Daily Gospel - 28 Marso 2022


At sinabi sa kanya ni Jesus: “Makauuwi ka na. Buhay ang anak mo.” (Juan 4:50)

Pagbasa: Isaias 65:17-21; Salmo: Awit 30:2-13;
Mabuting Balita: Juan 4:43-54

43 Pagkatapos ng dalawang araw, umalis siya roon pa-Galilea. 44 Nagpatunay nga mismo si Jesus na hindi pinararangalan ang isang propeta sa sariling bayan. 45 Gayon pa man, pagdating niya sa Galilea, tinanggap siya ng mga Galileo dahil nasaksihan nila ang lahat ng ginawa niya sa Piyesta sa Jerusalem. Naroon nga rin sila mismo sa Piyesta.

46 Nagpunta siyang muli sa Kana ng Galilea, doon niya ginawang alak ang tubig. At nangyari, na ang anak na lalaki ng isang opisyal ng hari ay maysakit sa Capernaum. 47 Nang marinig niyang dumating si Jesus sa Galilea galing Judea, pinuntahan niya siya at ipinakiusap na lumusong at pagalingin ang kanyang anak na nasa bingit ng kamatayan. 

48 Kaya sinabi sa kanya ni Jesus: “Hangga’t hindi kayo nakakakita ng mga tanda at mga kababalaghan, hindi kayo maniniwala.” 49 Sinabi naman sa kanya ng opisyal: “Lumusong kayo bago mamatay ang anak ko.” 50 At sinabi sa kanya ni Jesus: “Makauuwi ka na. Buhay ang anak mo.”

Naniwala ang tao sa salitang sinabi sa kanya ni Jesus at umuwi siya.

51 At habang palusong na siya, sinalubong siya ng kanyang mga alipin at sinabing buhay ang anak niya. 52 Inalam niya sa kanila ang oras nang magsimula siyang umigi, at sinabi nila: “Kahapon po nang ala-una ng tanghali siya inibsan ng lagnat.” 53 Kaya nalaman ng ama na ito ang oras nang sabihin sa kanya ni Jesus: “Buhay ang anak mo.” At naniwala siya at ang buo niyang sambahayan. 

54 Ginawa ni Jesus ang ikalawang tandang ito pagkarating niya sa Galilea galing Judea.

Mga kasulyap-sulyap ngayon: