Ikalawang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay - 24 Abril 2022

Linggo ng Dakilang Awa ng Diyos



“Naniniwala ka na ba sapagkat nakita mo ako? Mapapalad ang mga naniniwala kahit hindi nila ako nakita.” (Juan 20:29)


Unang Pagbasa: Gawa 5:12-16

Maraming kababalaghang ginawa ang mga apostol, na pawang nasaksihan ng mga tao. Nagtitipun-tipon sa Portiko ni Solomon ang lahat ng sumasampalataya. 

Hindi nangahas na makisama sa kanila ang mga di-sumasampalataya, gayunma’y puring-puri sila ng mga tao. Subalit parami nang parami ang lalaki at babaing nananalig sa Panginoon. 

Dinala sa mga lansangan ang mga maysakit at inilagay sa mga papag at mga higaan, upang pagdaan ni Pedro ay matamaan ng kanyang anino ang ilan man lamang sa kanila. At dumating din ang maraming taong buhat sa mga bayang kanugnog ng Jerusalem, dala ang kanilang mga maysakit at mga pinahihirapan ng masasamang espiritu; at silang lahat ay pinagaling.

Salmo: Awit 117

Tugon: Butihing Poo’y purihin, 
           pagibig n’ya’y walang maliw!

Ang taga-Israel, bayaang sabihi’t kanilang ihayag, 
“Ang pag-ibig ng Diyos ay hindi kukupas.” 
Mga saserdote ng Diyos na Panginoon, bayaang magsaysay: 
“Ang pag-ibig ng Diyos, walang katapusan.” 
Lahat ng may takot sa Panginoong Diyos, dapat magpahayag, 
“Ang pag-ibig niya’y hindi magwawakas.” 

 Ang batong natakwil ng nangagtatayo ng tirahang-bahay, 
sa lahat ng bato’y higit na mahusay. 
Ang lahat ng ito ang nagpamalas ay ang Panginoong Diyos, 
kung iyong mamasdan ay kalugud-lugod. 
O kahanga-hanga ang araw na itong ang Diyos ang nagbigay, 
tayo ay magalak, ating ipagdiwang! 

Kami ay iligtas, tubusin mo, Poon, kami ay iligtas, 
at pagtagumpayin sa layuni’t hangad. 
Ang pumaparito sa ngalan ng Poon ay pagpapalain; 
magmula sa templo, mga pagpapala’y kanyang tatanggapin! 
Ang Panginoon ang D’yos, pagkabuti niya sa mga hinirang.

Ikalawang Pagbasa: Pahayag 1:9-11.12-13.17-19

Ako’y si Juan, ang inyong kapatid na kasama ninyo sa paghihirap, paghahari, at pagtitiis, dahil sa pakikipag-isa kay Hesus. Itinapon ako sa pulo ng Patmos sapagkat ipinangaral ko ang salita ng Diyos at ang katotohanang inihayag ni Hesus. Noo’y araw ng Panginoon. Kinasihan ako ng Espiritu, at narinig ko mula sa aking likuran ang isang malakas na tinig na parang tunog ng trompeta. Ang sabi: “Isulat mo ang iyong nakikita.” 

Lumingon ako upang tingnan ang nagsasalita, at nakakita ako ng pitong ilawang ginto. Nakatayo sa gitna ng mga ito ang isang animo’y lalaki, nakadamit nang abut-sakong, at may pamigkis na ginto sa kanyang dibdib. 

Pagkakita ko sa kanya, para akong patay na nalugmok sa paanan niya. Ngunit ipinatong niya sa akin ang kanyang kanang kamay, at sinabi: “Huwag kang matakot! Ako ang Simula at ang Wakas, at ang Nabubuhay! Namatay ako ngunit masdan mo, ako’y buhay ngayon at mananatiling buhay magpakailanman. Nasa ilalim ng kapangyarihan ko ang kamatayan at ang daigdig ng mga patay. 

Kaya’t isulat mo ang iyong nakikita, ang nangyayari ngayon at ang mangyayari pa.” 

Mabuting Balita: Juan 20:19-31

Kinagabihan ng Linggo ding iyon, ang mga alagad ay nagkakatipon. Nakapinid ang mga pinto ng bahay na kanilang pinagtitipunan dahil sa takot nila sa mga Judio. Dumating si Hesus at tumayo sa gitna nila. “Sumainyo ang kapayapaan!” sabi niya. Pagkasabi nito, ipinakita niya ang kanyang mga kamay at ang kanyang tagiliran. Tuwang-tuwa ang mga alagad nang makita ang Panginoon. Sinabi na naman ni Hesus, “Sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong sinugo ako ng Ama, gayon din naman, sinusugo ko kayo.” Pagkatapos, sila’y hiningahan niya at sinabi, “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo. Ang patawarin ninyo sa kanilang mga kasalanan ay pinatawad na nga; ang hindi ninyo patawarin ay hindi nga pinatawad.” 

Ngunit si Tomas na tinaguriang Kambal, isa sa Labindalawa, ay wala roon nang dumating si Hesus. 

Kaya’t sinabi sa kanya ng ibang alagad, “Nakita namin ang Panginoon!” Sumagot si Tomas, “Hindi ako maniniwala hangga’t di ko nakikita ang butas ng mga pako sa kanyang mga kamay, at naisusuot dito ang aking daliri, at hangga’t hindi ko naipapasok ang aking kamay sa kanyang tagiliran.” 

Makalipas ang walong araw, muling nagkatipon sa loob ng bahay ang mga alagad; kasama nila si Tomas. Nakapinid ang mga pinto, ngunit pumasok si Hesus at tumayo sa gitna nila. Sinabi niya, “Sumainyo ang kapayapaan!” Saka sinabi kay Tomas, “Tingnan mo ang aking mga kamay at ilapit dito ang iyong daliri. Ipasok mo ang iyong kamay sa aking tagiliran. Huwag ka nang mag-alinlangan, maniwala ka na.” Sumagot si Tomas, “Panginoon ko at Diyos ko!” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Naniniwala ka na ba sapagkat nakita mo ako? Mapapalad ang mga naniniwala kahit hindi nila ako nakita.” 

Marami pang kababalaghang ginawa si Hesus na nasaksihan ng mga alagad, ngunit hindi natatala sa aklat na ito. Ang mga natala rito’y sinulat upang sumampalataya kayong si Hesus ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos, at sa gayo’y magkaroon kayo ng buhay sa pamamagitan niya. 

Mga kasulyap-sulyap ngayon: