Spiritual Dryness

Gospel Reflection

Ikalawang Linggo ng Muling Pagkabuhay
24 Abril 2022
I-click po dito para mabasa ang Ebanghelyo. 


(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 07 Abril 2013.)



May mga pagkakataon sa ating buhay na parang anlayu-layo ng Diyos. Para bang hindi natin Siya maramdamang kumikilos sa ating pang-araw-araw na buhay. Nangyayari ito sa marami sa atin. Kahit pa sa akin.

Madaling mahalin ang Diyos kung lagi Niyang sinasagot ang ating mga panalangin sa paraang gusto natin. Madaling maniwala sa Kanya kung may laman ang sikmura natin. Madaling sumampalataya kung na-solve ang problema natin o gumaling ang sakit natin.

Pero paano kung hindi ganito ang nangyari? Paano kung sumala tayo sa pagkain? O hindi natin ma-solve ang problema natin? Ibig bang sabihin nito'y tatalikuran na natin ang ating pananampalataya sa Kanya? Ibig bang sabihin nito'y babalewalain na natin ang lahat ng ating pinanghawakan sa ngalan Niya?

Sa ating ebanghelyo ngayong Linggo, hindi makapaniwala si Tomas sa ibinalita ng mga kapwa niya apostol na nakita nilang buhay si Hesus. Nagbigay pa siya ng kondisyon; "hindi ako maniniwala hangga't hindi ko nakikita at nahahawakan ang butas ng mga pako sa kanyang mga kamay, at hangga't hindi ko naisusuot ang aking daliri sa mga sugat na iyon at sa kanyang tagiliran."

To see is to believe. Pananampalatayang nakabatay sa nakikita.  

Maraming mga makabagong Tomas sa ating panahon. Sila 'yung mga taong laging naghahanap ng signs mula sa Panginoon. Sila 'yung mga taong kailangang lagi Siyang maramdaman-- to feel is to believe. Kaya marami sa atin ang pakiramdam mo'y pagkababait pagkatapos ng misa o ng praise and worship. Dahil feel na feel nila ang presence ni Lord.

Pero katulad nga ng nauna kong mga tanong kanina, paano kung hindi mo na Siya ma-feel? O hindi mo nakita ang hinihingi mong signs? O hindi mo na Siya makitang kumikilos sa buhay mo?

Ito ang hamon sa bawat nananampalatayang Katoliko. Marami sa atin ang humihinto na sa pagsisimba dahil pakiramdam nila'y parang wala namang saysay ang kanilang pananampalataya. Samahan mo pa ng napakaraming distractions. Hindi nakapagtatakang napakaluwag ng mga simbahan pero wala ng paglagyan ang mga tao sa mall.

Kung may mga pagkakataong nanghihina tayo, palalimin natin ang ating buhay-panalangin. Sa pakikipag-uganayan natin sa Kanya matatagpuan natin ang lakas na ating hinahanap. Ang isang pananampalatayang hindi nakaugat sa isang malalim na personal na relasyon sa Diyos ay isang pananampalatayang patay o kung hindi man ay panandalian-- dahil nakaugat lamang sa mga emosyong hindi permanente.

Ang pananampalataya ay isang grasyang mula sa Diyos, hingin natin sa Kanya na ipagkaloob sa atin ang Espiritu Santong magtuturo sa ating sumampalataya at mahalin Siya. Sapagkat si Hesus ay buhay! Kasama natin Siya sa araw-araw-- sa bahay man, sa trabaho, sa kalsada o kung saanman tayo naroroon.

Sabi nga, Seeing is not necessarily believing but believing is seeing.

Panalangin:

Panginoon namin at Diyos, o aming Amang makapangyarihan sa lahat na lumikha ng langit at ng lupa, purihin at sambahin Ka ng buong mundo. Kami ay Iyo at walang saysay ang aming buhay kung wala Ka.

Nabuhay na magmuli ang Iyong Bugtong na Anak upang gapiin ang kamatayang bunga ng aming kasalanan. Ipahahayag namin habang kami'y nabubuhay na Siya'y namatay at muling nabuhay para sa amin. Ang puso, isipan at kaluluwa namin ay utang namin sa Kanya.

Idinadalangin namin ang mga makabagong Tomas sa aming panahon. Palisin Mo po ang kanilang mga pag-aalinlangan. Tulungan Mo po kaming ganap na magtiwala sa Iyo hindi Ka man namin nakikita o nararamdaman. Bigyan Mo po kami ng lakas sa mga panahong sinusubok ang aming pananampalataya.

Ang amin pong simbahan ay itinataas namin sa Iyo, gayundin po ang mga lider nito. Magawa po sana nilang itaguyod ang mga pangangailangang espiritwal ng mga mananampalatayang Katoliko, lalo na po ngayong Taon ng Pananampalataya.

Patatagin Mo pa pong lalo ang mga parokya at mga komunidad, maging instrumento po sana sila sa paghubog ng mga bagong lider at mananampalatayang magtatanggol sa aming simbahan.

Nabuhay si Hesus, sa ngalan Niya kasama Mo at ng Espiritu Santo, manatili nawa sa aming mga pamilya ang kapayapaang dulot Niya ngayon at sa mga susunod pang araw ng aming buhay. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: