Called To Love


Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon 
24 Enero 2021
“Sumama kayo sa akin at kayo’y gagawin kong mamamalakaya ng tao.”
Sa ating Ebanghelyo ngayong Linggo, masasaksihan natin kung paanong tinawag ni Hesus ang Kanyang mga unang alagad-- sina Simon at Andres at ang magkapatid na sina Juan at Santiago. Sila'y mga mangingisda. Mga ordinaryong taong hindi maalam sa mga Batas at Kasulatan ng mga Hudyo subalit sila ang pinili ni Hesus.

Napapanahon ang ating Ebanghelyo; una, dahil Taon ng Misyon sa Pilipinas ngayon; at ikalawa, dahil sa pandemya ng COVID-19 na pinagdaraanan natin ngayon.

Ang taong ito ay may temang "Gifted to give"-- mas gusto ko ang salin sa tagalog, "Pinagpala upang magpala." Pinaaalalahanan tayo ngayong Linggo na tayong mga Katoliko ay patuloy na tinatawag ni Kristo para maging pagpapala sa ating kapwa. Tayo'y tinawag at pinili, isa itong pagpapala mula sa Diyos. Tinawag tayo upang ipadama sa iba ang ating pagmamahal at ang pagmamahal ng Diyos. We are called to love because we are loved.

Sa panahon ng pandemyang ito ng COVID-19, maaaring naka-lockdown pa rin ang ating mga buhay. Maaring naka-lockdown pa rin sa takot at kawalang kasiguruhan ang ating buong pagkatao. Panahon na upang lumabas tayo sa ating mga lungga. Panahon na upang iwanan natin ang ating comfort zone at maging tagapagdala ng pag-ibig ni Kristo sa ating kapwa.

Hindi ko sinasabing huwag tayong mag-ingat. Hindi ko sinasabing huwag nating sundin ang utos ng pamahalaan. Na huwag tayong sumunod sa safety protocols. Ang sinasabi ko lang, panahon na upang ituloy natin ang nabalam nating paglilingkod sa Diyos.

Marami ngayon ang naghihirap. Marami ang nawawalan ng pag-asa. Marami ang naghahanap ng Diyos. 

Lapitan natin sila. Hulihin natin sila sa lambat ng pag-ibig ni Kristo. Ipadama nating hindi sila nag-iisa. Na may kasama sila. Na kasama nila tayo. Na kasama nila ang Diyos.

Tinatawag tayo ngayon upang maging tagapamalakaya ng tao. Tayo'y pinagpala ng Diyos at ibabahagi natin sa iba ang pagpapalang ito; may pandemya man o wala. 

Panalangin:

O Diyos Ama naming makapangyarihan sa lahat, Ikaw na nagsugo kay Hesus upang gawin kaming mga tagapamalakaya ng tao, niluluwalhati at sinasamba Ka namin. Nararapat na Ikaw ay aming papurihan at pasalamatan ng aming buong puso at buong kaluluwa.

Tulad ng mga isdang nahuli ng lambat, huwag Mo pong hayaang kami 'y kumawala sa Iyong mapagpalang pag-ibig na bukal ng aming lakas at pag-asa.

Ipadala Mo po sa amin ang Iyong Banal na Espiritu upang magawa naming isabuhay ang mga turo at aral na nagmumula sa Iyong Banal na Salita. Tighawin Mo po ang aming pagkauhaw na hindi kayang pawiin ng mga makamundong bagay. 

Si Hesus ang una at Bugtong Mong Anak, sa pamamagitan Niya ay tinatanggap namin ang misyon ng pagpapatibay at patuloy na pagbuo ng Iyong Simbahang Kanyang Mistikong Katawan, lalo na po sa panahong ito ng Pandemya ng COVID-19. Kasama ng Espiritu Santo, inaangkin namin ang Iyong pagtawag sa aming pang-araw-araw na buhay. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: