Kahit May Creative Block Pa

Gospel Reflection

Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon
18 Hunyo 2023
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa. 


Para sa isang lingkod ng simbahan at ng Kristiyanong komunidad, may mga pagkakataong parang napakahirap maging tagapagpahayag ng Mabuting Balita ni Hesus.

Maraming mga balakid upang magawa ito. Minsan nga, mismong kapamilya pa natin ang nagiging hadlang.

Sa kaso naming mga tagapagpahayag sa internet-- sa kaso ko'y sa pamamagitan ng blog na ito-- hindi nawawala ang mga pagkakataong nagkakaroon kami ng tinatawag na creative block. Ito 'yung mga pagkakataong kahit anong gawin mo ay para kang na-stock sa creative process. Na parang kahit anong piga ang gawin mo ay walang lumalabas na mga bagong ideya sa iyo.

"Sagana ang anihin, ngunit kaunti ang mag-aani. Idalangin ninyo sa may-ari ng anihin na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang aanihin." 

Madaling magpahayag kapag high na high ka pa galing sa isang retreat o sa isang seminar. Pero paano kapag feeling mo na-drain ka na? Bilang isang isinugo, kailangang magpatuloy dahil hindi nagpapahinga ang kalaban.

Katulad ng mga apostol ni Hesus sa ating Ebanghelyo, tayo rin ay isinusugo ni Hesus. Pinahahayo Niya tayo. Pinalalabas sa ating mga comfort zones para ibahagi sa kapwa ang Kanyang Salita. Araw-araw Niya tayong isinusugo. Hindi man sa malalayong lugar at hindi man bilang mga pari o madre o katekista, tayo'y isinusugo Niya sa mga tao sa paligid natin. Hinihimok Niya tayong ipahayag sa kanila ang kapayapaang hatid ng Kanyang pag-ibig. Na maaari nilang kamtin sa buhay na ito ang paghahari ng Diyos.

Sa pakikihati natin sa misyon ni Hesus bilang mga pari, propeta at hari, tayo'y isinusugo Niya kung paanong isinugo Siya ng Ama, patuloy sana nating ibigay ang lahat ng ating makakaya. Ialay natin sa Kanya ang ating tatlong "T"-- talent, time at treasures. Idalangin natin sa Kanya na ipagkaloob sa atin ang Espiritu Santo upang makagampan tayo sa mga katungkulang iniaatang sa atin-- sa tahanan man o sa trabaho, sa komunidad man o sa simbahan.

Patuloy ang pagpapahayag ng Mabuting Balita. Hindi dahil sa nararamdaman natin. Dahil ang pag-ibig natin sa Diyos bilang isang isinugo ay hind nakabase sa nararamdaman lamang, kundi sa pananampalatayang nakaugat kay Kristo na nagmahal sa atin kahit na noong tayo'y makasalanan pa. Kahit na may creative block pa!

Panalangin:

O aming Diyos Ama, purihin, luwalhatiin at sambahin Ka ng Iyong bayang inutusan ng Iyong Anak na magmahalan kung paanong iniibig Mo kami.

Ipadala Mo po sa amin ang Espiritu Santo na Siyang lakas at pag-asa namin. Ipagkaloob Mo po sa amin ang katatagan upang magawa naming lumabas sa aming mga sarili. Upang magawa naming i-extend ang aming mga braso sa pagyakap sa aming kapwang katulad nami'y naghahangad ng pagmamahal mula sa Iyo.

Ipagkaloob Mo po sa amin ang kapayapaang sa Iyo lamang nagmumula.

Aming Ama, napakarami ng aanihin ngunit kakaunti ang mga mag-aani (Lucas 10:2), idinadalangin po naming magpadala pa po kayo ng mga mangagawa upang higit na marami ang maabot ng Mabuting Balita. Idinadalangin po namin ang mga kabataan, tulungan po Ninyo silang piliin ang kanilang bokasyon ayon sa gabay ng Iyong Espiritu.

Idinadalangin din po namin ang mga katekista-- at mapagtanto sana naming lahat ng Katoliko ay katekista. Bigyang po Ninyo ng lakas ang aming Santo Papa , mga obsipo at ang aming kaparian. Unahin po sana Nila ang kapakanan ng Iyong Simbahan.

Ang lahat ng ito sa Pangalan ni Hesus, kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: