Gospel Reflection
Ika-29 Linggo sa Karaniwang Panahon
16 Oktubre 2022
I-click po dito para mabasa ang Ebanghelyo.
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 20 Oktubre 2013.)
Ika-29 Linggo sa Karaniwang Panahon
16 Oktubre 2022
I-click po dito para mabasa ang Ebanghelyo.
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 20 Oktubre 2013.)
Pansinin ninyo ito.
Dati-rati, bago kumain ang mga Katoliko, nagdarasal muna ang mga nasa hapag-kainan. Ngayon, nagpi-picture-picture muna tayo bago kumain. Para mai-post sa facebook pagkatapos.
Dati-rati, bago mag-ikaanim ng gabi ay nagmamadali na ang mga Katolikong umuwi para makasama sa pagdarasal ng orasyon. Ngayon, nagmamadali tayo para makapanood ng mga palabas sa tv.
Dati-rati,nagdarasal muna ang mga Katoliko bago matulog. Ngayon, bago matulog ay maglo-login muna tayo sa facebook para mag-update ng status-- ehem, para magsabi ng "nytie"-- o maglaro ng candy crush para pampaantok.
Tila nalilimutan na natin ang kahalagahan ng pagdarasal. Nakakalimutan na nating kausapin ang Diyos upang magpasalamat sa lahat ng Kanyang mga biyaya.
Sa ating Ebanghelyo ngayong linggo, ipinapaalala sa atin ni Hesus ang kapangyarihan ng panalangin. Kung paanong inaantig nito ang puso ng Diyos na sagutin ang ating mga karaingan.
Ang panalangin ay daluyang naghahatid sa Diyos ng ating mga daing. Ito'y pagtugon natin sa Kanyang pag-ibig. Kalakip nito ang pagtitiwala at pagpapasailalim sa kalooban ng Diyos. Pag-asang hindi man Niya aktwal na ibigay ang ating ninanais, higit na makabubuti sa atin ang Kanyang ipagkakaloob. Na may magandang plano sa atin ang Diyos.
Sa pakikisalo natin sa Sakripisyo ng Misa-- na itinuturing na pinakamataas na anyo ng panalangin at pagsamba-- turuan nawa tayo ng Espiritu Santong umasa sa awa ng Diyos. Na ang buo nating buhay ay itaas natin sa Kanya. Na kung anuman ang ating ipinagdarasal, hinahayaan nating hindi ang ating kalooban ang masunod kundi ang sa Kanya.
Na matapos nating mag-picture-picture, sumambit muna tayo ng panalangin bago tayo kumain. Na bago natin buksan ang ating tv, sambitin muna natin ang orasyon. Na matapos nating i-update ang ating status sa fb, magdasal muna tayo bago tayo matulog.
Dahil ang buhay ng panalanging nakaugat sa pagpapakumbaba at pananalig ay buhay na nakaugat kay Kristo. Isang buhay na malapit sa Diyos at sa katotohanan. Ito ay pagpapahayag ng ating pananampalataya sa Anak ng Tao na muling magbabalik sa wakas ng panahon.
Panalangin:
O aming Amang Diyos, Ikaw na pinagmumulan ng walang hanggang pag-ibig na Siyang dahilan kung bakit kami naririto sa mundo, purihin Ka at ipagbunyi ng aming mga kaluluwang umaasa lamang sa Iyong awa. Ang puso naming nakababatid na hindi kami karapat-dapat sa Iyong grasya ay lumalapit sa Iyo. Pakinggan Mo po ang Iyong bayan.
Turuan Mo po kaming manalangin ng taos. Hindi man po namin alam ang mga salitang dapat naming sambitin, turuan Mo pong mangusap sa Iyo ang aming pusong bigo kung malayo sa Iyo. Ikaw ang aming Buhay. Ikaw ang aming lahat.
Pagkalooban Mo po kami ng pananalig upang mapanghawakan naming kung anuman ang sinambit namin sa panalangin ay tinanggap na namin. Na sa tamang panahon, mauunawaan namin ang Iyong tugon. Na higit na makabubuting sundin namin ang nais Mo.
Panginoon, idinadalangin po namin ang aming mga kapwa-Pilipinong nasalanta ng mga nagdaang sakuna at mga paglalaban. Lalo na po ang aming mga kababayang naapektuhan ng malakas na lindol na tumama sa Kabisayaan. Bigyan Mo po sila ng sapat na pananampalataya upang maharap nila ang matinding pagsubok na ito. Ang kanilang mga kaanak na sumakabilang-buhay ay idinadalangin din po namin.
Ang lahat ng ito, sa Pangalan ni Hesus, kasama Mo at ng Espiritu Santo, lubos kaming umaasa sa Iyong kalooban. Amen.