Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon - 16 Oktubre 2022



“Hindi ipagkakait ng Diyos ang katarungan sa kanyang mga hinirang na dumaraing sa kanya araw-gabi, bagamat tila nagtatagal iyon. Sinasabi ko sa inyo, agad niyang igagawad sa kanila ang katarungan.” (Lucas 18:7-8)

Unang Pagbasa: Exodo 17:8-13

Noong mga araw na iyon, ang mga Israelita’y nasa Refi dim at sinalakay sila ng mga Amalecita. Sinabi ni Moises kay Josue, “Pumili ka ng ilang tauhan natin at pangunahan mo sa pakikipaglaban sa mga Amalecita. Tatanganan ko naman ang tungkod na ibinigay sa akin ng Diyos at ako’y tatayo sa ibabaw ng burol.” 

Sinunod ni Josue ang utos ni Moises at hinarap niya ang mga Amalecita. Si Moises naman, kasama sina Aaron at Hur ay nagpunta sa burol. Kapag nakataas ang mga kamay ni Moises, nananalo ang mga Israelita; kapag nakababa, nananalo naman ang mga Amalecita. Nangawit na si Moises kaya sina Aaron at Hur ay kumuha ng isang bato at pinaupo roon si Moises habang hawak nilang pataas ang mga kamay nito hanggang sa lumubog ang araw. Dahil doo’y nalupig ni Josue ang mga Amalecita.

Salmo: Awit 120

Tugon: Sa pangalan ng Maykapal, 
            tayo ay tinutulungan!

Sa gawi ng bundok, tumitingin ako, 
saan manggagaling ang aking saklolo? 
Ang hangad kong tulong, sa Diyos magmumula, 
sa Diyos na lumikha ng langit at lupa. 

Huwag sana akong bayaang mabuwal, 
handang lagi siya sa pagsasanggalang. 
Ang tagapagtanggol ng bayang Israel
hindi natutulog at palaging gising. 

Ang D’yos na Panginoon, siyang magbabantay, 
laging nasa piling, upang magsanggalang, 
di ka magdaramdam sa init ng araw, 
kung gabi ay di ka sasaktan ng buwan. 

Sa mga panganib, ikaw’y ililigtas 
nitong Panginoon, siyang mag-iingat. 
Saanman naroon, ikaw’y iingatan, 
di ka maaano kahit na kailan.  

Ikalawang Pagbasa: 2 Timoteo 3:14- 4:2

Pinakamamahal ko: Huwag mong tatalikdan ang mga aral na natutuhan mo at matibay na pinananaligan, yamang kilala mo ang nagturo nito sa iyo. 

Mula pa sa pagkabata, alam mo nang ang Banal na Kasulatan ay nagtuturo ng daan ng kaligtasan sa pamamagitan ng pananalig kay Kristo Hesus. Lahat ng kasulata’y kinasihan ng Diyos at magagamit sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagpapabulaan sa maling aral, sa pagtutuwid sa likong gawain, at sa pag-akay sa matuwid na pamumuhay. Sa gayon, ang lingkod ng Diyos ay magiging handa sa lahat ng mabubuting gawain. 

Inuutusan kita sa ngalan ng Diyos at ni Kristo Hesus na hahatol sa mga buhay at mga patay: alang-alang sa kanyang pagparito at paghahari, ipangaral mo ang salita ng Diyos, napapanahon man o hindi; hikayatin mo, pagsabihan, at patatagin ang loob ng mga tao sa pamamagitan ng matiyagang pagtuturo. 

Mabuting Balita: Lucas 18:1-8

Noong panahong iyon, isinaysay ni Hesus ang isang talinghaga upang ituro sa mga alagad na dapat silang manalanging lagi at huwag manghinawa. 

“Sa isang lunsod,” wika niya, “may isang hukom na hindi natatakot sa Diyos at walang taong iginagalang. Sa lunsod ding iyon ay may isang babaing balo na punta nang punta sa hukom at humihingi ng katarungan. Tinanggihan siya ng hukom sa loob ng ilang panahon. Ngunit nang malaunan ay nasabi nito sa sarili: ‘Bagamat hindi ako natatakot sa Diyos, ni gumagalang kaninuman, igagawad ko na ang katarungang hinihingi ng babaing ito sapagkat lagi niya akong ginagambala – baka pa ako mainis sa kapaparito niya.’ ” 

At sinabi ng Panginoon, “Narinig ninyo ang sinabi ng masamang hukom. Hindi ipagkakait ng Diyos ang katarungan sa kanyang mga hinirang na dumaraing sa kanya araw-gabi, bagamat tila nagtatagal iyon. Sinasabi ko sa inyo, agad niyang igagawad sa kanila ang katarungan. Ngunit pagdating ng Anak ng Tao sa daigdig na ito, may makikita kaya siyang mga taong nananalig sa kanya?”



Mga kasulyap-sulyap ngayon: