Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon - 24 Oktubre 2021



“Guro, ibig ko po sanang makakita.” (Marcos 10:51)

Unang Pagbasa: Jeremias 31:7-9

Ito ang sinasabi ng Panginoon: “Umawit kayo sa kagalakan alangalang kay Jacob, ipagbunyi ninyo ang pinakadakilang bansa; magpuri kayo at inyong ipahayag na iniligtas ng Panginoon ang kanyang bayan, ang mga nalabi sa Israel. 


Narito, sila’y ibabalik ko mula sa hilaga; titipunin ko sila mula sa mga sulok ng sanlibutan, kasama ang mga bulag at mga pilay, ang mga inang may pasusuhin, pati yaong malapit nang manganak; sila’y talagang napakarami! 


Uuwi silang nag-iiyakan habang daan, nananalangin samantalang inaakay ko. 


Dadalhin ko sila sa mga bukal ng tubig, pararaanin sa maayos na landas upang hindi sila madapa. Pagkat ang Israel ay para kong anak, at si Efraim ang aking panganay.” 


Salmo: Awit 126:1-2. 2-3. 4-5. 6


Tugon: Gawa ng D’yos ay dakila 

            kaya tayo’y natutuwa!

Nang lingapin tayo ng Diyos at sa Sion ay ibalik, 

ang nangyaring kasaysaya’y parang isang panaginip. 
Lahat tayo ay natuwa, masasayang nagsiawit.

Ang sabi ng mga bansang nagmamasid sa paligid. 

“Ang ginawa ng Diyos nila ay dakila, anong rikit!” 
Dakila ngang masasabi, pambihira ang ginawa, 
kaya naman kami ngayon, kagalaka’y di kawasa!

 Kung paanong inuulan yaong mga tuyong batis, 

sa sariling bayan namin, kami, Poon, ay ibalik.
 Silang mga nagbubukid na nagtanim na may luha, 
bayaan mo na mag-aning masasaya’t natutuwa. 

Yaong mga nagsihayong dala’y binhi’t nananangis, 

ay aawit na may galak, dala’y ani pagbalik!

Ikalawang Pagbasa: Hebreo 5:1-6


Ang bawat dakilang saserdote’y pinili sa mga tao at itinalagang maglingkod sa Diyos para sa kanila upang maghandog ng mga kaloob at mga hain dahil sa mga kasalanan. 


Mahinahon niyang napapakitunguhan ang mga mangmang at naliligaw ng landas, sapagkat siya’y mahina rin. At dahil sa kanyang kahinaan, kinakailangang siya’y maghandog ng hain, hindi lamang para sa kasalanan ng mga tao kundi para sa kasalanan din niya. 


Ang karangalan ng pagiging dakilang saserdote ay hindi maaaring kamtan ninuman sa kanyang sariling kagustuhan. Ang Diyos ang humihirang sa kanya, tulad ng pagkahirang kay Aaron. Gayon din naman, hindi si Kristo ang nagtaas ng kanyang sarili sa pagiging dakilang saserdote. Siya’y hinirang ng Diyos na nagsabi sa kanya, “Ikaw ang aking Anak, Ako ang iyong Ama.” Sinasabi rin niya sa ibang bahagi ng Kasulatan, “Ikaw ay saserdote magpakailanman, ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec.” 


Mabuting Balita: Marcos 10:46-52


Noong panahong iyon, dumating si Hesus sa Jerico, kasama ang kanyang mga alagad at marami pang iba. Nang umalis na sila roon, may naraanan silang isang bulag na nakaupo sa tabi ng daan at namamalimos. Siya’y si Bartimeo, anak ni Timeo. 


Nang marinig niyang naroon si Hesus na taga-Nazaret, sumigaw siya ng ganito: “Hesus, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!” Pinagsabihan siya ng mga tao at pinatatahimik, ngunit lalo pa siyang nagsisigaw, “Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!” 


Tumigil si Hesus at kanyang sinabi, “Tawagin ninyo siya.” At tinawag nga nila ang bulag. “Lakasan mo ang iyong loob,” sabi nila. “Tumindig ka. Ipinatatawag ka niya.” Iniwaksi niya ang kanyang balabal, paluksong tumayo at lumapit kay Hesus. “Ano ang ibig mong gawin ko sa iyo?” tanong sa kanya ni Hesus. Sumagot ang bulag, “Guro, ibig ko po sanang makakita.” Sinabi ni Hesus, “Humayo ka; magaling ka na dahil sa iyong pananalig.” Noon di’y nakakita siya, at sumunod kay Hesus.

Mga kasulyap-sulyap ngayon: