Ebanghelyo At Mga Pagbasa Sa Linggo
“Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.” (Juan 6:50-51)
Unang Pagbasa: 1 Hari 19:4-8
Noong mga araw na iyon, si Elias ay mag-isang pumunta sa ilang. Pagkatapos ng maghapong paglalakad ay naupo siya sa lilim ng isang puno ng retama at nanalangin nang ganito: “Panginoon, kunin na po ninyo ako. Ako po’y hirap na hirap na. Nais ko na pong mamatay.” Pagkatapos, nahiga siya at nakatulog.
Ngunit dumating ang isang anghel, kinalabit siya at ang sabi: “Gising na at kumain ka!” Nang siya’y lumingon, nakita niya sa may ulunan ang isang tinapay na niluto sa ibabaw ng mainit na bato, at tubig sa isang sisidlan. Kumain nga siya at uminom. Pagkatapos ay nahiga uli.
Ngunit bumalik ang anghel ng Panginoon, kinalabit siya uli at sinabi: “Bumangon ka at kumain. Napakahaba pa ng lalakarin mo.” Kumain nga siya at uminom at siya’y lumakas. Sa tulong ng pagkaing iyon, naglakbay siyang apatnapung araw at apatnapung gabi, hanggang sa Horeb, ang Bundok ng Diyos.
Salmo: Awit 34:2-3. 4-5. 6-7. 8-9
Tugon: Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin!
Panginoo’y aking laging pupurihin;
sa pasasalamat di ako titigil.
Aking pupurihin kanyang mga gawa.
Kayong naaapi, makinig, matuwa!
Ang pagkadakila niya ay ihayag
at ang ngalan niya’y purihin ng lahat!
Ang aking dalangi’y dininig ng Diyos.
Nawala sa akin ang lahat kong takot.
Nagalak ang aping umasa sa kanya,
‘pagkat di nabigo ang pagasa nila.
Tumatawag sa Diyos ang walang pag-asa.
Sila’y iniligtas sa hirap at dusa.
Anghel yaong bantay sa may takot sa Diyos,
sa mga panganib, sila’y kinukupkop.
Ang galing ng Poon hanaping masikap.
Yaong nagtiwala sa kanya’t nagligtas
ay maituturing na taong mapalad.
Ikalawang Pagbasa: Efeso 4:30-5:2
Mga kapatid: Huwag ninyong dulutan ng pighati ang Espiritu Santo, sapagkat ito ang tatak ng Diyos sa inyo, ang katibayan ng inyong katubusan pagdating ng takdang araw.
Alisin na ninyo ang lahat ng sama ng loob, galit at poot; huwag na kayong mambubulyaw, manlalait, at mananakit ng damdamin ng kapwa. Sa halip, maging mabait kayo at maawain sa isa’t isa, at magpatawaran, tulad ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo.
Yamang kayo’y mga anak na minamahal ng Diyos, tularan ninyo siya. Mamuhay kayong puspos ng pag-ibig tulad ni Kristo; dahil sa pag-ibig sa atin, inihandog niya ang kanyang buhay bilang mahalimuyak na hain sa Diyos.
Mabuting Balita: Juan 6:41-51
Noong panahong iyon, nagbulung-bulungan ang mga Judio dahil sa sinabi ni Hesus, “Ako ang pagkaing bumaba mula sa langit.” Sinabi nila, “Hindi ba ito si Hesus na anak ni Jose? Kilala natin ang kanyang ama’t ina. Paano niya ngayong masasabi: ‘Bumaba ako mula sa langit’?”
Kaya’t sinabi ni Hesus, “Huwag kayong magbulung-bulungan. Walang makalalapit sa akin malibang dalhin siya ng Amang nagsugo sa akin. At ang lalapit sa akin ay muli kong bubuhayin sa huling araw.
Nasusulat sa aklat ng mga propeta, ‘At silang lahat ay tuturuan ng Diyos.’ Ang bawat nakikinig sa Ama at natututo ay lalapit sa akin. Hindi ito nangangahulugang may nakakita na sa Ama; yaong nagmula sa Diyos ang tanging nakakita sa Ama.
Sinasabi ko sa inyo: ang nananalig sa akin ay may buhay na walang hanggan. Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay. Kumain ng manna ang inyong mga ninuno nang sila’y nasa ilang, gayunma’y namatay sila. Ngunit ang sinumang kumain ng pagkaing bumaba mula sa langit ay hindi mamamatay. Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.”