Parang Kisapmata


Linggo ng Palaspas
02 Abril 2023
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa. 


(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 13 Abril 2014.)


Pumapasok tayo sa mga banal at mahal na mga araw ng pasyon ng ating Panginoong HesuKristo sa pamamagitan ng isang masayang pagdiriwang. Sinasalubong natin Siya sa pamamagitan ng pagwawagayway ng mga palaspas at mabunying pagsigaw ng "Purihin ang anak ni David! Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Purihin ang Diyos!"

Masaya ang atmospera sa pagdiriwang na ito subalit makikita sa mukha ng mga dumadalo sa misa at dama natin sa ating mga puso ang kalungkutan, guilt at pagsisisi. Alam kasi nating matapos ang masayang pagsalubong kay Hesus sa Kanyang pagpasok sa Jerusalem, ang mga tao ring nagbunyi at pumuri sa Kanyang Pangalan ang magkokondena sa Kanya sa kamatayan sa krus.

Habang pinagninilayan ko ang dalawang Ebanghelyo natin sa linggong ito, paulit-ulit na parang LSS (last song syndrome) sa aking isip ang kantang Kisapmata ng Rivermaya.

"Nitong umaga lang, pagkalambing-lambing
Ng iyong mga matang hayop kung tumingin.
Nitong umaga lang, pagkagaling-galing
Ng iyong sumpang walang aawat sa atin."

Katulad ng mga Hudyong nagbunyi sa Kanya, kisapmata rin kung magbago ang ating isip tungkol sa pag-ibig natin kay Hesus. Ang ating mga papuri sa Diyos ay agad na nagbabago kapag nariyan na ang mga tawag ng tukso. Mahal lang natin si Kristo kapag may mabigat tayong problema at wala tayong ibang makapitan kundi Siya. O kapag puspos tayo ng kaligayahan subalit biglang nagbabago kapag dumating na ang pagsubok. Minsan, sinusumbatan pa natin ang Diyos tungkol sa mga kabutihan nating ginawa kapag hindi Niya sinusunod ang ating gusto.

"O kay bilis namang Maglaho ng pag-ibig mo sinta,
Daig mo pa ang isang kisapmata.
Kanina'y naryan lang o ba't bigla namang nawala.
Daig mo pa ang isang kisapmata."

Ang mabunyi nating pagpupuri sa Kanya ay napapalitan ng pagkondena kapag gumagawa tayo ng kasalanan.  "Ipako siya sa krus! Ipako siya sa krus!" Ito ang sigaw natin kapag nalilimutan natin ang pangako nating pag-ibig sa Kanya. Kapag nanlalamig tayo sa pagsisimba gayong dati-rati'y nag-aapoy sa init ang ating pagmamahal.

Masisisi ba natin si Hesus kung araw-araw Siyang masaktan sa ating mga kalapastanganan? Mahal na mahal kasi Niya tayo. Hindi nga ba't ang Linggo ng Palaspas at patungo sa Biyernes Santo-- sa Kanyang kamatayan sa krus nang dahil sa pagmamahal Niya sa atin?

Sa susunod na tayo'y magpupuri at magpapasalamat sa Kanya, huwag sana nating kalimutang ang tunay na pagbubunyi sa Kanya ay ang pagsasabuhay at pagbabahagi ng Kanyang mga Salita. Dahil kung hindi magiging gano'n, ano ang kaibahan natin sa mga hudyong parang kisapmatang binawi ang pagpupuri sa Kanya?



Panalangin:

O aming Ama, ang lahat ng papuri at pagsamba ay handog namin sa Iyo sa pamamagitan ng aming pagbubunyi sa Iyong Bugtong Na Anak, ang Anak Ni David na dumating sa amin sa Iyong Pangalan, na patuloy naming nakakasama sa Banal Na Espiritung aming Gabay at Tagapagpabanal.

Gabayan Mo po sana kami sa aming pagninilay sa pasyon ng Iyong Anak. Suriin po sana namin ang aming mga buhay. Kilalaning maigi ang aming sarili. Maamin po sana namin ang mga nagawa naming kasalanan upang ganap naming matanggap na namatay si Hesus para linisin kami sa mga kasalanang ito.

O aming Ama, walang hanggan kaming tumatanaw ng utang na loob sa Iyo sapagkat inibig Mo kami sa kabila ng aming mga kahinaan. Turuan Mo po kaming lalo Ka pang ibigin. Tulungan Mo rin po Kaming lalo pang ibigin ang aming kapwa-- ga'no man sila kahirap mahalin.

Ang lahat ng ito at ang lahat ng aming mga kahilingan sa Pangalan ni Hesus na kasama Mo at ng Espiritu Santo. Purihin ang Anak ni David! Purihin ang dumating at muling babalik sa Pangalan ng Panginoon.! Amen.



Mga kasulyap-sulyap ngayon: