Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Katawan at Dugo - 11 Hunyo 2023



“Tandaan ninyo: malibang kanin ninyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay.” (Juan 6:53)

Unang Pagbasa: Deuteronomio 8:2-3. 14-16

Sinabi ni Moises sa mga tao: “Alalahanin ninyo kung paano niya kayo pinatnubayan sa ilang sa loob ng apatnapung taon upang matuto kayong magpakumbaba. Sinubok niya kayo kung susundin ninyo siya. 

Tinuruan nga kayong magpakumbaba; ginutom niya kayo bago binigyan ng manna, isang pagkaing hindi ninyo kilala ni ng inyong mga ninuno. Ginawa niya ito upang ipakilala sa inyo na ang tao’y hindi lamang nabubuhay sa pagkain kundi sa salita rin naman ng Panginoon. 

Huwag ninyong kalilimutan ang Panginoon na nagpalaya sa inyo mula sa pagkaalipin ng bansang Ehipto. Siya ang pumatnubay sa inyo sa inyong paglalakbay sa malawak at nakatatakot na ilang na puno ng makamandag na mga ahas at alakdan. Nang wala kayong mainom, nagpabukal siya ng tubig mula sa isang malaking bato. Kayo’y pinakain niya roon ng manna, isang pagkaing di ninyo kilala.”  

Salmo: Awit 147

Tugon: Purihin mo, Jerusalem, 
             ang Panginoong butihin!

Purihin mo, Jerusalem, purihin ang Panginoon, 
purihin mo ang iyong Diyos, kayong mga taga-Sion. 
Yaong mga pintuan mo ay siya ang nag-iingat, 
ang lahat ng iyong lingkod ay siya ang nagbabasbas.

Ginagawang matahimik yaong mga hangganan mo, 
bibigyan kang kasiyahan sa kaloob niyang trigo. 
Kung siya ay nag-uutos, agad itong natutupad, 
dumarating sa daigdig, na hindi na nagluluwat. 

Kay Jacob n’ya ibinigay ang balita at pabilin, 
ang tuntuni’t mga aral, ibinigay sa Israel. 
Ang ganitong karapatan ay wala ang ibang bansa, 
pagkat hindi nila batid ang utos na itinakda. Purihin ang Panginoon! 

Ikalawang Pagbasa: 1 Corinto 10: 16-17

Mga kapatid: Hindi ba’t ang pag-inom natin sa kalis ng pagpapala na ating ipinagpapasalamat ay pakikibahagi sa dugo ni Kristo? At ang pagkain natin ng tinapay na ating pinaghahati-hati ay pakikibahagi naman sa kanyang katawan? Kaya nga, yamang isa lamang ang tinapay, tayo’y iisang katawan bagamat marami, sapagkat nakikibahagi tayo sa iisang tinapay.

Mabuting Balita: Juan 6:51-58

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao: “Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.” 

Dahil dito’y nagtalu-talo ang mga Judio. “Paanong maibibigay sa atin ng taong ito ang kanyang laman upang kanin natin?” tanong nila. 

Kaya’t sinabi ni Hesus, “Tandaan ninyo: malibang kanin ninyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan, at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw. 

 Sapagkat ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo ay tunay na inumin. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananahan sa akin, at ako sa kanya. Buhay ang Amang nagsugo sa akin, at ako’y nabubuhay dahil sa kanya. Gayon din naman, ang sinumang kumain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin. Ito ang pagkaing bumaba mula sa langit; ang kumakain nito’y mabubuhay magpakailanman. Hindi ito katulad ng kinain ng inyong mga magulang sa ilang; namatay sila bagamat kumain niyon.” 

Mga kasulyap-sulyap ngayon: