Ang hindi panig sa akin ay laban sa akin, at ang hindi nagtitipong kasama ko ay nagpapangalat. (Lucas 11:23)
Pagbasa: Jeremias 7:23-28; Salmo: Awit 95:1-9;
Mabuting Balita: Lucas 11:14-2314 Minsa’y nagpapalayas si Jesus ng isang demonyo at ito’y pipi. Nang lumabas na ang demonyo, nakapagsalita ang pipi at namangha ang mga tao. 15 Ngunit sinabi ng ilan sa kanila: “Pinalalayas niya ang mga ito sa tulong ni Beelzebul na pinuno ng mga demonyo.” 16 Gusto naman ng iba na subukin si Jesus at humingi sila sa kanya ng isang tanda galing sa langit.
17 Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya sinabi niya sa kanila: “Mabubuwag ang bawat kahariang nagkakahati-hati at magigiba roon ang mga sambahayan. 18 Ngayon, kung nagkakahati-hati si Satanas, paano magtatagal ang kanyang kaharian? Di nga ba’t sinasabi ninyo na nagpapalayas ako ng mga demonyo sa tulong ni Beelzebul? 19 Kung sa pamamagitan ni Beelzebul ako nagpapalayas ng mga demonyo, paano naman napalalayas ng inyong mga kaanib ang mga ito? Sila mismo ang nararapat sumagot sa inyo.
20 Sa daliri ng Diyos ako nagpapalayas ng mga demonyo kaya sumapit na sa inyo ang kaharian ng Diyos. 21 Kung sandatahang binabantayan ni Malakas ang kanyang palasyo, hindi magagambala ang kanyang mga pag-aari. 22 Pero kung salakayin siya ng mas makapangyarihan sa kanya at talunin siya, maaagaw nito ang kanyang mga armas na kanyang inasahan at ipamamahagi ang kanyang mga ari-arian.
23Ang hindi panig sa akin ay laban sa akin, at ang hindi nagtitipong kasama ko ay nagpapangalat.