Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon - 27 Setyembre 2020

Ebanghelyo At Mga Pagbasa Sa Linggo


“Ano ang palagay ninyo rito? May isang tao na may dalawang anak na lalaki....” (Mateo 21:28)

Unang Pagbasa: Ezekiel 18:25-28

Ito ang sinasabi ng Panginoon: “Marahil ay sasabihin ninyong hindi tama itong ginagawa ko. Makinig kayo, mga Israelita: Matuwid ang aking tuntunin, ang pamantayan ninyo ang baluktot. 

Kapag ang isang taong matuwid ay nagpakasama, mamamatay siya dahil sa kasamaang ginawa niya. At ang masamang nagpakabuti at gumawa ng mga bagay na matuwid ay mabubuhay. Dahil sa pagtalikod sa nagawa niyang kasamaan noong una, mabubuhay siya, hindi mamamatay.”

Salmo: Awit 24

Tugon: Poon, iyong gunitain, 
            wagas mong pag-ibig sa ‘kin!

Ang kalooban mo’y ituro, O Diyos, 
ituro mo sana sa aba mong lingkod; 
ayon sa matuwid, ako ay turuan, 
ituro mo Poon, ang katotohanan; 
tagapagligtas ko na inaasahan.

Poon, gunitain, pag-ibig mong wagas, 
at ang kabutihang noon pa’y nahayag. 
Patawarin ako sa pagkakasala, 
sa kamalian ko nang ako’y bata pa; 
pagkat pag-ibig mo’y hindi nagmamaliw, 
ako sana, Poon, ay alalahanin!

Mabuti ang Poon at makatarungan, 
sa mga salari’y guro at patnubay; 
sa mababang-loob siya yaong gabay, 
at nagtuturo ng kanyang kalooban.

Ikalawang Pagbasa: Filipos 2:1-11

Mga kapatid: Nagbibigay ba sa inyo ng kasiglahan ang buhay na nakaugnay kay Kristo? Naaaliw ba kayo ng kanyang pag-ibig? May pagkakaisa ba kayo sa Espiritu Santo? Kayo ba’y may nadaramang hangarin na tumulong sa iba? Kung gayon, lubusin ninyo ang aking kagalakan – maghari sa inyo ang pagkakasundo, mabuklod kayo ng iisang pag-ibig at maging isa kayo sa puso’t diwa. Huwag kayong gagawa ng anumang bagay dahil lamang sa hangad ninyong matanyag, bagkus magpakababa kayo at huwag ipalagay na kayo’y mabuti kaysa iba.  Ipagmalasakit ninyo ang kapakanan ng iba, hindi lamang ang sa inyong sarili. 

Magpakababa kayo tulad ni Kristo Hesus: Na bagama’t siya’y Diyos, hindi nagpilit na manatiling kapantay ng Diyos, bagkus hinubad niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos, nagkatawang-tao at namuhay na isang alipin. Nang maging tao, siya’y nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan, oo, hanggang kamatayan sa krus.

Kaya naman, siya’y itinampok ng Diyos at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan. Anupa’t ang lahat ng nilalang na nasa langit, nasa lupa, at nasa ilalim ng lupa ay maninikluhod at sasamba sa kanya. At ipapahayag ng lahat na si HesuKristo ang Panginoon, sa ikararangal ng Diyos Ama! 

Mabuting Balita: Mateo 21:28-32

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga punong saserdote at mga matatanda ng bayan: “Ano ang palagay ninyo rito? May isang tao na may dalawang anak na lalaki. Lumapit siya sa nakatatanda at sinabi, ‘Anak, lumabas ka at magtrabaho sa ubasan ngayon.’ ‘Ayoko po,’ tugon niya. Ngunit nagbago ang kanyang isip at siya’y naparoon. Lumapit din ang ama sa ikalawa at gayundin ang kanyang sinabi. ‘Opo,’ tugon nito, ngunit hindi naman naparoon. 



Sino sa dalawa ang sumunod sa kalooban ng kanyang ama?” “Ang nakatatanda po,” sagot nila. Sinabi sa kanila ni Hesus, “Sinasabi ko sa inyo: ang mga publikano at masasamang babae’y nauuna pa sa inyong pasakop sa paghahari ng Diyos. Sapagkat naparito sa inyo si Juan at ipinakilala ang matuwid na pamumuhay, at hindi ninyo siya pinaniwalaan. Ngunit pinaniwalaan siya ng mga publikano at ng masasamang babae. Nakita ninyo ito, subalit hindi pa rin kayo nagsisi at naniwala sa kanya.”

Mga kasulyap-sulyap ngayon: