Ebanghelyo At Mga Pagbasa Sa Linggo
"Sagana ang anihin, ngunit kaunti ang mag-aani. Idalangin ninyo sa may-ari ng anihin na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang aanihin." (Mateo 9:37-38)
Unang Pagbasa: Exodo 19:2-6
Noong mga araw na iyon, mula sa Refidim, nagpatuloy ang mga anak ni Israel sa ilang ng Sinai at nagkampo sa tapat ng bundok. Si Moises naman ay umakyat ng bundok upang makipag-usap sa Diyos.
Sinabi sa kanya ng Panginoon, "Ito ang sabihin mo sa buong angkan ni Jacob, sa buong Israel. 'Nakita ninyo ang ginawa ko sa mga Egipcio. At tulad ng pangangalaga ng isang agila sa kanyang mga inakay, kayo'y aking kinupkop.
Kung susundin ninyo ako at hindi kayo sisira sa pakikipagtipan ko sa inyo, kayo ang magiging bayan kong hinirang. Ang buong daigdig ay akin ngunit kayo'y aking itatangi. Kayo'y gagawin kong bayan ng mga saserdote na maglilingkod sa akin, nakatalaga sa akin.'"
Salmo: Awit 100
Tugon: Lahat tayo’y kanyang bayan,
kabilang sa kanyang kawan!
Umawit sa kagalakan ang lahat ng mga bansa!
Panginoo'y papurihan, paglingkuran siyang kusa;
lumapit sa harap niya at umawit na may tuwa!
Ang Panginoo'y ating Diyos! Ito'y dapat na malaman,
tayo'y kanya, kanyang lahat, tayong lahat na nilalang;
lahat tayo'y bayan niya, kabilang sa kanyang kawan.
Mabuti ang Panginoon, pag-ibig niya'y walang hanggan.
Siya'y Diyos na mabuti't laging tapat kailanman.
Ikalawang Pagbasa: Roma 5:6-11
Mga kapatid: Noong tayo'y mahihina pa, namatay si Kristo sa takdang panahon para sa mga makasalanan.
Mahirap mangyaring ialay ninuman ang kanyang buhay alang-alang sa isang taong matuwid -- bagamat maaaring may mangahas na gumawa nito alang-alang sa isang mabuting tao.
Ngunit ipinadama ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Kristo para sa atin noong tayo'y makasalanan pa.
At ngayong napawalang-sala na tayo sa pamamagitan ng kanyang dugo, lalo nang tiyak na maliligtas tayo sa poot ng Diyos sa pamamagitan niya. Dati, tayo'y mga kaaway ng Diyos, ngunit ngayon, tinatanggap na niya tayong mga kaibigan alang-alang sa pagkamatay ng kanyang Anak. Kaya't tiyak ang pagkaligtas natin sa pamamagitan ng pagiging buhay ni Kristo. Hindi lamang ito! Nagagalak tayo't nagpupuri sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Hesukristo sapagkat dahil sa kanya ay tinanggap tayo ng Diyos na mga kaibigan niya.
Mabuting Balita: Mateo 9:36-10:8
Noong panahong iyon, nang nakita ni Hesus ang napakaraming tao, nahabag siya sa kanila sapagkat sila'y lito at lupaypay, parang mga tupang walang pastol. Kaya't sinabi niya sa kanyang mga alagad, "Sagana ang anihin, ngunit kaunti ang mag-aani. Idalangin ninyo sa may-ari ng anihin na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang aanihin."
Tinipon ni Hesus ang labindalawang alagad at binigyan ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu at magpagaling ng mga may karamdaman.
Ito ang pangalan ng labindalawang apostol: si Simon na tinatawag na Pedro at si Andres na kanyang kapatid; sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo; sina Felipe at Bartolome; si Tomas, at si Mateo na publikano; si Santiago na anak ni Alfeo, at si Tadeo; si Simong makabayan at si Judas Iscariote, ang nagkanulo kay Hesus.
Ang labindalawang ito'y sinugo ni Hesus at kanyang pinagbilinan: "Huwag kayong pupunta sa lugar ng mga Hentil, o sa alinmang bayan ng mga Samaritano. Sa halip ay hanapin ninyo ang mga nawawalang tupa ng sambahayan ng Israel. Humayo kayo at ipangaral ninyo na malapit nang maghari ang Diyos. Pagalingin ninyo ang mga maysakit at buhayin ang mga patay. Pagalingin ninyo ang mga ketongin at palayasin ang mga demonyo. Yamang tumanggap kayo nang walang bayad, magbigay naman kayo nang walang bayad."