"Kung akong Panginoon ninyo at Guro ay naghugas ng inyong mga paa, dapat din kayong maghugasan ng paa. Binigyan ko kayo ng halimbawa at ito’y dapat ninyong tularan." (Juan 13:14-15)
Noong mga araw na iyon, sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, “Mula ngayon, ang buwang ito ang magiging unang buwan ng taon para sa inyo. At sabihin ninyo sa buong pamayanan ng Israel na sa ikasampung araw ng buwang ito, bawat puno ng sambahayan ay pipili ng isang kordero o bisirong kambing para sa kanyang pamilya. Kung maliit ang pamilya at hindi makauubos ng isang buong kordero, magsasalo sila ng kalapit na pamilya, na hindi rin makauubos ng isang buo. Ang dami ng magsasalu-salo sa isang kordero ay ibabatay sa dami ng makakain ng bawat isa. Kailangang ang kordero ay lalaki, isang taong gulang, walang pinsala o kapintasan. Kung walang tupa ay kahit kambing. Aalagaan itong mabuti hanggang sa ikalabing apat ng buwan at sa kinagabihan, sabaysabay na papatayin ng buong bayan ang kani-kanilang kordero. Kukuha sila ng dugo nito at ipapahid sa mga hamba at sombrero ng pintuan ng bahay na kakainan ng kordero. Sa gabi ring iyon, lilitsunin ito at kakaning kasama ng tinapay na walang lebadura at ng mapapait na gulay. Ganito naman ang magiging ayos ninyo sa pagkain nito: nakabigkis, nakasandalyas at may tangang tungkod; dali-dali ang inyong pagkain nito. Ito ang Paskuwa ng Panginoon.
Sa gabing yaon, lilibutin ko ang buong Egipto at papatayin ang lahat ng panganay na lalaki, maging tao o hayop man. At parurusahan ko ang lahat ng diyus-diyusan sa Egipto. Ako ang Panginoon. Lalampasan ko ang lahat ng bahay na makita kong may pahid na dugo, at walang pinsalang mangyayari sa inyo sa pagpaparusa ko sa buong Egipto. Ang dugo ang siyang magiging palatandaan na Israelita ang nakatira sa bahay na iyon.
Ang araw na ito’y ipagdiriwang ninyo magpakailanman bilang pista ng Panginoon.”
Salmo: Awit 116:12-13. 15-16. 17-18
Tugon: Sa kalis ng pagbabasbas,
si Kristo ang tinatanggap!
Sa Diyos ko’t Panginoon, ano’ng aking ihahandog
sa lahat ng kabutihan na sa akin ay kaloob?
Ang handog ko sa dambana ay inumin na masarap,
bilang aking pagkilala sa ginawang pagliligtas.
Masakit sa kalooban ng Poon kung may papanaw
kahit ito ay iisa, labis siyang magdaramdam.
Katulad ng aking ina, maglilingkod akong lubos,
yamang ako’y iniligtas, kinalinga at tinubos.
Ako ngayo’y maghahandog ng haing pasasalamat,
ang handog kong panalangi’y sa iyo ko ilalagak.
Sa templo sa Jerusalem, ay doon ko ibibigay
ang anumang pangako kong sa iyo ay binitiwan.
Ikalawang Pagbasa: 1 Corinto 11:23-26
Mga kapatid: Ito ang aral na tinanggap ko sa Panginoon at ibinibigay ko naman sa inyo: ang Panginoong Hesus, noong gabing siya’y ipagkanulo ay dumampot ng tinapay, nagpasalamat, at pinaghatihati ito, at sinabi, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito sa pag-alala sa akin.” Gayon din naman, matapos maghapunan ay hinawakan niya ang kalis at sinabi, “Ang kalis na ito ang bagong tipan na pinagtitibay ng aking dugo. Tuwing iinumin ninyo ito, gawin ninyo sa pag-alala sa akin.”
Sapagkat tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa kalis na ito ay ipinahahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon, hanggang sa muling pagparito niya.
Mabuting Balita: Juan 13:1-15
Bisperas na ng Paskuwa. Alam ni Hesus na dumating na ang panahon ng kanyang paglisan sa sanlibutang ito upang bumalik sa Ama. Mahal niya ang kanyang mga tagasunod na nasa sanlibutan, at ngayo’y ipakikita niya kung hanggang saan ang kanyang pag-ibig sa kanila.
Naghahapunan si Hesus at ang mga alagad. Naisilid na ng diyablo sa isip ni Judas, anak ni Simon Iscariote, ang pagkakanulo kay Hesus. Alam ni Hesus na ibinigay na sa kanya ng Ama ang buong kapangyarihan; alam din niyang siya’y mula sa Diyos at babalik sa Diyos. Kaya’t nang sila’y naghahapunan, tumindig si Hesus, naghubad ng kanyang panlabas na kasuutan, at nagbigkis ng tuwalya. Pagkatapos, nagbuhos siya ng tubig sa palanggana, at sinimulang hugasan ang paa ng mga alagad at punasan ng tuwalyang nakabigkis sa kanya.
Paglapit niya kay Simon Pedro, tumutol ito. “Panginoon,” sabi niya, “diyata’t kayo pa ang maghuhugas ng aking mga paa?” Sumagot si Hesus, “Hindi mo nauunawaan ngayon ang ginagawa ko, ngunit mauunawaan mo rin pagkatapos.” Sinabi sa kanya ni Pedro, “Hinding-hindi ko po pahuhugasan sa inyo ang aking mga paa.” “Kung hindi kita huhugasan, wala kang kaugnayan sa akin,” tugon ni Hesus. Kaya’t sinabi ni Pedro, “Panginoon, hindi lamang po ang mga paa ko, kundi pati ang aking kamay at ulo!” Ani Hesus, “Maliban sa kanyang mga paa, hindi na kailangang hugasan pa ang naligo na, sapagkat malinis na ang kanyang buong katawan. At malinis na kayo, ngunit hindi lahat.” Sapagkat alam ni Hesus kung sino ang magkakanulo sa kanya, kaya sinabi niyang malinis na sila, ngunit hindi lahat.
Nang mahugasan na ni Hesus ang kanilang mga paa, siya’y nagsuot ng damit at nagbalik sa hapag. “Nauunawaan ba ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo?” tanong niya sa kanila. “Tinatawag ninyo akong Guro at Panginoon, at tama kayo, sapagkat ako nga. Kung akong Panginoon ninyo at Guro ay naghugas ng inyong mga paa, dapat din kayong maghugasan ng paa. Binigyan ko kayo ng halimbawa at ito’y dapat ninyong tularan.”