“Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, hindi makagagawa ng anuman sa sariling kusa ang Anak maliban sa nakikita niyang ginagawa ng Ama. Anuman ang gawin niya, ganoon din ang paggawa ng Anak. ” (Juan 5:19)
Pagbasa: Isaias 49:8-15; Salmo: Awit 145:8-18;
Mabuting Balita: Juan 5:17-3017 Sumagot naman si Jesus sa kanila: “Gumagawa pa rin ang aking Ama kaya gumagawa rin ako.” 18 Kaya lalo pang hinangad ng mga Judio na patayin siya dahil dito sapagkat hindi lamang niya nilalabag ang Araw ng Pahinga kundi sariling Ama pa ang tawag niya sa Diyos, at ipinapantay niya ang sarili sa Diyos.
Gawain ng Anak ang bumuhay ng patay
19 Kaya sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, hindi makagagawa ng anuman sa sariling kusa ang Anak maliban sa nakikita niyang ginagawa ng Ama. Anuman ang gawin niya, ganoon din ang paggawa ng Anak.
20 Sapagkat mahal ng Ama ang Anak, at itinuro niya sa kanya ang lahat niyang ginagawa. At mas mahalaga pang mga gawa ang ituturo niya kayat mamamangha kayo.
21 Ibinabangon nga ng Ama ang mga patay at binibigyang-buhay; gayundin naman binibigyang-buhay ng Anak ang sinumang loobin niya. 22 At hinding-hindi nga hinahatulan ng Ama ang sinuman kundi ibinigay niya sa Anak ang buong paghatol 23 at pararangalan ng lahat ang Anak gaya ng pagpaparangal nila sa Ama. Ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Amang nagpadala sa kanya.
24 Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na may buhay magpakailanman ang nakikinig sa aking salita at naniniwala sa nagpadala sa akin. Nakatawid na siya mula sa kamatayan tungo sa buhay, at hindi siya humahantong sa paghuhukom.
25 Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na dumarating na ang oras, at ngayon na nga, na maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Diyos at mabubuhay ang mga nakaririnig. 26 May Buhay ang Ama sa kanyang sarili, gayundin naman, ibinigay niya sa Anak na magkaroon ng buhay sa kanyang sarili. 27 At ibinigay din niya sa kanya ang kapangyarihang maghukom sapagkat anak siya ng tao.
28 Huwag n’yo na itong pagtakhan: dumarating ang oras na maririnig ng lahat ng nasa libingan ang tinig niya 29 at magsisilabas sila: sa pagbangon sa buhay ang mga gumawa ng mabuti, at sa pagbangon naman sa kapahamakan ang mga gumawa ng masama.
30 Wala akong magagawa sa sariling kusa. Ayon sa naririnig ko ako naghuhukom. At matuwid ang paghuhukom ko dahil hindi sariling kalooban ang hangad ko kundi ang kalooban ng nagpadala sa akin.