Ikatlong Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay - 18 Abril 2021

 Ebanghelyo At Mga Pagbasa Sa Linggo


“Ito ang tinutukoy ko nang sabihin ko sa inyo noong kasamasama pa ninyo ako: dapat matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa akin sa Kautusan ni Moises, sa mga aklat ng mga propeta at sa aklat ng mga Awit.” (Lucas 24:44)

Unang Pagbasa: Gawa 3:13-15.17-19

Noong mga araw na iyon, sinabi ni Pedro sa mga tao: “Ang Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob, ang Diyos ng ating mga ninuno, ang nagbigay ng pinakamataas na karangalan sa kanyang Lingkod na si Hesus. Ngunit siya’y ibinigay ninyo sa maykapangyarihan at itinakwil sa harapan ni Pilato, gayong ipinasiya na nitong palayain siya. Itinakwil ninyo ang Banal at Matuwid, at isang mamamatay-tao ang hiniling ninyong palayain. Pinatay ninyo ang Pinagmumulan ng buhay, ngunit siya’y muling binuhay ng Diyos, at saksi kami sa bagay na ito.

At ngayon, mga kapatid, batid kong hindi ninyo nalalaman ang inyong ginawa, gayon din ang inyong mga pinuno. Ngunit sa ginawa ninyo’y natupad ang malaon nang ipinahayag ng Diyos sa pamamagitan ng mga propeta na ang Kristo’y kailangang magbata.

Kaya’t magsisi kayo at magbalikloob sa Diyos upang pawiin niya ang inyong mga kasalanan.”

Salmo: Awit 4:2. 4. 7-8. 9

Tugon: Poon, sa ’mi’y pasikatin, 
          liwanag sa iyong piling!

Sagutin mo ako sa aking pagtawag, 
Panginoong Diyos na aking kalasag; 
ikaw na humango sa dusa ko’t hirap, 
ngayo’y pakinggan mo, sa aki’y mahabag. 

Nagagalit ka man, sala ay iwasan, 
sa loob ng silid ikaw ay magnilay; 
ihandog sa Poon, yaong wastong alay, 
ang pagtitiwala sa kanya ibigay. 

O Diyos, ang ligayang bigay mo sa akin, 
higit na di hamak sa galak na angkin, 
nilang may maraming imbak na pagkain 
at iniingatang alak na inumin. 

Sa aking paghimlay, ako’y mapayapa, 
pagkat ikaw, Poon, ang nangangalaga.

Ikalawang Pagbasa: 1 Juan 2:1-5

Mga anak, isinusulat ko ito sa inyo para hindi kayo magkasala. Ngunit kung magkasala ang sinuman, may Tagapamagitan tayo sa Ama. At iya’y si Hesukristo, ang walang sala. Sapagkat si Kristo ang handog sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan natin, at kasalanan din ng lahat ng tao.

Nakatitiyak tayong nakikilala natin ang Diyos kung sinusunod natin ang kanyang mga utos. Ang nagsasabing, “Nakikilala ko siya,” ngunit sumusuway naman sa kanyang mga utos ay sinungaling, at wala sa kanya ang katotohanan. Ngunit ang tumutupad sa salita ng Diyos ay umiibig sa kanya nang wagas. Ganito natin nalalamang tayo’y nasa kanya.

Mabuting Balita: Lucas 24:35-48

Noong panahong iyon: Samantalang pinag-uusapan ng mga alagad kung paanong nakilala si Hesus sa paghahati-hati ng tinapay, si Hesus ay tumayo sa gitna nila. “Sumainyo ang kapayapaan!” sabi niya sa kanila. Ngunit nagulat sila at natakot sapagkat akala nila’y multo ang nasa harapan nila. Kaya’t sinabi ni Hesus sa kanila, “Ano’t kayo’y nagugulumihanan? Bakit nag-aalinlangan pa kayo? Tingnan ninyo ang aking kamay at paa, ako nga ito. Hipuin ninyo ako at pagmasdan. Ang multo’y walang laman at buto, ngunit ako’y mayroon, tulad ng nakikita ninyo.” At pagkasabi nito, ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at mga paa. Nang hindi pa rin sila makapaniwala dahil sa malaking galak at pagkamangha, tinanong sila ni Hesus, “May makakain ba riyan?” Siya’y binigyan nila ng kaputol na isdang inihaw; kinuha niya ito at kinain sa harapan nila.

Pagkatapos, sinabi sa mga alagad, “Ito ang tinutukoy ko nang sabihin ko sa inyo noong kasamasama pa ninyo ako: dapat matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa akin sa Kautusan ni Moises, sa mga aklat ng mga propeta at sa aklat ng mga Awit.” At binuksan niya ang kanilang mga pag-iisip upang maunawaan nila ang mga Kasulatan. Sinabi niya sa kanila, “Ganito ang nasusulat: kinakailangang magbata ng hirap at mamatay ang Mesiyas at muling mabuhay sa ikatlong araw. Sa kanyang pangalan, ang pagsisisi at kapatawaran ng mga kasalanan ay dapat ipangaral sa lahat ng bansa, magmula sa Jerusalem. Kayo ang mga saksi sa mga bagay na ito.”

Mga kasulyap-sulyap ngayon: