Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Katawan at Dugo ni Kristo - 19 Hunyo 2022



Sapagkat tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa kalis na ito ay ipinahahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon, hanggang sa muling pagparito niya. (1 Corinto 11:26)

Unang Pagbasa: Genesis 14:18-20

Noong mga araw na iyon, dinalhan ni Melquisedec, hari ng Salem at saserdote ng Kataas-taasang Diyos, si Abram ng tinapay at alak, at pinagpala ng ganito: “Pagpalain ka nawa, Abram, ng Diyos na Kataas-taasan na lumikha ng langit at lupa. Purihin ang Kataas-taasang Diyos na nagbigay sa iyo ng tagumpay!”

 At ibinigay ni Abram kay Melquisedec ang ikapu ng lahat ng kanyang nasamsam.

Salmo: Awit 109 

Tugon: Ikaw’y paring walang hanggan, 
            katulad ni Melquisedec!

Sinabi ng Poon, sa Hari ko’t Panginoon, “Maupo ka sa kanan ko, 
hanggang ang kaaway mo ay lubos na mapasuko, pagkat iyong matatalo.” 

Magmula sa dakong Sion, ay palalawakin niya ang lupaing iyong sakop; 
“At lahat ng kaaway mo’y sakupin at pagharian,” gayon ang kanyang utos. 

Sasamahan ka ng madla, kung dumating ang panahong lusubin ka ng kaaway;
 magmula sa mga bundok, lalabas at sasamahan ka ng mga kabataan. 

Panginoo’y may pangako na ito’y tiyak mangyayari, ganito ang kanyang saysay: 
“Katulad ni Melquisedec, gagawin kang saserdote, na hindi na wawakasan.” 

Ikalawang Pagbasa: 1 Corinto 11:23-26

Mga kapatid: Ito ang aral na tinanggap ko sa Panginoon at ibinibigay ko naman sa inyo: ang Panginoong Hesus, noong gabing siya’y ipagkanulo ay dumampot ng tinapay, nagpasalamat, at pinaghatihati ito, at sinabi, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito sa pag-alala sa akin.” Gayon din naman, matapos maghapunan ay hinawakan niya ang kalis at sinabi, “Ang kalis na ito ang bagong tipan na pinagtitibay ng aking dugo. Tuwing iinumin ninyo ito, gawin ninyo sa pag-alala sa akin.” 

Sapagkat tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa kalis na ito ay ipinahahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon, hanggang sa muling pagparito niya. 

Mabuting Balita: Lucas 9:11-17

Noong panahong iyon, nagsalita si Hesus sa mga tao tungkol sa paghahari ng Diyos; pinagaling niya ang mga may karamdaman. 

Nang dumidilim na’y nilapitan siya ng Labindalawa at sinabi sa kanya, “Paalisin na po ninyo ang mga tao nang makaparoon sila sa mga nayon, sa kabukiran sa paligid, upang humanap ng makakain at matutuluyan. Nasa isang ilang na lugar po tayo.” Ngunit sinabi niya, “Kayo ang magbibigay sa kanila ng makakain.” Sumagot sila, “Wala po tayo kundi limang tinapay at dalawang isda, kaya kailangang bumili kami ng pagkain para sa mga taong ito.” May limanlibong lalaki ang naroon. Ngunit sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Paupuin ninyo sila nang pulu-pulutong na tiglilimampu.” 

Gayon nga ang ginawa nila, pinaupo ang lahat. Kinuha ni Hesus ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala sa langit, at nagpasalamat sa Diyos. Pinaghati-hati niya ang mga ito, at ibinigay sa kanyang mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. Nakakain ang lahat at nabusog. Tinipon ng mga alagad ang lumabis; at nakapuno sila ng labindalawang bakol.

Mga kasulyap-sulyap ngayon: