Umaga Matapos Ang Magdamag

Gospel Reflection

Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon
14 Nobyembre 2021
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.



Sabi nila, ang buhay nati'y parang mga oras sa isang araw. Ang takip-silim, halimbawa, ay madalas na ikumpara sa panahon ng paparating na kalungkutan at mga pagsubok. Ikinukumpara ang panahon ng kalituhan, kawalang-kasiguruhan, at ng matinding pagtitiis sa kahabaan ng gabi. At ang umaga naman sa isang bagong simula at pagdating ng bagong pag-asa.


Madilim ang mga imahe sa ating Ebanghelyo ngayong linggo. "Sa mga araw na iyon, pagkatapos ng mga napakalaking kapighatian, magdidilim ang araw, hindi magliliwanag ang buwan, malalaglag mula sa langit ang mga bituin, at mayayanig ang mga kapangyarihan sa kalawakan."

Tiniyak ni Hesus na magaganap ang mga bagay na ito. Nakakakilabot. Nakakatakot kung iisipin natin. Dagdag pa rito ang katotohanang hindi natin ganap na maintindihan ang ibig sabihin ni Hesus. Isang talinghaga ang lahat.


Para tayong mga taong naglalakbay sa kadiliman ng gabi. Tinitiis natin ang mga paghihirap at kalungkutan. Ilang beses tayong madadapa. Masusugatan tayo. Mapipilay. Malalalaglag sa mga imburnal. Pero kailangan nating magpatuloy. Babangon tayo mula sa kasalanan at magpapatuloy sa tulong ng Espiritu Santo. Darating ang umaga.


Si Hesus ang bagong umaga. Ang pagbabalik Niya ang bagong simula. Mawawala na ang paghihirap, kapighatian at maging ang kamatayan. Mapupuno ng galak ang Kanyang mga pinili. 


Susukatin tayong lahat. Ano ang ginawa natin habang tayo'y nasa kadiliman? Habang inaakala nating walang nakatingin? Habang akala nati'y walang nakakikita? Paano natin ginugol ang ating kayamanan? Ang ating kakayahan? Ang ating kapangyarihan? Ang ating panahon? Ginamit ba natin ito sa pagpapakasarap? Ginamit ba natin ito sa pagtulong sa iba? O wala tayong ginawa?


Nagbigay Siya ng mga palatandaan subalit walang nakakaalam kung kailan babalik si Hesus. Maaaring marami sa atin ang mamamatay muna bago Siya dumating muli. Subalit kailanman Siya dumating, tayong lahat ay haharap sa Kanya para sa huling paghuhukom.


Hindi natin alam kung anong oras na? Maaaring hatinggabi na ng sangkatauhan. Maaring madaling-araw na. Subalit siguradong darating ang bagong umagang hatid ni Hesus. Nakikita Niya ang ginagawa natin sa kahabaan ng madilim na gabi. At huhukuman Niya tayo sa ating mga ginawa.


Hindi tayo dapat matakot. Kumapit tayo sa Kanya. Kumapit tayo sa pag-asang hatid Niya sa buhay natin. Hindi Siya magpapabaya. Hindi Niya tayo bibiguin. Hanggang sa Kanyang pagbabalik.


Panalangin:


Ama naming mapagmahal, niluluwalhati Ka po namin at sinasamba. Umaasa po kami sa Iyong awa. Tulungan Mo po kaming makaalpas sa mga pagsubok at mga kapighatiang darating.


Ama, alisin po sana ng Espiritu Santo ang lahat ng pagduruda at takot sa aming mga puso. Haharapin po namin ang buhay taglay ang pag-asa ng isang bagong simula sa pagbabalik ng Iyong Anak na si Hesus.


Nananampalataya po kami sa Kanyang pagbabalik. Mula sa Iyong piling, Siya'y paririto upang hukuman ang mga buhay at mga patay. 


Inaangkin namin ang kaligtasang kaloob Niya. Inutusan po Niya kaming mag-ibigan katulad ng pag-ibig Niya sa amin. Makita po sana ang pag-ibig na ito sa pang-araw-araw naming buhay.


Lubos ang pag-asa at pananampalataya, sa pangalan ni Hesus, naghaharing kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.




Mga kasulyap-sulyap ngayon: