Linggo ng Palaspas - 02 Abril 2023

 Linggo ng Alay Kapwa



“Mabuhay ang Anak ni David! Pagpalain ang dumarating sa ngalan ng Panginoon! Purihin ang Diyos!” (Mateo 21:9)

Unang Bahagi: Paggunita sa Pagpasok ng Panginoon sa Jerusalem

Mabuting Balita: Mateo 21:1-11

Noong malapit na sila sa Jerusalem, pagdating nila sa Betfage, sa Bundok ng mga Olibo, pinauna ni Hesus ang dalawang alagad. Sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo sa susunod na nayon. Makikita ninyo roon ang isang inahing asno na nakatali, kasama ang kanyang bisiro. Kalagin ninyo at dalhin dito. Kapag may sumita sa inyo, sabihin ninyong kailangan ng Panginoon, at hindi na kikibo iyon.” 

Nangyari ito upang matupad ang sinabi ng propeta: “Sabihin ninyo sa lunsod ng Sion: Masdan mo, dumarating ang iyong hari, siya’y mapagpakumbaba; nakasakay sa isang asno, sa isang bisiro, bisiro ng isang asno.” 

Lumakad nga ang mga alagad at ginawa ang iniutos ni Hesus. Dinala nila ang inahing asno at ang bisiro. Isinapin nila sa likod ng mga ito ang kanilang balabal, at sumakay si Hesus. Maraming naglatag ng kanilang balabal sa daan; ang iba nama’y pumutol ng mga sanga ng kahoy at inilatag din sa daan. Nagsisigawan ang mga taong nauuna at sumusunod sa kanya: “Mabuhay ang Anak ni David! Pagpalain ang dumarating sa ngalan ng Panginoon! Purihin ang Diyos!” 

Pagpasok ni Hesus sa Jerusalem, nagulo ang buong lunsod. “Sino kaya ito?” tanong nila. “Si Hesus, ang propetang taga-Nazaret, Galilea,” sagot ng karamihan.

Ikalawang Bahagi: Banal na Misa

Unang Pagbasa: Isaias 50:4-7

Ang Makapangyarihang Panginoon ang nagturo sa akin ng sasabihin ko, para tulungan ang mahihina. Tuwing umaga’y kanyang binubuksan ang aking pandinig. Nananabik akong malaman kung ano ang ituturo niya sa akin. Binigyan niya ako ng pangunawa, hindi ako naghimagsik ni tumalikod sa kanya. Hindi ako tumutol nang bugbugin nila ako, hindi ako kumibo nang ako’y kanilang insultuhin. 

Pinabayaan ko silang bunutin ang buhok ko’t balbas, gayon din nang lurhan nila ako sa mukha. 

Ang mga pagdustang ginawa nila’y di ko pinapansin, pagkat ang Makapangyarihang Panginoon ang tumutulong sa akin. Handa akong magtiis na sampaling parang bato, pagkat aking batid na ang sarili ko’y di mapapahiya.

Salmo: Awit 21

Tugon: D’yos ko! D’yos ko! Bakit naman
            ako’y ’yong pinabayaan?

Bawat taong makakita’y umiiling, nanunukso, 
palibak na nagtatawa’t sinasabi ang ganito: 
“Nagtiwala siya sa Diyos, ngunit hindi siya pansin; 
kung talagang minamahal, bakit hindi intindihin?” 

May pangkat ng mga buhong na sa aki’y pumaligid, 
para akong nasa gitna niyong asong mababangis, 
mga kamay ko at paa’y butas sa pakong matulis. 
Ang buto ng katawan ko ay mabibilang sa masid. 

Pinaghati-hati nila ang damit ko sa katawan, 
ang hinubad na tunika’y dinaan sa sapalaran. 
H’wag mo akong ulilahin, h’wag talikdan, Panginoon; 
O aking Tagapagligtas, bilisan mo ang pagtulong. 

