Ika-27 Linggo Sa Karaniwang Panahon - 02 Oktubre 2022



‘Kami’y mga aliping walang kabuluhan; tumupad lamang kami sa aming tungkulin.’” (Lucas 17:10)

Unang Pagbasa: Habakuk 1:2-3. 2:2-4

Panginoon, hanggang kailan ako daraing sa iyo, at di mo diringgin? Hanggang kailan mo babayaang mamayani ang karahasan? Bakit ang ipinakikita mo sa akin ay pawang kasamaan at kahirapan? Sa magkabi-kabila’y nagaganap ang pagwasak at ang karahasan; laganap ang hidwaan at pagtatalo. At ito ang tugon ng Panginoon: “Isulat mo ang pangitain; isulat mong malinaw sa mga tapyas ng bato, upang madaling mabasa at ibalita sa lahat. Sapagkat hindi pa dumarating ang takdang panahon upang maganap ang pangitain; mabilis na dumarating ang wakas—hindi ito maliliban. Ngunit tiyak na magaganap, kung ito ma’y nagtatagal. Masdan mo, ang hambog ay mabibigo sa kanyang kapalaluan, ngunit ang matuwid ay mabubuhay sa kanyang katapatan.”

Salmo: Awit 94

Tugon: Panginoo’y inyong dinggin, 
            huwag n’yo s’yang salungatin.

Tayo ay lumapit sa ’ting Panginoon, siya ay awitan, 
ating papurihan ang batong kublihan nati’t kalakasan. 
Tayo ay lumapit, sa kanyang harapan na may pasalamat, 
siya ay purihin, ng mga awiting may tuwa at galak. 

Tayo ay lumapit, sa kanya’y sumamba at magbigay-galang,
lumuhod sa harap nitong Panginoong sa ati’y lumalang.
Siya ang ating Diyos, tayo ay kalinga niyang mga hirang, 
mga tupa tayong inaalagaan. 

Ang kanyang salita ay ating pakinggan:
 “Iyang inyong puso’y huwag patigasin, tulad ng ginawa
ng inyong magulang nang nasa Meriba, sa ilang ng Masa. 
Ako ay tinukso’t doon ay sinubok ng inyong magulang, 
bagamat nakita ang aking ginawang sila’ng nakinabang.” 

Ikalawang Pagbasa: Timoteo 1:6-8. 13-14

Pinakamamahal ko, ipinaaalaala ko sa iyo na maging masigasig ka sa pagtupad sa tungkuling tinanggap mo sa Diyos nang ipatong ko ang aking mga kamay sa ulo mo. Sapagkat hindi espiritu ng kaduwagan ang ibinigay sa atin ng Diyos kundi espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig, at pagpipigil sa sarili. 

Kaya’t huwag mong ikahihiya ang pagpapatotoo tungkol sa Panginoon o ang aking pagkabilanggo dahil sa kanya. Sa halip, makihati ka sa kahirapan dahil sa Mabuting Balita. 

Gawin mong batayan ang mga aral na itinuro ko sa iyo yamang ang mga ito’y pawang katotohanan. Manatili ka sa pananampalataya at sa pag-ibig na tinanggap natin sa pakikipag-isa kay Kristo Hesus. Sa tulong ng Espiritu Santong nananahan sa atin, ingatan mo ang lahat ng ipinagkatiwala sa iyo.

Mabuting Balita: Lucas 17:5-10

NOONG panahong iyon, sinabi ng mga apostol sa Panginoon, “Dagdagan po ninyo ang aming pananalig sa Diyos!” Tumugon ang Panginoon, “Kung maging sinlaki man lamang ng butil ng mustasa ang inyong pananalig sa Diyos, masasabi ninyo sa puno ng sikomorong ito, ‘Mabunot ka, at matanim sa dagat!’ at tatalima ito sa inyo. “Ipalagay nating kayo’y may aliping nag-aararo, o nagpapastol kaya ng tupa. Pagkagaling niya sa bukid, sasabihin ba ninyo sa kanya, ‘Halika at nang makakain ka na’? Hindi! Sa halip ay ganito ang sinasabi ninyo: ‘Ipaghanda mo ako ng hapunan; magbihis ka, at silbihan mo ako habang ako’y kumakain. Kumain ka pagkakain ko.’ Pinasasalamatan ba ang alipin dahil sa ginawa niya ang iniutos sa kanya? Gayundin naman kayo; kapag nagawa na ninyo ang lahat ng iniutos sa inyo, sabihin ninyo, ‘Kami’y mga aliping walang kabuluhan; tumupad lamang kami sa aming tungkulin.’” 

Mga kasulyap-sulyap ngayon: