Ebanghelyo At Mga Pagbasa Sa Linggo
Tandaan ninyo: malibang mahulog sa lupa ang butil ng trigo at mamatay, mananatili itong nag-iisa. (Juan 12:24)
Unang Pagbasa: Jeremias 31:31-34
Sinasabi ng Panginoon, “Darating ang panahon na gagawa ako ng bagong pakikipagtipan sa Israel at sa Juda.
Ito’y di gaya ng tipang ginawa ko sa kanilang mga ninuno, nang ilabas ko sila sa Egipto. Bagamat sumira sila sa kasunduan namin, nagtiyaga ako sa kanila. Ganito ang gagawin kong tipan sa Israel: Itatanim ko sa kanilang kalooban ang aking kautusan; isusulat ko sa kanilang mga puso. Ako’y magiging kanilang Diyos at sila ang magiging bayan ko. Hindi na nila kailangang turuan ang isa’t isa upang makilala ang Panginoon; lahat sila, dakila’t hamak ay makakakilala sa akin, sapagkat patatawarin ko sila sa kanilang maling gawain at hindi ko na gugunitain pa ang kanilang kasalanan.”
Salmo: Awit 51:3-4.12-13.14-15
Tugon: D’yos ko, sa aki’y likhain
tapat na puso’t loobin!
Ako’y kaawaan, O mahal kong Diyos,
sang-ayon sa iyong kagandahang-loob;
mga kasalanan ko’y iyong pawiin,
ayon din sa iyong pag-ibig sa akin!
Linisin mo sana ang aking karumhan
at ipatawad mo yaring kasalanan!
Isang pusong tapat, sa aki’y likhain;
bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin.
Sa iyong harapa’y, h’wag akong alisin;
ang Espiritu mo ang papaghariin.
Ang galak na dulot ng ‘yong pagliligtas,
ibalik at ako ay gawin mong tapat.
Kung magkagayon na, aking tuturuang
sa iyo lumapit ang makasalanan.
Ikalawang Pagbasa: Hebreo 5:7-9
Mga kapatid: Noong si Hesus ay namumuhay rito sa lupa, siya’y dumalangin at lumuluhang sumamo sa Diyos na makapagliligtas sa kanya sa kamatayan. At dininig siya dahil sa lubusan siyang nagpakumbaba.
Bagamat siya’y Anak ng Diyos, natutuhan niya ang tunay na kahulugan ng pagsunod sa pamamagitan ng pagtitiis. At nang maganap na niya ito, siya’y naging walang hanggang Tagapagligtas ng lahat ng sumusunod sa kanya.
Mabuting Balita: Juan 12:20-33
Noong panahong iyon: Kabilang ang ilang Griego sa mga pumunta sa pista upang sumamba. Lumapit sila kay Felipe na taga-Betsaida, Galilea, at nakiusap, “Ginoo, ibig po naming makita si Hesus.” Sinabi ito ni Felipe kay Andres, at silang dalawa’y lumapit kay Hesus at ipinaalam ang kahilingan ng mga iyon.
Sinabi ni Hesus, “Dumating na ang oras upang parangalan ang Anak ng Tao. Tandaan ninyo: malibang mahulog sa lupa ang butil ng trigo at mamatay, mananatili itong nag-iisa. Ngunit kung mamatay, ito’y mamumunga nang marami. Ang taong labis na nagpapahalaga sa kanyang buhay ay siyang mawawalan nito, ngunit ang napopoot sa kanyang buhay sa daigdig na ito ay siyang magkakaroon nito hanggang sa buhay na walang hanggan. Dapat sumunod sa akin ang naglilingkod sa akin, at saanman ako naroroon ay naroon din ang aking lingkod. Pararangalan ng Ama ang sinumang naglilingkod sa akin.
Ngayon, ako’y nababagabag. Sasabihin ko ba, ‘Ama, iligtas mo ako sa kahirapang daranasin ko?’ Hindi! Sapagkat ito ang dahilan kung bakit ako naparito – upang danasin ang kahirapang ito. Ama, parangalan mo ang iyong pangalan.”
Isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Pinarangalan ko na ito, at muli kong pararangalan.” Narinig ito ng mga taong naroon at ang sabi nila, “Kumulog!” Sabi naman ng iba, “Nagsalita sa kanya ang isang anghel!” Sinabi ni Hesus, “Ipinarinig ang tinig na ito dahil sa inyo, hindi dahil sa akin. Panahon na upang hatulan ang sanlibutan. Itataboy ngayon sa labas ang pinuno ng sanlibutang ito. At kung ako’y maitaas na, ilalapit ko sa akin ang lahat ng tao.” Sinabi niya ito upang ipakilala kung paano siya mamamatay.