Daily Gospel - 04 Enero 2021


Sinabi niya sa kanila: “Halikayo, sumunod kayo sa akin, at gagawin ko kayong mangingisda ng tao.”

Pagbasa: 1 Juan 3:22-4:6; Salmo: Awit 2:7-12;
Mabuting Balita: Mateo 4:12-25

12 Nang marinig ni Jesus na dinakip si Juan, lumayo siya pa-Galilea. 13 Hindi siya tumigil sa Nazaret, kundi sa Capernaum nanirahan, sa may baybayin ng lawa ng Galilea, sa teritoryo ng Zabulon at Neftali.

14 Kaya natupad ang salita ni Propeta Isaias: 15 “Makinig kayo, mga lupain ng Zabulon at Neftali, mga daang patungo sa Dagat, kabilang ibayo ng Jordan; pakinggan ako, Galileang lupain ng mga pagano.

16 Nakakita na ng malaking liwanag ang mga lugmok sa kadiliman. Sumikat na ang liwanag sa mga nasa anino ng kamatayan.”

17 At magmula noon, sinimulang ipahayag ni Jesus ang kanyang mensahe: “Magbagong-buhay; lumapit na nga ang Kaharian ng Langit.”

18 Sa paglalakad ni Jesus sa pampang ng lawa ng Galilea, nakita niya ang  magkapatid na Simon na tinawag na Pedro at Andres na naghahagis ng mga lambat dahil mga mangingisda sila. 19 Sinabi niya sa kanila: “Halikayo, sumunod kayo sa akin, at gagawin ko kayong mangingisda ng tao.”

20 Agad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.    

21 Nagpatuloy siya sa paglakad at nakita naman niya ang magkapatid na Jaime at Juan na mga anak ni Zebedeo. Nasa bangka sila kasama ng kanilang amang si Zebedeo at nagsusursi ng kanilang lambat. Tinawag sila ni Jesus. 22 Agad nilang iniwan ang bangka nila at ang kanilang ama, at nagsimulang sumunod sa kanya.

23 Nagsimulang maglibot si Jesus sa buong Galilea. Nagturo siya sa kanilang mga sinagoga, ipinahayag ang Mabuting Balita ng Kaharian at pinagaling ang kung anu-anong klase ng sakit at kapansanan ng mga tao.

24 Lumaganap sa buong Siria ang balita tungkol sa kanya. Kaya dinala sa kanya ang mga may karamdaman, ang lahat ng naghihirap dahil sa sakit, ang mga inaalihan ng demonyo, ang mga nasisiraan ng bait, ang mga paralitiko, at pinagaling niya silang lahat. 25 Sinundan siya ng maraming taong galing sa Galilea, sa Sampung Lunsod, sa Jerusalem, sa Judea at sa kabilang ibayo ng Jordan.

Mga kasulyap-sulyap ngayon: