galang;
sila’y magpupuri sa ‘yong kabutihan.
Pagkat ikaw lamang ang Diyos na Dakila
na anumang gawin ay kahanga-hanga!
Ngunit ikaw, Poon, tunay na mabait,
tapat at totoo, wagas ang pagibig;
lubhang mahabagi’t banayad magalit.
Ibaling sa akin ang awa mo’t habag,
iligtas mo ako at bigyan ng lakas.
Ikalawang Pagbasa: Roma 8:26-27
Mga kapatid:
Tinutulungan tayo ng Espiritu sa ating kahinaan. Hindi tayo marunong manalangin nang wasto, kaya’t ang Espiritu ang lumuluhog para sa atin, sa paraang di-magagawa ng pananalita. At nauunawaan ng Diyos na nakasasaliksik sa puso ng tao, ang ibig sabihin ng Espiritu, sapagkat ang Espiritu’y lumuluhog para sa mga banal, ayon sa kalooban ng Diyos.
Mabuting Balita: Mateo 13:24-43
Noong panahong iyon, inilahad ni Hesus ang talinghagang ito sa mga tao. “Ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: may isang taong naghasik ng mabuting binhi sa kanyang bukid. Isang gabi, samantalang natutulog ang mga tao, dumating ang kanyang mga kaaway at naghasik ng masasamang damo sa triguhan. Nang tumubo ang trigo at magkauhay, lumitaw rin ang masasamang damo. Kaya’t lumapit ang mga alipin sa puno ng sambahayan at sinabi rito, ‘Hindi po ba mabuting binhi ang inihasik ninyo sa inyong bukid? Bakit po may damo ngayon?’ Sumagot siya, ‘Isang kaaway ang may kagagawan nito.’ Tinanong siya ng mga utusan, ‘Bubunutin po ba namin ang mga iyon?’
‘Huwag,’ sagot niya. ‘Baka mabunot pati trigo. Hayaan na ninyong lumago kapwa hanggang sa anihan. Pag-aani’y sasabihin ko sa mga tagapag-ani: “Tipunin muna ninyo ang mga damo at inyong pagbigkis-bigkisin upang sunugin, at ang trigo’y inyong tipunin sa aking kamalig.” ’ ”
[Isa na namang talinghaga ang inilahad ni Hesus sa kanila. “Ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: may isang taong nagtanim ng isang butil ng mustasa sa kanyang bukid. Pinakamaliit ito sa lahat ng binhi, ngunit kapag natanim na at lumago ay nagiging pinakamalaki sa lahat ng puno ng gulay. Ito’y nagiging punongkahoy, anupat napamumugaran ng mga ibon ang mga sanga nito.”
Nagsalaysay pa siya ng ibang talinghaga. “Ang paghahari ng Diyos ay katulad ng lebadura na inihalo ng isang babae sa tatlong takal na harina, at umalsa ang buong masa.”
Sinabi ni Hesus sa mga tao ang lahat ng ito sa pamamagitan ng talinghaga at wala siyang sinabi sa kanila nang hindi gumagamit ng talinghaga. Ginawa niya ito upang matupad ang sinabi ng propeta: “Magsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga. Ihahayag ko sa kanila ang mga bagay na nalilihim mula nang likhain ang sanlibutan.”]
Pagkatapos, iniwan ni Hesus ang mga tao at pumasok sa bahay. Lumapit ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanya, “Ipaliwanag po ninyo sa amin ang talinghaga tungkol sa masasamang damo sa bukid.”
Ito ang tugon ni Hesus, “Ang Anak ng Tao ang naghahasik ng mabuting binhi. Ang bukid ay ang sanlibutan. Ang mga taong pinaghaharian ng Diyos ang mabuting binhi at ang mga taong pinaghaharian ng diyablo ang masasamang damo. Ang kaaway na naghasik ng mga iyon ay walang iba kundi ang diyablo. Ang pag-aani ay ang katapusan ng daigdig, at ang mga anghel ang mga tagapag-ani. Kung paanong iniipon ang mga damo at sinusunog, gayundin ang mangyayari sa katapusan ng daigdig. Susuguin ng Anak ng Tao ang kanyang mga anghel, at iipunin nila mula sa kanyang pinaghaharian ang lahat ng nagiging sanhi ng pagkakasala at ang lahat ng gumagawa ng masama, at ihahagis sa maningas na pugon. Doo’y mananangis sila at magngangalit ang kanilang ngipin. At magliliwanag na parang araw ang mga matuwid sa kaharian ng kanilang Ama. Ang may pandinig ay makinig!”