Ang lahat ng ginawa mo’y ihahayag ko sa lahat, 
sa gitna ng kapulunga’y pupurihin kitang ganap. 
Purihin ang Panginoon ng lahat ng kanyang lingkod, 
siya’y inyong dakilain, kayong angkan ni Jacob; 
ikaw, bayan ng Israel, ay sumamba at maglingkod.

Ikalawang Pagbasa: Filipos 2:6-11

Si Kristo Hesus, bagamat siya’y Diyos, ay hindi nagpilit na manatiling kapantay ng Diyos, bagkus hinubad niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos, nagkatawang-tao at namuhay na isang alipin. 

Nang maging tao, siya’y nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan, oo, hanggang kamatayan sa krus. 

Kaya naman, siya’y itinampok ng Diyos at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan. 

Anupa’t ang lahat ng nilalang na nasa langit, nasa lupa, at nasa ilalim ng lupa ay maninikluhod at sasamba sa kanya. 

At ipapahayag ng lahat na si Hesukristo ang Panginoon, sa ikararangal ng Diyos Ama.

Mabuting Balita: Mateo 27:11-54

Mga Tauhan: H–Hesus; T1/T2 –Una/Ikalawang Tagapagsalaysay; P–Pilato; B–Bayan at iba pa; K–Kapitan.

