Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma - 27 Marso 2022



‘Sapagkat namatay na ang anak kong ito; ngunit muling nabuhay; nawala, ngunit nasumpungan.’ (Lucas 15:24)

Unang Pagbasa: Josue 5:9.10-12

Noong mga araw na iyon: Sinabi ng Panginoon kay Josue: “Inalis ko ngayon ang kahihiyan ng pagkaalipin ninyo sa Egipto.” 

Samantalang nasa Gilgal sa kapatagan ng Jerico ang mga Israelita, ipinagdiwang nila ang Paskuwa noong hapon ng ikalabing-apat ng unang buwan. Kinaumagahan, araw pa rin ng Paskuwa, kumain sila ng mga pagkaing inani nila sa lupaing yaon: sinangag na trigo at tinapay na walang lebadura. 

Pagkakain nila ng pagkaing inani sa lupaing iyon, tumigil na ang pag-ulan ng manna. Kaya’t mula nang taong iyon, pagkaing inaani sa Canaan ang kanilang ikinabuhay.

Salmo: Awit 33 

Tugon: Magsumikap tayong kamtin 
           ang Panginoong butihin!

Panginoo’y aking laging pupurihin; 
sa pasasalamat di ako titigil. 
Aking pupurihin kanyang mga gawa, 
kayong naaapi, makinig, matuwa! 

Ang pagkadakila niya ay ihayag 
at ang ngalan niya’y purihin ng lahat! 
Ang aking dalangi’y dininig ng Diyos, 
nawala sa akin ang lahat kong takot.

Nagalak ang aping umasa sa kanya, 
pagkat di nabigo ang pagasa nila. 
Tumatawag sa Diyos ang walang pag-asa, 
sila’y iniligtas sa hirap at dusa. 

Ikalawang Pagbasa: 2 Corinto 5:17- 21

Mga kapatid: Ang sinumang nakipag-isa kay Kristo ay isa nang bagong nilalang. Wala na ang dating pagkatao; siya’y bago na. 

Ang Diyos ang gumawa ng lahat ng ito. Sa pamamagitan ni Kristo, ibinilang niya akong kaibigan – di na kaaway – at hinirang niya ako upang panumbalikin sa kanya ang mga tao. Ang ibig kong sabihin, ang tao’y ibinibilang ng Diyos na kanyang kaibigan sa pamamagitan ni Kristo, at nililimot na niya ang kanilang mga kasalanan. At ipinagkatiwala niya sa akin ang balitang ito. 

Kaya’t ako’y sugo ni Kristo; parang ang Diyos na rin ang namamanhik sa inyo sa pamamagitan ko: makipagkasundo kayo sa Diyos. 

Hindi nagkasala si Kristo, ngunit dahil sa atin, siya’y ibinilang na makasalanan upang makipag-isa tayo sa kanya at mapabanal sa harapan ng Diyos sa pamamagitan niya.

Mabuting Balita: Lucas 15:1-3.11-32

Noong panahong iyon: Ang mga publikano at ang mga makasalanan ay nagsisilapit upang makinig kay Hesus. 

Nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at ang mga eskriba. Ang sabi nila: “Ang taong ito’y nakikisalamuha sa mga makasalanan at nakikisalo sa kanila.” Kaya’t sinabi sa kanila ni Hesus ang talinghagang ito: 

“Isang tao ang may dalawang anak na lalaki. Ang wika ng bunso, ‘Ama, ibigay na po ninyo sa akin ang mamanahin ko.’ At binahagi sa kanila ng ama ang kanyang ari-arian. Pagkalipas ng ilang araw, ipinagbili ng bunso ang kanyang ari-arian at nagtungo sa malayong lupain, taglay ang buo niyang kayamanan, at doo’y nilustay na lahat sa di wastong pamumuhay. Nang malustay na niya ang kanyang kayamanan, nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing yaon, at nagdalita siya. Kaya’t namasukan siya sa isang mamamayan ng lupaing yaon. Siya’y pinapunta nito sa bukid upang mag-alaga ng baboy. Ibig sana niyang punan ang kanyang pagkain kahit ng mga bungang-kahoy na ipinakakain sa mga baboy ngunit walang magbigay sa kanya. 

Nang mapag-isip-isip niya ang kanyang ginawa, nasabi niya sa sarili, ‘Ang mga alila ng aking ama ay may sapat na pagkain – at lumalabis pa – samantalang ako’y namamatay ng gutom dito! Babalik ako sa kanya, at sasabihin ko, “Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi na po ako karapat-dapat na tawagin ninyong anak; ibilang na lamang ninyo akong isa sa inyong mga alila.” ’ At tumindig siya at pumaroon sa kanyang ama. 

Malayo pa’y natanawan na siya ng ama at ito’y labis na nahabag sa kanya, kaya’t patakbo siyang sinalubong, niyakap, at hinagkan. Sinabi ng anak, ‘Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi na po ako karapat-dapat na tawagin ninyong anak.’ Ngunit tinawag ng ama ang kanyang mga alila, ‘Madali! Dalhin ninyo rito ang pinakamahusay na damit at isuot sa kanya. Suutan siya ng singsing at panyapak. Kunin ang pinatabang guya at patayin; kumain tayo at magsaya! Sapagkat namatay na ang anak kong ito; ngunit muling nabuhay; nawala, ngunit nasumpungan.’ At sila’y nagsaya. 

Nasa bukid noon ang anak na panganay. Umuwi siya, at nang malapit na sa bahay ay narinig niya ang tugtugan at sayawan. Tinawag niya ang isa sa mga alila at tinanong: ‘Bakit? May ano sa atin?’ ‘Dumating po ang inyong kapatid!’ tugon ng alila. ‘Ipinapatay ng inyong ama ang pinatabang guya, sapagkat nagbalik siyang buhay at walang sakit.’ Nagalit ang panganay at ayaw itong pumasok sa bahay. Kaya’t lumabas ang kanyang ama at inamu-amo siya. Ngunit sinabi nito, ‘Pinaglingkuran ko po kayo sa loob ng maraming taon, at kailanma’y hindi ko kayo sinuway. Ngunit ni minsa’y hindi ninyo ako binigyan ng kahit isang bisirong kambing para magkatuwaan kami ng aking mga kaibigan. Subalit nang dumating ang anak ninyong lumustay ng inyong kabuhayan sa masasamang babae, ipinagpatay pa ninyo ng pinatabang guya!’ 

Sumagot ang ama, ‘Anak, lagi kitang kapiling. Ang lahat ng ari-arian ko’y sa iyo. Ngunit dapat tayong magsaya at magalak, sapagkat namatay na ang kapatid mo, ngunit muling nabuhay; nawala, ngunit nasumpungan.’ ” 

Mga kasulyap-sulyap ngayon: