Kung Mamamatay Ka Bukas...

Gospel Reflection


Ikawalong Linggo sa Karaniwang Panahon
27 Pebrero 2022


Kung mamamatay ka bukas, ano kaya ang mararamdaman ng mga tao? Marami kaya ang matutuwa? Marami ang malulungkot? Ano kaya ang sasabihin ng mga tao tungkol sa iyo?

At matapos ang sampung taon pagkamatay mo, ano kaya ang maaalala ng mga tao tungkol sa iyo? Anong legacy ang iniwan mo? O baka basta ka na lang nila malilimutan? Na para bang hindi ka nabuhay sa mundo?

Ano ba ang naging bunga ng pang-araw-araw mong mga pagsisikap? Sino ang mga naapektuhan ng mga pagsisikap na ito? Sarili mo lang ba? Ang ibang tao rin? Sino ang mga na-touch mong mga tao? Ilang kaluluwa ang nahipo mo? Sino ang iyong nginitian? Ang sinimangutan? Ang pinagpakitaan ng malasakit? Ng pagmamahal?

Sa pagsasalita, ano ang iyong bukambibig? Salita ng Diyos? Buhay ng may buhay? Pagmumura? Paninira? Panlalait? Isa ka bang dakilang Marites?

Nakikita ang tunay nating pagkatao sa ating pagsasalita at sa ating mga gawa. Kung ano ang inihasik natin sa pakikisalamuha natin sa ating kapwa-tao, iyon din ang ating bunga.

Sa pagsisikap nating maging mga mabuting Katoliko sa araw-araw, nawa'y tuluyan tayong makatulad ni Hesus. Subalit dapat nating tandaang hindi tayo higit na dakila kasya sa ating Panginoon. Kung paanong siya ay dumanas ng mga paghihirap sa kamay ng mga Romano at mga Hudyo, gayundin, daranas tayo ng mga pagsubok sa ating buhay. Dapat tayong maging handa sa pagbuhat ng ating krus sa araw-araw at sa pagsunod sa Kanya.

Ano ang bunga ng iyong buhay? Naghasik ka ba ng lagim sa mundo? Naghasik ng kabaitan? Ng kabutihan?

Sana po'y makita sa atin ang bunga ng ating pagiging mga mabuting Katoliko. Sana'y makita sa ating buhay ang Mabuting Balita ng pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan. Sana'y makita sa atin si Kristo.

Panalangin:

Aming Amang nagkaloob ng Iyong Bugtong na Anak para sa aming kaligtasan, sambahin ang Ngalan Mo, luwalhatiin ka at sambahin ng sansinukob.

Narito ang Iyong mga abang lingkod, kami nawa ang Iyong maging mga labi sa paghahayag ng Iyong pag-ibig, Iyong maging mga paa sa paglapit sa nangangailangan ng kalinga, Iyong maging mga kamay at bisig sa pagtulong at pagyakap sa nalulumbay at nawawalan ng pag-asa. Aming Diyos, gamitin Mo kami.

Pag-ibig nawa ang aming maging bunga. Si Kristo nawa ang makita sa aming pang-araw-araw na buhay.

Papuri at pasasalamat sa Iyo, sa matamis na pangalan ng aming Panginoong HesuKristo, nabubuhay at naghaharing kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.

Mga kasulyap-sulyap ngayon: