Gospel Reflection
Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon
02 Oktubre 2022Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon
I-click po dito para mabasa ang Ebanghelyo.
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 06 Oktubre 2013.)
Si Kuya Anong-- o Kuya A-- ang naging direktor ng marami sa mga plays sa simbahan ng San Antonio de Padua sa Malabon noong kabataan ko. Habang pinagninilayan ko ang Ebanghelyo natin ngayong linggo, hindi maalis sa isip ko ang lagi niyang sinasabi kapag nagbibigay siya ng acting workshop:
"Ang bawat gumaganap sa isang teatro-- sa entablado man o sa likod nito-- ay katulad ng piso o bente-singkong barya, hindi mabubuo ang sampung piso kung wala sila. Gayundin naman, hindi mabubuo ang isang palabas kung wala ang mga maliliit na bahagi nito."
Tayong lahat ay may bahaging ginagampanan sa planong kaligtasan ng Diyos para sa sangkatauhan. Gaano man kaliit ang gampaning naatang para sa atin, hinihimok tayo ni Hesus na gawin ito ng may pag-ibig, kagalakan at buong pagtitiwala. Sabi nga ng kaibigan kong si Kit, "if you can't be a tree, be the best bush you can be."
Mahirap gawin ito lalo na't kapos tayo sa pananalig. At hindi gano'n kadaling manalig kapag down na down ka na dahil sa problema o kapag kumakalam ang iyong sikmura. Hanggang sa dumating ka sa puntong wala ka nang ibang makakapitan kundi ang pananampalataya mo sa Diyos. Kaya wala kang ibang choice kundi ang manalig.
Minsan naman, parang andali-dali para sa ating sumampalataya sa Kanya sa panahon ng tagumpay hanggang sa tuluyan tayong ma-overwhelm ng labis na kaligayahan at tuluyang malimutan ang Diyos.
Pinaaalala sa atin ni Hesus na ang ating pananampalataya ay higit na malaki kaysa sa atin. Sabi nga sa teatro, "it is larger than our lives." Ang ating mga gampanin ay mumunti lamang kung ikukumpara sa napakalawak na plano ng Diyos. Kaya walang sinuman sa atin ang puwedeng magmalaki. Hindi natin puwedeng sabihing tayo ang bida dahil tayo'y mga barya lamang na bahagi ng isang napakalaking halaga.
Tayong lahat ay mga bahagi ng iisang katawan ni Kristo. Kung magkakaroon lamang tayong lahat ng pananampalatayang sinlaki ng buto ng mustasa. Kung hahayaan natin itong kumilos sa ating buhay bilang mga mananampalatayang lingkod. Kung magtutulungan tayo. Can you imagine kung gaano kalaki ang magagawa nito? Mas maraming kaluluwa ang maaabot ng Mabuting Balita. Napakaraming problema ng mundo ang malulutas.
At sa huli, kapag natapos na natin ang ating mga gampanin sa ating buhay-Kristiyano, masasabi natin sa Diyos:
"Ako'y aliping walang kabuluhan; tumutupad lamang ako sa aking tungkulin."
Panalangin:
O aming Amang Diyos, hayaan Mo pong ang lahat ng aming mga pagsisikap sa buhay ay maging para sa Iyong kaluwalhatian. Purihin at sambahin ka ng aming kaluluwa, puso at isipan.
Katulad ng mga apostol, sa pamamagitan ni Hesus, hinihingi po naming dagdagan Mo po ang aming pananampalataya upang patuloy naming magampanan ang aming mga trabaho bilang mga mananampalatayang-lingkod ng Iyong kalooban.
Hindi man po kami karapat-dapat na matawag na lingkod Mo, kami po'y nananalig na kami'y iniligtas at patuloy ng nililinis ng dugong dumaloy mula sa tagiliran ng Iyong Anak na bukal ng Iyong awa. Tunay nga pong wala kaming magagawa kung hindi sa Kanyang pamamagitan at sa patnubay ng Epiritu Santo.
Katulad ng buto ng mustasa, ang amin po sanang pananalig ay lumago. Maging punong higit na malaki kaysa sa ibang mga halaman sa hardin.
Ang lahat ng ito sa pangalan ni Hesus, kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.