Sa simula’y naroroon na nga ang Wikang Salita,
1 Sa simula’y naroroon na nga ang Wikang Salita,
at naroroong kaharap ng Diyos ang Salita,at Diyos ang Salita.
2 Naroroon na nga siyang kaharap ng Diyos sa simula.
3 Sa pamamagitan niya nayari tanang mga bagay,
at hiwalay sa kanya’y walang anumang nayari.
Ang niyari 4 ay sa kanya nagkabuhay,
at ang buhay ang liwanag para sa mga tao.
5 Nagningning sa karimlan ang liwanag
at di ito nasugpo ng karimlan.
6 May taong sugo ang Diyos –
Juan ang kanyang pangalan.
7 Dumating siya para sa pagpapatunay,
para magpatunay tungkol sa Liwanag,
upang makapanalig ang lahat sa pamamagitan niya.
8 Hindi siya mismo ang Liwanag,
kundi para magpatunay tungkol sa Liwanag.
9 Pagkat paparating noon sa mundo ang Liwanag na totoo
na siyang nagliliwanag sa bawat tao.
10 Nasa mundo na nga siya,
ang mundong nayari sa pamamagitan niya,
at di naman siya kinilala ng mundo.
11 Sa sariling kanya siya dumating
at hindi siya tinanggap ng mga kanya.
12 Ngunit sa lahat ng tumanggap sa kanya
sa pananalig sa kanyang Pangalan,
binigyang-kakayahan nga niya sila na maging mga anak ng Diyos.
13 Ipinanganak nga sila, hindi mula sa dugo,
ni mula sa kagustuhan ng laman,
ni sa kagustuhan ng lalaki
kundi mula sa Diyos.
14 At naging laman ang Wikang-Salita,
at itinayo ang kanyang Tolda sa atin,
at nakita natin ang kanyang Luwalhati,
Luwalhating mula sa Ama na bagay sa bugtong na Anak,
lipos ng Kagandahang-loob at Katotohanan.
15 Nagpapatunay sa kanya si Juan at isinisigaw:
“Siya ang sinabi kong
‘Nauna na sa akin ang dumating na kasunod ko,
pagkat bago ako’y siya na’.”
16 Mula sa kanyang kapuspusan nga tumanggap tayong lahat
– oo, abut-abot na kagandahang-loob.
17 Sa pamamagitan ni Moises ibinigay ang Batas,
sa pamamagitan naman ni Jesucristo dumating
ang Kagandahang-loob at Katotohanan.
18 Kailanma’y walang sinumang nakakita sa Diyos;
ang Diyos na Anak na bugtong
siyang nasa kandungan ng Ama –
ang nagpahayag sa kanya.