Nakikilala ang bawat punongkahoy sa pamamagitan ng kanyang bunga. (Lucas 6:44)
Unang Pagbasa: Sirac 27:4-7
Pag niliglig mo ang bistay, maiiwan ang magaspang; pag ang tao'y nagsalita, kapintasa'y lumilitaw. Ang gawa ng magpapalayok ay sa hurno nasusubok, ang pagkatao ng sinuma'y makikita sa usapan. Sa bunga ng punongkahoy nakikilala ang ginagawang pag-aalaga; sa pangungusap ng isang tao, damdamin niya'y nahahalata.
Huwag mo munang pupurihin ang isang tao hanggang hindi nakapagsasalita, sapagkat doon mo pa makikilala ang tunay niyang puso't diwa.
Salmo: Salmo 91
Tugon: Totoong kalugud-lugod
ang magpasalamat sa D’yos!
Ang magpasalamat sa Panginoong Diyos ay mabuting bagay,
umawit na lagi purihin ang ngalang Kataas-taasan.
Pag-ibig n'yang wagas ay dapat ihayag, kung bukang-liwayway,
pagsapit ng gabi ang katapatan n'ya'y ihayag din naman.
Katulad ng palma, ang taong matuwid tatatag ang buhay,
parang mga sedro, kahoy sa Libano, lalagong mainam.
Parang punongkahoy na doon natanim sa tahanan ng Diyos,
sa banal na templo ito ay lalago na nakalulugod.
Tuloy ang pagbunga kahit na ang punong ito ay tumanda,
luntia't matatag, at ang dahon nito ay laging sariwa.
Ito'y patotoo na ang Panginoo'y tunay na matuwid,
siya kong sanggalang, matatag na batong walang bahid dungis.
Ikalawang Pagbasa: 1 Corinto 15:54-58
Mga kapatid, kapag napalitan na ng walang pagkabulok ang nabubulok at napalitan na ng walang kamatayan ang namamatay, matutupad ang nasasaad sa Kasulatan: "Nalupig na ang kamatayan; ganap na ang tagumpay!" "Nasaan, O kamatayan, ang iyong tagumpay? Nasaan, O kamatayan, ang iyong kamandag?"
Ang kamandag ng kamatayan ay ang kasalanan, at ang lakas ng kasalanan ay nagmumula sa Kautusan. Magpasalamat tayo sa Diyos na nagbibigay sa atin ng tagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Hesukristo!
Kaya nga, mga kapatid, magpakatatag kayo at huwag matitinag. Magpakasipag kayo sa gawain para sa Panginoon yamang alam ninyong di nasasayang ang inyong pagpapagal para sa kanya.
Mabuting Balita: Lucas 6:39-45
Noong panahong iyon, tinanong ni Hesus ang mga alagad nang patalinghaga: "Maaari bang maging tagaakay ng bulag ang isa ring bulag? Kapwa sila mahuhulog sa hukay kapag ginawa ang gayon.
Walang alagad na higit sa kanyang guro; ngunit kapag lubusang naturuan, siya'y magiging katulad ng kanyang guro.
Ang tinitingnan mo'y ang puwing ng iyong kapatid, ngunit hindi mo pinapansin ang tahilan sa iyong mata. Paano mo masasabi sa iyong kapatid, 'Kapatid, bayaan mong alisin ko ang iyong puwing,' gayong hindi mo nakikita ang tahilang nasa iyong mata? Mapagpaimbabaw! Alisin mo muna ang tahilan sa iyong mata, at makakikita kang mabuti; sa gayo'y maaalis mo ang puwing ng iyong kapatid.
Walang mabuting punong-kahoy na namumunga ng masama, at walang masamang punongkahoy na namumunga ng mabuti. Nakikilala ang bawat punongkahoy sa pamamagitan ng kanyang bunga. Sapagkat hindi nakapipitas ng igos sa puno ng aroma, at di rin nakapipitas ng ubas sa puno ng dawag. Ang mabuting tao ay nakapagdudulot ng mabuti sapagkat tigib ng kabutihan ang kanyang puso; ang masamang tao ay nakapagdudulot ng masama, sapagkat puno ng kasamaan ang kanyang puso. Sapagkat kung ano ang bukambibig siyang laman ng dibdib."