“Sapagkat ito ang kalooban ng aking Ama: ang lahat ng makakita at manalig sa Anak ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. At sila’y muli kong bubuhayin sa huling araw.” (Juan 6:40)
Unang Pagbasa: Karunungan 3:1-9
Ang mga matuwid ay nasa kamay ng Diyos, at di sila makararanas ng kamunti mang pahirap. Sa akala ng mga hangal, ang mga matuwid ay namamatay; iniisip nilang ang kamatayan ay kapahamakan, at ang pagpanaw nila ay tuluyang paglaho. Ngunit ang totoo, sila’y nananahimik na. Bagamat sa tingin ng tao sila’y pinarusahan, ngunit ang totoo, sila’y nasa buhay na walang hanggan. Ang kaunting pagtitiis nila ay tutumbasan ng malaking pagpapala, napatunayan ng Diyos na sila’y karapatdapat.
Sila’y kanyang sinubok, tulad ng ginto sa tunawan, kaya’t sila’y tinanggap niyang parang handog na sinusunog. Pagdating ng Panginoon para gantimpalaan ang mga banal, magniningning silang parang ningas ng nagliliyab na dayami. Sila ang mamamayani sa mga bansa sa daigdig. At ang Panginoon ang maghahari sa kanila magpakailanman. Ang mga nagtitiwala sa kanya ay makauunawa sa katotohanan ng kanyang pamamaraan. At ang mga naging tapat sa kanya ay mamumuhay na kasama niya sa kanyang pag-ibig, sapagkat siya’y mabuti at maawain sa kanyang mga hinirang
Salmo: Awit 27:1. 4. 7-8. 13-14
Tugon: Tanglaw ko at kaligtasan
ang Panginoong Maykapal!
Tanglaw ko’y ang Poon, aking kaligtasan,
kaya walang takot ako kaninuman;
sa mga panganib kanyang iingatan,
kaya naman ako’y walang agam-agam.
Isang bagay lamang ang aking mithiin,
isang bagay itong sa Poon hiniling:
Ang ako’y lumagi sa banal na templo
upang kagandahan niya’y mamasdan ko
at yaong patnubay niya ay matamo.
O Diyos, ako’y dinggin sa aking pagtawag,
lingapin mo ako, sa aki’y mahabag.
Ang paanyaya mo’y, “Lumapit sa akin.”
Huwag kang magkukubli’t kita’y hahanapin!
Ako’y nananalig na bago mamatay,
masasaksihan ko ang ‘yong kabutihan
na igagawad mo sa mga hinirang.
Sa Panginoong Diyos tayo’y magtiwala!
Ating patatagin ang paniniwala;
tayo ay umasa sa kanyang kalinga!
Ikalawang Pagbasa: Roma 6:3-9
Mga kapatid, hindi ba ninyo nalalaman na tayong lahat na nabinyagan kay Kristo Hesus ay nabinyagan sa kanyang kamatayan? Samakatwid, tayo’y namatay at nalibing na kasama niya sa pamamagitan ng binyag upang kung paanong binuhay na muli si Kristo sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan ng Ama, tayo nama’y mabuhay sa isang bagong pamumuhay. Sapagkat kung nakaisa tayo ni Kristo sa isang kamatayang tulad ng kanyang kamatayan, tiyak na makakaisa niya tayo sa isang muling pagkabuhay tulad ng kanyang pagkabuhay.
Alam natin na ang dati nating pagkatao ay ipinakong kasama niya upang mamatay ang makasalanang katawan at nang hindi na tayo maalipin pa ng kasalanan. Sapagkat ang namatay na ay pinalaya mula sa kapangyarihan ng kasalanan. Ngunit tayo’y naniniwalang mabubuhay tayong kasama ni Kristo kung namatay tayong kasama niya. Alam nating si Kristo na muling binuhay ay hindi na muling mamamatay. Wala nang kapangyarihan sa kanya ang kamatayan.
Mabuting Balita: Juan 6:37-40
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao, “Lalapit sa akin ang lahat ng ibinibigay sa akin ng Ama. At hindi ko itataboy ang sinumang lumapit sa akin. Sapagkat ako’y bumaba mula sa langit, hindi upang gawin ang kalooban ko, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin. At ito ang kanyang kalooban: huwag kong pabayaang mawala kahit isa sa mga ibinigay niya sa akin, kundi muling buhayin sila sa huling araw. Sapagkat ito ang kalooban ng aking Ama: ang lahat ng makakita at manalig sa Anak ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. At sila’y muli kong bubuhayin sa huling araw.”