Daily Gospel - 20 Agosto 2020


Marami ngang talaga ang tinawag pero kaunti ang pinili. (Mateo 22:14)

San Bernardo de Claraval
Pagbasa: Ezekiel 36:23-28; Salmo: Awit 51:12-19;
Mabuting Balita: Mateo 22:1-14

1 Muling nagsalita si Jesus sa pamamagitan ng mga talinhaga:

2 “Tungkol sa nangyayari sa kaharian ng Langit ang kuwentong ito: May isang haring naghanda sa kasal ng kanyang anak na lalaki. 3 Ipinatawag niya  sa mga katulong ang mga imbitado sa kasalan ngunit ayaw nilang dumalo.

4 Muli niyang pinapunta ang iba pang mga katulong para sabihin sa mga inanyayahan sa kasalan: ‘Naghanda ako ng pagkain, nagpatay ng mga toro at mga pinatabang hayop; handa na ang lahat kaya pumarito na kayo sa kasalan.’ 5 Ngunit hindi nila pinansin ang paanyaya, sa halip ay may  pumunta sa kanyang taniman, at sa kanyang negosyo naman ang isa pa. 6 Sinunggaban naman ng iba pa ang mga katulong ng hari, nilibak at       pinatay.

7 Lubhang nagalit ang hari kayat ipinadala niya ang kanyang hukbo para puksain ang mga mamamatay-tao at sunugin ang lunsod. 8 At sinabi niya sa kanyang mga katulong: ‘Handa na ang kasalan ngunit hindi karapat-dapat ang mga inanyayahan. 9 Pumunta kayo ngayon sa dulo ng lunsod at anyayahan sa kasalan ang bawat makita ninyo.’

10 Kaya agad na lumabas sa mga daan ang mga katulong at tinipon ang lahat ng makita, masama at mabuti, at napuno ang kasalan ng mga nasa hapag.

11 Pagkatapos ay dumating ang hari para tingnan kung sino ang mga nasa hapag at napansin niya ang isang lalaking hindi nakadamit-pampiyesta. 12 Kaya sinabi niya sa kanya: ‘Kaibigan, paano ka nakapasok nang walang damit pangkasal?’ Ngunit hindi umimik ang tao. 13 Kaya sinabi ng hari sa kanyang mga katulong: ‘Igapos ang kanyang mga kamay at paa, at itapon sa dilim, kung saan may iyakan at pagngangalit ng mga ngipin.’

14 Marami ngang talaga ang tinawag pero kaunti ang pinili.”

Mga kasulyap-sulyap ngayon: