“Kaya pala gayon ang pakiramdam natin habang tayo’y kinakausap sa daan at ipinaliliwanag sa atin ang mga Kasulatan!” (Lucas 24:32)
Unang Pagbasa: Gawa 2:14.22-33
Noong araw ng Pentekostes, tumayo si Pedro at ang labing-isang apostol, at nagsalita siya nang malakas, “Mga kababayan, at mga naninirahan sa Jerusalem: pakinggan ninyong mabuti ang aking sasabihin. Mga Israelita, pakinggan ninyo ito! Si Hesus, na taga-Nasaret ay sinugo ng Diyos. Pinatutunayan ito ng mga himala, mga kababalaghan, at mga tandang ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya. Alam ninyo ito sapagkat lahat ay naganap sa gitna ninyo. Ngunit ang taong ito na ibinigay sa inyo ayon sa pasiya at pagkaalam ng Diyos sa mula’t mula pa, ay ipinapako ninyo at ipinapatay sa mga makasalanan.
Subalit siya’y muling binuhay ng Diyos at pinalaya sa kapangyarihan ng kamatayan. Hindi ito maaaring mamayani sa kanya, gaya ng sinabi ni David: ‘Nakita ko na laging nasa tabi ko ang Panginoon. Siya’y kasama ko kaya’t hindi ako matitigatig. Dahil dito, nagalak ang puso ko at umawit sa tuwa ang aking dila, at ang katawan ko’y nahihimlay na may pag-asa. Sapagkat ang kaluluwa ko’y di mo pababayaan sa daigdig ng mga patay, at hindi mo itutulot na mabulok ang iyong Banal. Itinuro mo sa akin ang mga landasing patungo sa buhay, dahil sa ikaw ang kasama ko, ako’y mapupuspos ng kagalakan.’
Mga kapatid, masasabi ko sa inyo nang tiyakan na ang patriyarkang si David ay namatay at inilibing; naririto ang kanyang libingan hanggang ngayon. Siya’y propeta at nalalaman niya ang pangako sa kanya ng Diyos: na magiging haring tulad niya ang isa sa kanyang mga inapo. Ang muling pagkabuhay ng Mesiyas ang nakita’t hinulaan ni David nang kanyang sabihin: ‘Hindi siya pinabayaan sa daigdig ng mga patay; at hindi itinulot na mabulok ang kanyang katawan!’ Itong si Hesus ay muling binuhay ng Diyos, at saksi kaming lahat sa bagay na ito. Nang itaas siya sa kanan ng Diyos, tinanggap niya sa kanyang Ama ang ipinangakong Espiritu Santo at ito’y kanyang ipinagkaloob sa amin, tulad ng inyong nakikita at naririnig ngayon.”
Salmo: Awit 15
Tugon: Ituro mo ang landasin
ng buhay kong hahantungin!
O Diyos, ako’y ingatan mo, ingatan ang iyong lingkod. Ang hangad ko ay maligtas, kaya sa ‘yo dumudulog. “Ika’y aking Panginoon,” ang wika ko sa aking Diyos. “Kabutihang tinanggap ko, ay ikaw ang nagkaloob.” Ikaw lamang, Panginoon, ang lahat sa aking buhay, ako’y iyong tinutugon sa lahat kong kailangan.
Pinupuri ko ang Poon na sa akin ay patnubay. Kahit gabi diwa niya ang sa aki’y umaakay. Nababatid ko na siya’y kasama ko oras-oras. Sa piling n’ya kailanma’y hindi ako matitinag.
Kaya’t ako’y nagdiriwang, ang diwa ko’y nagagalak. Ang lagi kong nadarama’y hindi ako matitinag. Pagka’t di mo tutulutang ang mahal mo ay malagak, sa balon ng mga patay upang doon ay maagnas.
Ituturo mo ang landas na buhay ang hahantungan, sa piling mo’y madarama ang lubos na kagalakan. Ang tulong mo’y nagdudulot ng ligayang walang hanggan.
Ikalawang Pagbasa: 1 Pedro 1:17-21
Mga pinakamamahal ko: Walang itinatangi ang Diyos. Pinahahalagahan niya ang bawat isa ayon sa mga ginawa nito. At yamang tinatawag ninyo siyang Ama, igalang ninyo siya habang kayo’y nabubuhay.