T1 –Noong panahong iyon, iniharap si Hesus kay Gobernador Poncio Pilato. 
P –“Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” 
T2 –[tanong sa kanya ni Pilato. Sumagot si Hesus,] 
H –“Kayo na ang nagsasabi.” 
T1 –Ngunit nang paratangan siya ng mga punong saserdote at ng matatanda ng bayan, hindi na siya sumagot. Kaya’t sinabi sa kanya ni Pilato, 
P –“Hindi mo ba naririnig ang mga ipinararatang nila sa iyo?” 
T2 –Ngunit hindi sumagot si Hesus gaputok man, kaya’t nagtaka ang gobernador. 
T1 –Tuwing Pista ng Paskuwa, kinaugalian na ng gobernador ang magpalaya ng isang bilanggo – sinumang mahiling ng taongbayan. Noon ay may isang kilalang bilanggo na nagngangalang Barabbas. Kaya’t nang magkatipon ang mga tao, tinanong sila ni Pilato: 
P –“Sino ang ibig ninyong palayain ko, si Barabbas o si Hesus na tinatawag na Kristo?” 
T2 –Alam ni Pilato na inggit ang nag-udyok sa kanila na dalhin sa kanya si Hesus. Hindi lamang iyan. Samantalang siya’y nakaluklok sa hukuman, nagpasabi sa kanya ang kanyang asawa: 
B –“Huwag kang makialam sa taong iyan na walang kasalanan sapagkat kagabi’y pinahirapan ako ng aking panaginip tungkol sa kanya.” 
T1 –Ang mga tao nama’y sinulsulan ng mga punong saserdote at ng matatanda ng bayan na hilingin kay Pilato na si Barabbas ang palayain, at si Hesus ay ipapatay. Muli silang tinanong ng gobernador: 
P –“Sino sa dalawa ang ibig ninyong palayain ko?” 
B –“Si Barabbas po!” 
T1 –[sagot nila. Sinabi sa kanila ni Pilato,] 
P –“Kung gayon, ano ang gagawin ko kay Hesus na tinatawag na Kristo?” 
T2 –[Sumagot ang lahat,] 
B –“Ipako sa krus!” 
P –“Bakit, anong masama ang ginawa niya?” 
T1 –[tanong ni Pilato.] Ngunit lalo pa nilang isinigaw, 
B –“Ipako sa krus!” 
T2 –Nang makita ni Pilato na wala siyang magagawa, at malamang pang magkagulo ang mga tao, nagpakuha siya ng tubig at naghugas ng kamay sa harapan ng mga tao. 
P –“Wala akong pananagutan sa kamatayan ng taong ito. Bahala kayo!” 
T2 –[sabi ni Pilato. Sumagot ang mga tao,] 
B –“Pinananagutan namin at ng aming mga anak ang pagkamatay niya!” 
T2 –At pinalaya niya si Barabbas, ngunit ipinahagupit si Hesus at ibinigay sa kanila upang ipako sa krus. 
T1 –Si Hesus ay dinala ng mga kawal ng gobernador sa pretoryo, at nagkatipon ang buong batalyon sa paligid niya. Hinubaran nila siya at sinuutan ng isang balabal na pulang-pula. Naglikaw sila ng halamang matinik at ipinutong sa kanya, saka pinapaghawak ng isang tambo sa kanyang kanang kamay. At palibak siyang niluhudluhuran at binati: 
B –“Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” 
T2 –Siya’y pinaglulurhan; kinuha nila ang tambo at siya’y pinaghahampas sa ulo. At matapos kutyain, kanilang inalisan siya ng balabal, sinuutan ng sariling damit, at inilabas upang ipako sa krus. 
T1 –Paglabas nila ng lunsod, kanilang nakita ang isang lalaking nagngangalang Simon, isang taga-Cirene. Pilit nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Hesus. Pagdating sa lugar na tinatawag na Golgota na nangangahulugang Pook ng Bungo, binigyan nila si Hesus ng alak na hinaluan ng apdo. Ngunit nang matikman niya ay hindi ininom. Nang maipako na siya sa krus, pinaghati-hatian nila ang kanyang mga damit matapos magsapalaran. At naupo sila upang siya’y bantayan. Nakasulat sa kanyang ulunan ang sakdal laban sa kanya: “Ito’y si Hesus, ang Hari ng mga Judio.” Dalawang tulisan ang kasabay niyang ipinako sa krus – isa sa kanan at isa sa kaliwa. Nilibak si Hesus ng mga nagdaraan, at tatangu-tango pang sinabi: 
B –“Di ba ikaw ang gigiba ng templo at muling magtatayo nito sa loob ng tatlong araw? Iligtas mo ngayon ang iyong sarili! Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, bumaba ka sa krus!” 
T2 –Kinutya rin siya ng mga punong saserdote, ng mga eskriba at ng matatanda ng bayan. Sabi nila, 
B –“Iniligtas ang iba ngunit ang sarili’y di mailigtas! Di ba siya ang Hari ng Israel? Bumaba lang siya ngayon sa krus, maniniwala kami sa kanya! Nananalig siya sa Diyos, at sinasabi niyang siya ang Anak ng Diyos. Iligtas siya ng Diyos kung talagang iniibig siya!” 
T2 –At inalipusta rin siya ng mga tulisang ipinakong kasabay niya. Mula sa tanghaling tapat hanggang sa ikatlo ng hapon ay nagdilim sa buong lupain. Nang mag-iikatlo ng hapon, sumigaw si Hesus: 
H –“Eli, Eli, lama sabachthani?” 
T2 –ibig sabihi’y “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” Narinig ito ng ilan sa mga nakatayo roon, at sinabi nila: 
B –“Tinatawag niya si Elias!” 
T1 –Agad tumakbo ang isa sa kanila at kumuha ng espongha, tinigmak ng maasim na alak, inilagay sa dulo ng isang tambo at ipinasipsip kay Hesus. Ngunit sinabi naman ng iba: 
B –“Hintay muna, tingnan natin kung darating si Elias upang iligtas siya!” 
T1 –Muling sumigaw si Hesus at nalagutan ng hininga. 
(Luluhod ang lahat at sandaling mananalangin.) 
T2 –Biglang napunit sa gitna ang tabing ng templo, mula sa itaas hanggang sa ibaba. Nayanig ang lupa, nagbitak ang mga bato, nabuksan ang mga libingan, at nabuhay ang maraming banal na namatay na. Lumabas sila ng libingan, at nang muling mabuhay si Hesus, sila’y pumasok sa Banal na Lunsod at nakita roon ng marami. 
T1 –Nasindak ang kapitan at ang mga kawal na nagbabantay kay Hesus nang maramdaman nila ang lindol at masaksihan ang lahat ng nangyari. 
K –“Tunay na ito’y Anak ng Diyos!” 
T1 –[sabi nila.]

Mga kasulyap-sulyap ngayon: