Ebanghelyo At Mga Pagbasa Sa Linggo
Sinabi ni Hesus, “Sumama kayo sa akin at kayo’y gagawin kong mamamalakaya ng tao.” (Marcos 1:17)
Unang Pagbasa: Jonas 3:1-5.10
Sinabi ng Panginoon kay Jonas: “Pumunta ka sa Lunsod ng Ninive at ipahayag mo ang mga ipinasasabi ko sa iyo.” Nagpunta nga si Jonas sa Ninive. Malaki ang lunsod na ito. Aabutin ng tatlong araw kung lalakaring pabagtas. Siya’y pumasok sa lunsod.
Pagkaraan ng maghapong paglalakad, malakas niyang ipinahayag, “Gugunawin ang Ninive pagkaraan ng apatnapung araw!” Naniwala ang mga tagaroon sa pahayag na ito mula sa Diyos. Kaya, nag-ayuno sila at nagdamit ng sako bilang tanda ng lubos na pagsisisi at pagtalikod sa kanilang mga kasalanan.
Nakita ng Diyos ang kanilang pagtalikod sa kasamaan kaya hindi na itinuloy ang paggunaw sa Ninive.
Salmo: Awit 25:4-6. 6-7. 8-9
Tugon: Poon, ang iyong landasi’y
iyong ituro sa akin!
Ang kalooban mo’y ituro, O Diyos,
ituro mo sana sa aba mong lingkod;
ayon sa matuwid, ako ay turuan,
ituro mo, Poon, ang katotohanan;
Tagapagligtas ko na inaasahan.
Poon, gunitain, pag-ibig mong wagas,
at ang kabutihang noon pa’y nahayag.
Pagkat pag-ibig mo’y hindi nagmamaliw,
ako sana, Poon, ay alalahanin.
Mabuti ang Poon at makatarungan,
sa mga salari’y guro at patnubay;
sa mababang-loob siya yaong gabay,
at nagtuturo ng kanyang kalooban.
Ikalawang Pagbasa: 1 Corinto 7:29-31
Ito ang ibig kong sabihin, mga kapatid: Malapit na ang takdang panahon, kaya’t mula ngayon, ang may asawa ay mamuhay na parang walang asawa; ang mga nananangis, na parang di nananangis; ang mga nagagalak, na parang di nagagalak; ang mga namimili, na parang walang ari-arian, at ang mga nagtatamasa sa sanlibutang ito, na parang di nila ito alintana. Sapagkat ang lahat ng bagay na ito’y mapaparam.
Mabuting Balita: Marcos 1:14-20
Pagkatapos dakpin si Juan, si Hesus ay nagtungo sa Galilea at ipinangaral ang Mabuting Balitang mula sa Diyos: “Dumating na ang takdang panahon, at malapit na ang paghahari ng Diyos! Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan at maniwala kayo sa Mabuting Balitang ito.”
Samantalang naglalakad si Hesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na Simon at Andres na naghahagis ng lambat. Sila’y mangingisda. Sinabi ni Hesus, “Sumama kayo sa akin at kayo’y gagawin kong mamamalakaya ng tao.” Pagdaka’y iniwan nila ang kanilang lambat, at sumunod sa kanya.
Nagpatuloy siya ng paglalakad, at sa di kalayuan ay nakita niya ang magkapatid na Santiago at Juan, mga anak ni Zebedeo. Sila’y nasa kanilang bangka at naghahayuma ng mga lambat. Tinawag din sila ni Hesus at sumunod naman sa kanya. Iniwan nila sa bangka ang kanilang ama, kasama ng mga taong upahan.