Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon - 09 Oktubre 2022



“Tumindig ka’t humayo sa iyong lakad! Pinagaling ka dahil sa iyong pananalig.” (Lucas 17:19)


Unang Pagbasa: Hari 5:14-17

Noong mga araw na iyon, si Naaman ay lumusong sa Ilog Jordan at lumubog ng pitong ulit. At tulad ng sinabi ni Eliseo, nanauli sa dati ang kanyang katawan at kuminis mula sa ketong ang kanyang balat, tulad ng balat ng sanggol. Si Naaman at ang kanyang mga kasama ay nagbalik kay Eliseo. Sinabi niya, “Ngayo’y napatunayan kong walang ibang diyos sa ibabaw ng lupa kundi ang Diyos ng Israel. Narito, pagdamutan ninyo itong maliit kong nakayanan.” Ngunit sinabi ni Eliseo, “Buhay ang Panginoong Diyos  na aking pinaglilingkuran. Hindi ako tumatanggap kahit ano.” Pinilit siya ni Naaman ngunit nagpakatanggi-tanggi siya. 

Dahil dito, sinabi ni Naaman, “Kung ayaw ninyo itong tanggapin, maaari po ba namang kargahan ko ng lupa rito ang dalawa kong kabayo? Mula ngayon, hindi na ako maghahandog sa ibang diyos maliban sa Panginoon.”

Salmo: Awit 97

Tugon: Panginoong nagliligtas 
            sa tanang bansa’y nahayag.

Umawit ng bagong awit at sa Poon ay ialay, 
pagkat yaong ginawa n’ya ay kahanga-hangang tunay! 
Sa sariling lakas niya at taglay na kabanalan, 
walang hirap na natamo yaong hangad na tagumpay. 

Ang tagumpay niyang ito’y siya na rin ang naghayag, 
sa harap ng mga bansa’y nahayag ang pagliligtas. 
Ang pangako sa Israel lubos niyang tinutupad.

Tapat siya sa kanila at ang pagibig ay wagas. 
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay namalas! 
Magkaingay na may galak, yaong lahat sa daigdig; 
ang Poon ay buong galak na purihin sa pagawit!

Ikalawang Pagbasa: Timoteo 2:8-13

Pinakamamahal ko, alalahanin mo si Hesukristo, ang nagmula sa angkan ni David at ang muling nabuhay. Ito ang Mabuting Balitang ipinangangaral ko, ang dahilan ng aking pagdurusa hanggang sa magapos na tulad ng isang salarin. Ngunit hindi maigagapos ang salita ng Diyos. Pinagtitiisan ko ang lahat ng bagay alang-alang sa mga hinirang ng Diyos upang magtamo rin sila ng kaligtasang mula kay Hesukristo, at ng walang hanggang kaluwalhatian. Narito ang kasabihang mapananaligan: “Kapag tayo’y namatay na kalakip ni Hesukristo, walang salang mabubuhay na kasama niya tayo; kung tayo man ay magtiis ng hirap sa mundong ito, maghahari naman tayong kapiling ng ating Kristo; kapag siya’y itinakwil sa harapan ng mga tao pagdating ng takdang araw, itatakwil niya tayo. Kung tayo ma’y hindi tapat, si Kristo ay tapat pa rin sapagkat ang sa kanya ay hindi niya itatakwil.”

Mabuting Balita: Lucas 17:11-19

Noong panahong iyon, sa paglalakbay ni Hesus patungong Jerusalem, nagdaan siya sa hangganan ng Samaria at Galilea. Nang papasok na siya sa isang nayon, siya’y sinalubong ng sampung ketongin. Tumigil sila sa malayu-layo at humiyaw ng: “Hesus! Panginoon! Mahabag po kayo sa amin!” Nang makita sila ay sinabi niya, “Humayo kayo at pakita sa mga saserdote.” At samantalang sila’y naglalakad, gumaling sila. Nang mapuna ng isa na siya’y magaling na, nagbalik siyang sumisigaw ng pagpupuri sa Diyos. Nagpatirapa siya sa paanan ni Hesus at nagpasalamat. Ang taong ito’y Samaritano. “Hindi ba sampu ang gumaling?” tanong ni Hesus. “Nasaan ang siyam? Wala bang nagbalik at nagpuri sa Diyos kundi ang dayuhang ito?” Sinabi ni Hesus sa kanya, “Tumindig ka’t humayo sa iyong lakad! Pinagaling ka dahil sa iyong pananalig.”

Mga kasulyap-sulyap ngayon: