At hindi puwedeng maging alagad ko ang di nagpapasan ng kanyang krus sa pagsunod sa akin. (Lucas 14:27)
Mabuting Balita: Lucas 14:25-33
25 Habang naglalakad ang napakaraming tao na kasama ni Jesus, humarap siya sa kanila at sinabi: 26 “Kung may dumating sa akin na di nagtatakwil sa pag-ibig sa kanyang ama at ina, at asawa at mga anak, at mga kapatid na lalaki at babae, at maging sa kanyang sarili, hindi siya puwedeng maging alagad ko. 27 At hindi puwedeng maging alagad ko ang di nagpapasan ng kanyang krus sa pagsunod sa akin.
28 At paano kung may magbalak magtayo ng silungan ng bantay sa bukid? Di ba’t uupo muna siya at tatantyahin ang gastos para malaman kung may sapat siya para maipatapos iyon? 29 Sapagkat kung mailagay niya ang pundasyon at hindi naman niya iyon maipatapos, pagtatawanan lamang siya ng lahat: 30 ‘Hayan ang nagsimulang magtayo at hindi na maipatapos.’
31 At paano kung may haring makikipagharap sa ibang hari? Di ba’t uupo muna siya para mag-isip kung kaya niya at ng sampung libong kasama niya na harapin ang dumarating na may dalawampung libo? 32 At kung hindi naman, malayo pa ang isa ay magpapadala na siya ng mga sugo para makipag-areglo. 33 Gayon din sa inyo. Hindi puwedeng maging alagad ko ang di tumatalikod sa lahat ng kanya.