Huwebes Santo
03 Abril 2023
Hindi mo puwedeng salinan pa ng malins na tubig ang isang basong puno na. Aapaw lamang ito at masasayang ang malinis na tubig.
Jesus emptied Himself. Hinubad Niya ang Kanyang pagka-Diyos. Hinubad Niya ang Kanyang pagiging Hari at Panginoon. Ginawa Niya ito para abutin ang mga makasalanan.
Nagmistula Siyang alipin. Sukdulang hinugasan Niya ang mga paa ng Kanyang mga alagad. Kasama na rito ang mga paa ni Hudas Escariote na magkakanulo sa Kanya. Konkreto ang ibinigay Niyang halimbawa. At inutusan Niya ang mga apostol na gayahin ang Kanyang paglilingkod.
Sa pag-aalala natin sa Huling Hapunan ng ating Panginoon, ini-encourage tayong tanggalin ang mga maruruming laman ng ating puso. Alisin natin ang lahat ng galit. Lahat ng inggit. Lahat ng pagtatampo at kalungkutan. Lahat ng ating kayabangan at pride. Sa ganitong paraan, magagawang pumasok ng Espiritu Santo sa ating mga pusong walang laman.
Tanggalin natin ang lahat ng negatibo nating nararamdaman. Bawal ang nega. Hayaan nating makapasok sa atin ang pag-ibig ni Hesus na hinubad ang lahat dahil sa pag-ibig sa atin. Kung hindi natin ito gagawin, paano tayo ganap na makapaglilingkod sa ating kapwa? Paano natin maiibig ng tapat ang ating Panginoong Diyos.
Let's empty our hearts. Papasukin natin si Hesus sa ating buhay. Humingi ng tawad at magpatawad. Mag-ibigan katulad ng pag-ibig ni Hesus sa atin.
Panalangin:
O aming Amang makapangyarihan sa lahat, papuri, pagsamba at pagluwalhati ang inihahandog namin sa Inyo. Ang aming mga puso ay ipinagkakaloob namin sa Inyo. Gamitin Mo po kami para sa Iyong kaluwalhatian.
Pumapasok po kami ngayon sa aming pag-alaala sa pasyon ng aming Panginoong HesuKristo. Pinili Niyang ipakita sa Kanyang mga alagad ang Kanyang kababaang-loob. Turuan Mo po kaming tularan ang Kanyang halimbawa. Pagkalooban po Ninyo kami ng pagpapakumbaba upang ganap kaming maging lingkod Mo.
Gawin Mo po kaming karapat-dapat na tumanggap sa Katawan at Dugo ni Kristo sa anyo ng tinapay at alak na pinagsasaluhan namin sa Banal na Misa.
Tinatanggap po namin ang Kanyang pag-ibig. Tulungan po Ninyo kaming ibahagi ang pag-ibig na ito sa aming kapwa. Lalo na po sa aming mga kapatid na hindi pa nakakakilala sa Iyo.
Ama, sa katubusan ng aming kasalanan sa pamamagitan ng Anak mong Iyong Kordero, hinihingi po namin ang Iyong awa, sa pangalan ni Hesus na kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.