“Matanong ko nga kayo: ano ang ipinahihintulot sa Araw ng Pahinga, gumawa ng mabuti o gumawa ng masama, magligtas ng buhay o pumatay?” (Lucas 6:9)
Pagbasa: 1 Corinto 5:1-8; Salmo: Awit 5:5-12;
Mabuting Balita: Lucas 6:6-11
6 Sa iba namang Araw ng Pahinga, pumasok siya sa sinagoga at nagturo. May isang lalaki na hindi maigalaw ang kanang kamay. 7 Pinagmamasdan siya ng mga guro ng Batas at mga Pariseo, at baka pagalingin ito ni Jesus sa Araw ng Pahinga at nang maisakdal nila siya.
8 Ngunit alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya sinabi niya sa lalaking hindi maigalaw ang kamay: “Tumindig ka’t tumayo sa gitna.” Tumindig nga ito at tumayo roon. 9 Sinabi ni Jesus sa kanila: “Matanong ko nga kayo: ano ang ipinahihintulot sa Araw ng Pahinga, gumawa ng mabuti o gumawa ng masama, magligtas ng buhay o pumatay?” 10 Tiningnan niya silang lahat sa paligid at sinabi sa tao: “Iunat mo ang iyong kamay.” Ginawa niya ito at gumaling ang kanyang kamay. 11 Galit na galit naman sila at magkakasamang nag-usap-usap kung ano ang magagawa nila kay Jesus.