Thank You

Gospel Reflection

Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon
09 Oktubre 2022
I-click po dito para mabasa ang Ebanghelyo. 


(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 13 Oktubre 2013.)


Laging sinasabi ni Tatay noong mga bata pa kaming magkakapatid, "lagi kang maging kuntento sa kung ano'ng mayro'n. Huwag mong hanapin ang wala."

Ibig sabihin, kung ano ang ulam na nakahain sa mesa, kainin mo. Huwag kang mag-aksaya ng pagkain. Ubusin mo kung ano ang inilagay mo sa plato mo. Ipagpasalamat mong may kinakain ka dahil maraming tao ang sumasala sa pagkain o namamatay sa gutom.

Na kung matutulog ka sa sahig na karton lang ang sapin, magpasalamat ka dahil maraming taong natutulog sa kalsada. Hamugin man o ulanin, walang bubong sa kanilang ulunan. Ang iba nama'y hindi makatulog dahil sa takot na mabagsakan ng bomba sa gitna ng digmaan. O nasa evacuation center dahil sa bagyo o dahil sa sunog o dahil sa labanan ng mga sundalo at mga rebeldeng grupo.

Na kung magising kang nabuwisit ang pagtulog dahil sa ingay ng mga kasambahay o ng kapitbahay, pasalamat ka at nagising ka pa. Salubungin mo ang bagong araw na puno ng pag-asa dahil maraming hindi na nagigising dahil binangungot o inatake sa puso. 

Na kung may sakit ka at dumaranas ng matinding paghihirap, isipin mong si Hesus man ay naghirap sa pagpasan at pagkamatay sa krus ng iyong kasalanan. Ipagpasalamat mong sa pamamagitan ng mga pagsubok na ito, nakikihati ka sa paghihirap ni Hesus at ng ating kapwa. Sa ganitong paraan ay tinutupad mo ang kalooban ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapasan mo ng pang-araw-araw mong krus.  

Na kung walang signal ang internet mo o wala kang load o wala kang pang-DOTA o hindi mo mabili ang gustong-gusto mong latest gadget, ipagpasalamat mong ito lang ang problema mo. Mapalad ka pa dahil maraming tao ang may mas malalaking problema kaysa sa 'yo.

Ngumiti ka. Mahal tayo ng Diyos. Napakarami nating dapat na ipagpasalamat sa Kanya. Siksik-liglig at umaapaw ang mga biyayang ipinagkakaloob Niya sa atin. Kung titigilan lang natin ang pagrereklamo at magsisimulang i-appreciate kung ano ang mayro'n tayo.

Pero ang pasasalamat ay hindi lamang dapat magsimula at matapos sa ating mga labi. Katulad ng ketongin sa ating Ebanghelyo, bumalik tayo kay Hesus upang magpasalamat. Dapat nating tandaang ang lahat ng biyayang ito ay ipinahiram lang sa atin ng Diyos at dapat natin itong ibalik sa Kanya at sa ating kapwa.

Sabi nga ni St. John Chrysostom: "Not to enable the poor to share in our goods is to steal from them and deprive them of life. The goods we possess are not ours, but theirs."

Kaya, be thankful enough to share your blessings!

Panalangin:

O aming Amang palagian nang kumukupkop sa amin, Ikaw na sa ami'y nagmahal kahit na kami'y mga makasalanan, purihin Ka at sambahin ng aming mga pusong sa Iyo'y tumatanaw ng isang malaking utang na loob. Maraming salamat po!

Maraming salamat po sa Iyong pag-ibig na bukal ng buhay. Tunay ngang ang lahat ng ito'y mula sa Iyo-- ang bawat paghinga, ang lahat ng oras, talento at kayamanan. Turuan Mo po kaming ibalik ito sa Iyo at sa aming kapwang higit na nangangailangan.

Pinasasalamatan din po namin ang lahat ng taong gumawa ng mabuti sa amin, gaano man ito kaliit. Ingatan n'yo po sila. 

O aming Ama, pinasasalamatan naming higit ang pagkakaloob Mo ng Iyong Bugtong na Anak na si Hesus. Siya ang aming Panginoon. Ang aming Kaligtasan. Ang Kordero ng Diyos na nagkakaloob ng buhay na walang hanggan. Maraming salamat po at sa pamamagitan Niya, inari Mo kaming mga ampon Mong Anak. Namatay kami subalit muling nabuhay sa pamamagitan Niya. Nawala subalit muli Mong nasumpungan. 

Sa pangalan ni Hesus, kasama Mo at ng Espiritu Santo, o aming Ama salamat po!

Mga kasulyap-sulyap ngayon: