Gospel Reflection
Ika-19 Linggo sa Karaniwang Panahon
08 Agosto 2021
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 09 Agosto 2015.)
Ika-19 Linggo sa Karaniwang Panahon
08 Agosto 2021
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 09 Agosto 2015.)
What if alam mo ang winning number sa lotto draw mamayang gabi? Ibig bang sabihin nito, milyonaryo ka na bukas?
Hindi. Dahil hindi ka tumaya sa lotto. Kahit alam mo pa ang tatamang numero kung hindi ka tataya, hindi ka pa rin mananalo at magiging milyonaryo.
(Hindi ko sinasabing dapat tayong tumaya sa lotto. Maling ilagay natin ang kinabukasan natin sa tsansa sa isang sugal.)
Sa Ebanghelyo natin ngayong linggo, ibinibigay ni Hesus ang winning combination sa lotto draw ng kaligtasan.
Ipinagkakaloob ni Hesus ang Kanyang sarili bilang isang Tinapay na Nagbibigay-buhay. Isa Siyang kaloob. Ang lahat sa atin ay mga kaloob na nagmula sa Diyos. Lahat-lahat. Kaluluwa. Isipan. Puso. Buong pagkatao.
Sa ganitong kaisipan, sa paghuhubad natin sa ating sarili, tunay na matatanggap natin ang sakripisyo ni Hesus sa krus na palagiang inaalala natin sa Banal na Misa. Siya ay nagiging piraso ng tinapay na pinagsasaluhan natin. Ang alak ay nagiging dugong itinigis Niya sa Kanyang kalbaryo.
Subalit hindi spoon-feeding ang kaligtasang kaloob ng Diyos sa pamamagitan ni Hesus. Kinakailangan ito ng partisipasyon ng tao. Ng ating pagkilos at pagtitiyaga. Makipot ang daan patungo sa kaligtasan. Kailangan nating magsikap at magtiis.
Tandaan nating hindi lang basta lumitaw si Hesus sa sangkatauhan. Kinailangan ng pagsang-ayon ni Maria na maging ina Niya. Hindi lang basta inilabas ng Diyos ang mga Israelita sa Ehipto. Kailangang tumalima sa Kanya si Moses. Kinailangan din ng napiling bayang tumawid sa nahating dagat at maglakbay at manatili sa disyerto sa loob ng apatnapung taon.
Sa Unang pagbasa, pinakain ng Diyos si Elias subalit hindi siya hinayaang matulog na lang. Kumilos si Elias at naglakbay patungo sa Horeb sa loob ng apatnapung araw at gabi.
Nasa atin na ang kaligtasan. Isa itong biyaya mula sa Diyos. Ano ba ang ginagawa natin sa araw-araw upang maging karapat-dapat tayo sa biyayang ito?
Si Hesus ang Tinapay ng Buhay. Siya ang ating lakas sa ating paglalakbay. Nasa Kanya ang kaligtasan. Ngayong ipinababatid sa atin ito ni Hesus, hindi nangangahulugang maliligtas na tayo. Na magkakaroon na tayo ng buhay na walang hanggan. Kailangan nating kumilos at sumunod kay Hesus habang pasan ang pang-araw-araw nating krus.
Si Hesus ang Daan, ang Katotohanan at ang Buhay. Nang malaman natin ito, parang nalaman na rin natin ang winning number sa lotto. Kung mananalig tayo sa Kanya at susunod sa Kanya, kung kikilos tayo, daig pa natin ang nanalo sa lotto dahil ang premyo nati'y buhay na walang hanggan.
Panalangin:
Aming Amang makapangyarihan sa lahat, Ikaw na nagkaloob sa amin kay Hesus bilang pagkaing bukal ng buhay, palagian Ka po naming niluluwalhati, pinupuri at sinasamba.
Loobin po sana Ninyong makalapit kami sa Iyo sa pamamagitan ni Hesus. Gabayan po sana kami ng Espiritu Santo upang magawa naming unti-unting tumulad kay Hesus. Turuan Mo po kaming magtiwala sa Iyo. Turuan Mo po kaming sumunod sa Iyong kalooban.
Maging karapat-dapat po sana kaming tumanggap kay Hesus sa Banal na Misa. Nananalig po kaming ang tinapay at ang alak ay nagiging totoong katawan at totoong dugo ng Iyong anak. Ipinagkaloob sa amin upang kamtin ng aming kaluluwa ang kinakailangan naming lakas sa araw-araw.
Inaangkin po namin ang kaligtasan at buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Kristo, kasama Niya at sa Kanya, ang lahat ng parangal at papuri ay sa Iyo, Ama, kasama ng Espiritu Santo. Amen.