Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon - 16 Hulyo 2023



Ngunit ang binhing nalaglag sa mabuting lupa ay nag-uhay: may tigsasandaan, may tigaanimnapu, at may tigtatatlumpung butil ang bawa’t uhay.” (Mateo 13:8)

Unang Pagbasa: Isaias 55:10-11

Ito ang sinasabi ng Panginoon: “Ang ulan at niyebe paglagpak sa lupa’y di na nagbabalik, aagos na ito sa balat ng lupa’t nagiging pandilig, kaya may pagkai’t butil na panghasik. Ganyan din ang aking mga salita, magaganap nito ang lahat kong nasa.”

Salmo: Awit 64 

Tugon: Nagbunga nang masagana, 
            binhi sa mabuting lupa!

Umuulan sa lupain, ganito mo kinalinga, 
umuunlad ang lupai’t tumataba yaong lupa; 
patuloy na umaagos ang bigay mong mga batis, 
sa halamang nasa lupa, ay ito ang dumidilig; 
ganito ang ginawa mo na hindi mo ikinait. 

Sa binungkal na bukirin ang ulan ay masagana, 
ang bukirin ay matubig, at palaging basang-basa; 
sa banayad na pag-ulan ay lumambot yaong lupa, 
kaya naman pati tanim ay malago at sariwa. 

Nag-aani nang marami sa tulong mong ginagawa, 
at saanman magpunta ka’y masaganang-masagana. 
Ang pastula’y punung-puno ng matabang mga kawan, 
naghahari yaong galak sa lahat ng kaburulan. 

Gumagala yaong tupa sa gitna ng kaparangan, 
at hitik na hitik mandin ang trigo sa kapatagan; 
ang lahat ay umaawit, sa galak ay sumisigaw! 

Ikalawang Pagbasa: Roma 8:18-23

Mga kapatid: Sa ganang akin, ang mga pagtitiis sa kasalukuyan ay hindi maihahambing sa ihahayag na kaluwalhatiang sasaatin. Nananabik ang sangnilikha na ihayag ng Diyos ang kanyang mga anak. 

Nabigo ang sangnilikha, hindi sa kagustuhan nito, kundi dahil sa ito ang niloob ng Diyos. Gayunman, may pag-asa pa, sapagkat ang sangnilikha ay palalayain sa pagkaalipin nito sa kabulukan, at makakahati sa maluwalhating kalagayan ng mga anak ng Diyos. Alam natin na hanggang ngayon ang sangnilikha ay dumaraing sa paghihirap. 

Hindi lamang sila! Tayo mang tumanggap ng Espiritu bilang unang kaloob ng Diyos ay napapahimutok samantalang hinihintay natin ang pag-aampon sa atin ng Diyos, ang pagpapalaya sa ating mga katawan. 

Mabuting Balita: Mateo 13:1-9

Noon ding araw na iyon, si Hesus ay lumabas ng bahay at naupo sa tabi ng lawa. Pinagkalipumpunan siya ng makapal na tao, kaya sumakay siya sa isang bangka at doon naupo. Nasa dalampasigan naman ang mga tao. 

At nagturo siya ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinghaga. “May isang magsasakang lumabas upang maghasik. Sa kanyang paghahasik ay may binhing nalaglag sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at tinuka ang mga iyon. May binhi namang nalaglag sa kabatuhan. Sapagkat manipis lang ang lupa roon, sumibol agad ang binhing iyon, ngunit nang mapabilad sa matinding sikat ng araw ay natuyo, palibhasa’y walang gaanong ugat. May binhi namang nalaglag sa dawagan; lumago ang mga dawag at ininis ang mga iyon. 

Ngunit ang binhing nalaglag sa mabuting lupa ay nag-uhay: may tigsasandaan, may tigaanimnapu, at may tigtatatlumpung butil ang bawa’t uhay. Ang may pandinig ay makinig!”

Mga kasulyap-sulyap ngayon: