Pinupuri kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, dahil inilihim mo ang mga bagay na ito sa marurunong at matatalino, at ipinamulat mo naman sa maliliit. Oo, Ama, naging kalugud-lugod ito sa iyo. (Lucas 10:21)
Pagbasa: Job 42:1-17; Salmo: Awit 119:66-130;
Mabuting Balita: Lucas 10:17-24
17 Tuwang-tuwang nagbalik ang Pitumpu’t dalawa at ang sabi: “Panginoon, mga demonyo ma’y sumuko sa amin dahil sa iyong pangalan.” 18 Sinabi naman ni Jesus: “Nakita kong bumagsak na parang kidlat si Satanas mula sa langit. 19 Binibigyan ko kayo ng kapangyarihang yumapak sa mga ahas at alakdan. Masusupil ninyo ang lahat ng kapangyarihan ng kaaway, at walang anumang makapipinsala sa inyo. 20 Subalit magalak kayo hindi dahil sa pagsuko sa inyo ng mga espiritu kundi sapagkat nasusulat sa langit ang inyong mga pangalan.”
21 Nang sandaling iyo’y nag-umapaw sa galak sa Espiritu Santo si Jesus at sinabi niya: “Pinupuri kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, dahil inilihim mo ang mga bagay na ito sa marurunong at matatalino, at ipinamulat mo naman sa maliliit. Oo, Ama, naging kalugud-lugod ito sa iyo. 22 Ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama ang lahat. Walang nakakakilala kung sino ang Anak kundi ang Ama, at kung sino ang Ama kundi ang Anak at ang sinumang gustuhing pagbunyagan ng Anak.”
23 Pagkatapos ay bumaling si Jesus sa mga alagad at sinabi sa kanila nang sarilinan: “Mapalad ang mga matang nakakakita ng inyong nakikita. 24 Sinasabi ko sa inyo na maraming propeta at hari ang nagnais makita ang inyong nakikita pero hindi nila nakita, at marinig ang inyong naririnig pero hindi nila narinig.”