Alam ninyo kung ano ang itinubos sa inyo sa walang kabuluhang pamumuhay na inyong minana sa inyong mga magulang. Ang itinubos sa inyo’y di mga bagay na nasisira o nauubos, paris ng ginto o pilak, kundi ang buhay ni Kristong inihain sa krus. Siya ang Korderong walang batik at kapintasan. Itinalaga na siya ng Diyos sa gawaing ito bago pa nilikha ang daigdig, at alang-alang sa inyo, ipinahayag siya bago sumapit ang katapusan ng panahon. Dahil sa kanya, nanalig kayo sa Diyos na sa kanya’y muling bumuhay at nagparangal, anupa’t ang inyong pananampalataya at pag-asa ay nasa Diyos.
Mabuting Balita: Lucas 24:13-35
Nang Linggo ding iyon, ang dalawa sa mga alagad ay patungo sa isang nayong tinatawag na Emaus, may labing-isang kilometro ang layo sa Jerusalem. Pinag-uusapan nila ang mga pangyayari.
Samantalang nag-uusap sila at nagtatanungan, lumapit si Hesus at nakisabay sa kanila. Siya’y nakita nila, ngunit hindi nakilala agad. Tinanong sila ni Hesus, “Ano ba ang pinaguusapan ninyo?” At tumigil silang nalulumbay. Sinabi ng isa na ang ngala’y Cleopas, “Kayo lamang po yata ang dayuhan sa Jerusalem na hindi nakaaalam sa mga bagay na katatapos pa lamang nangyari roon.”
“Anong mga bagay?” tanong niya. At sumagot sila, “Tungkol kay Hesus na taga-Nasaret, isang propetang makapangyarihan sa gawa at salita, maging sa harapan ng Diyos at ng mga tao. Isinakdal siya ng aming mga punong saserdote at mga pinuno upang mahatulang mamatay, at siya ay ipinako sa krus. Siya pa naman ang inaasahan naming magpapalaya sa Israel. Hindi lamang iyan. Ikatlong araw na ngayon mula nang mangyari ito; nabigla kami sa ibinalita ng ilan sa mga babaing kasamahan namin. Maagang-maaga raw silang nagpunta sa libingan, at di nila natagpuan ang kanyang bangkay. Nagbalik sila at ang sabi’y nakakita raw sila ng isang pangitain – mga anghel na nagsabing buhay si Hesus.
Pumunta rin sa libingan ang ilan sa mga kasama namin at gayon nga ang natagpuan nila, ngunit hindi nila nakita si Hesus.”
Sinabi sa kanila ni Hesus, “Kay hahangal ninyo! Ano’t hindi ninyo mapaniwalaan ang lahat ng sinabi ng mga propeta? Hindi ba’t ang Mesiyas ay kailangang magbata ng lahat ng ito bago niya kamtan ang kanyang marangal na katayuan?” At ipinaliwanag sa kanila ni Hesus ang lahat ng nasasaad sa Kasulatan tungkol sa kanyang sarili, simula sa mga aklat ni Moises hanggang sa sinulat ng mga propeta.
Malapit na sila sa nayong kanilang patutunguhan, at si Hesus ay waring magpapatuloy pa ng lakad. Ngunit siya’y pinakapigil-pigil nila, “Tumuloy na po kayo rito sa amin,” anila, “sapagkat palubog na ang araw at dumidilim na.” Kaya’t sumama nga siya sa kanila. Nang siya’y kasalo na nila sa hapag, dumampot siya ng tinapay at nagpasalamat sa Diyos, saka pinaghati-hati at ibinigay sa kanila. Nabuksan ang kanilang paningin at nakilala nila si Hesus, subalit ito’y biglang nawala.
At nawika nila, “Kaya pala gayon ang pakiramdam natin habang tayo’y kinakausap sa daan at ipinaliliwanag sa atin ang mga Kasulatan!” Noon di’y tumindig sila at nagbalik sa Jerusalem. Naratnan nilang nagkakatipon ang Labing-isa at ang ibang mga kasama nila na nag-uusap-usap, “Muli ngang nabuhay ang Panginoon! Napakita kay Simon!” At isinalaysay naman ng dalawa ang nangyari sa daan, at kung paano nila siya nakilala nang paghati-hatiin niya ang tinapay.