Hanapan ang Blog na Ito

Post/s Para sa Linggo

Post/s Para sa Susunod na Linggo

21 Hunyo 2026

Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Ebanghelyo At Mga Pagbasa Sa Linggo


Kaya, huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa libu-libong maya.” (Mateo 10:31)

Unang Pagbasa: Jeremias 20:10-13

Sinabi ni Jeremias: Naririnig kong nagbubulungan ang karamihan. Tinagurian nila akong “kilabot saanman.” Sinasabi nila, “Isuplong natin! Isuplong natin!” Pati matatalik kong kaibiga’y naghahangad ng aking kapahamakan. Wika pa nila, “Marahil ay malilinlang natin siya; pagkatapos, dakpin natin at paghigantihan.” 

Subalit ikaw’y nasa panig ko, Poon, malakas ka’t makapangyarihan; madarapa ang lahat ng umuusig sa akin, hindi sila magtatagumpay kailanman. Mapapahiya sila sapagkat hindi sila magwawagi. Mapapahiya sila habang panahon, at ito’y hindi na makakalimutan. 

 Makatarungan ka kung sumubok sa mga tao, Poon, Diyos na Makapangyarihan, alam mo ang laman ng kanilang mga puso’t isip. 

Kaya’t ikaw ang maghiganti sa mga kaaway ko, ipinagkakatiwala ko sa mga kamay mo ang aking kapakanan. Awitan ninyo ang Poon, inyong purihin ang Poon sapagkat inililigtas niya ang mga api mula sa kamay ng mga gumagawa ng masama. 

Salmo: Awit 68

Tugon: Panginoon, iyong dinggin 
            akong iyong ginigiliw!

Dahilan sa iyo, ako’y inaglahi, 
napahiyang lubos sa pagkaunsiyami. 
Sa mga kapatid parang ako’y iba, 
kasambahay ko na’y di ako kilala. 
Ang pagmamahal ko sa banal mong templo, 
matinding-matindi sa kalooban ko; 
sa akin bumagsak, paghamak sa iyo. 

At sa ganang akin, ako’y dadalangin sa iyo, 
O Poon, sana’y iyong dinggin 
sa mga panahon na iyong ibigin; 
dahil sa dakilang pag-ibig sa akin, 
ang iyong pangakong pagtubos ay sundin. 
Poon, sa buti mo’t pagibig sa akin, 
sa aking pagtawag ako sana’y dinggin, 
sa pagkahabag mo, ako ay lingapin. 

Kung makita ito niyong mga dukha, 
sila ay sasamba sa laki ng tuwa. 
Dinirinig ng Diyos ang may kailangan, 
lingkod na bilanggo’y di nalilimutan. 
Ang Diyos ay purihin ng langit at lupa, 
maging karagata’t naroong nilikha! 

Ikalawang Pagbasa: Roma 5:12-15

Mga kapatid: Ang kasalana’y pumasok sa sanlibutan sa pamamagitan ng isang tao, at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan niya. Dahil dito, lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao sapagkat ang lahat ay nagkasala. Nasa sanlibutan na ang kasalanan bago pa ibinigay ang Kautusan, ngunit walang pinananagot sa kasalanan kung walang Kautusan. Gayunman, naghari ang kamatayan mula kay Adan hanggang kay Moises, kahit sa mga tao na ang pagkakasala’y di-tulad ng pagsuway ni Adan. 

Si Adan ay anino ng isang darating. Ngunit magkaiba ang dalawang ito, sapagkat ang kagandahang-loob ng Diyos ay higit na di hamak kaysa pagsuway ni Adan. Totoo ngang nagdala ng kamatayan sa marami ang pagsuway ni Adan, ngunit malaki ang kahigtan ng kagandahangloob ng Diyos at ng kaloob na dumating sa napakarami sa pamamagitan ng isang tao – si Hesukristo.

Mabuting Balita: Mateo 10:26-33

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga apostol, “Huwag kayong matakot sa mga tao. Walang natatago na di malalantad, o nalilihim na di mabubunyag. Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim, ulitin ninyo sa liwanag; at ang ibinulong sa inyo ay inyong ipagsigawan. Huwag ninyong katakutan ang pumapatay ng katawan ngunit hindi nakapapatay ng kaluluwa. Sa halip, ang katakutan ninyo’y ang nakapapatay ng kaluluwa at katawan sa impiyerno. 

Hindi ba ipinagbibili ang maya nang dalawa isang pera? Gayunman, kahit isa sa kanila’y hindi nahuhulog sa lupa kung hindi kalooban ng inyong Ama. Maging ang buhok ninyo’y bilang na lahat. Kaya, huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa libu-libong maya. 

Ang sinumang kumilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilanlin ko rin naman sa harapan ng aking Amang nasa langit. Ngunit ang magtatwa sa akin sa harapan ng mga tao ay itatatwa ko rin naman sa harapan ng aking Amang nasa langit.” 

Gospel Reflection

Fear Not!


Marami tayong mga kinatatakutan. Kabiguan. Broken heart. Pagkakasakit. Kamatayan. 

May mga dahilan tayo para matakot. Nasa balita ang mga nakatatakot na pangyayari. Kaguluhan. Aksidente. Krimen. Sakuna. 

Ang iba nama'y may iba pang kinatatakutan o ang tinatawag na phobia. Takot sa matataas na lugar. Takot sa gagamba o sa ibang insekto. Takot sa dilim. Takot sa tao. Takot sa masisikip na lugar.

Mayro'n pa tayong tinatawag na stage fright o takot sa pagharap, pagpe-perform at pagharap sa maraming tao.

At hindi maganda ang epekto ng takot sa atin. Natataranta tayo kapag takot tayo. Dahil sa taranta, hindi nagiging maayos ang ating mga desisyon. Sumasablay tayo. Nakagagawa ng maling hakbang.

Malinaw ang mensahe ni Hesus sa Ebanghelyo natin ngayong Linggo. Huwag tayong matakot. Magtiwala tayo sa Diyos. Manalig tayong lagi natin Siyang kasama. Hindi Niya tayo pababayaan. 

Na kahit anupaman ang nangyayari sa buhay natin ngayon, may Diyos tayong makakapitan. May Diyos tayong laging nakasubaybay sa atin. Na laging magtatanggol sa atin.

Na mamatay man ang ating katawang-lupa, may buhay na walang-hanggan sa sinumang sumasampalataya kay Hesus at tinatanggap Siya bilang personal na Tagapagligtas. Na kung sinusunod at isinasabuhay natin ang Kanyang mga turo, hindi tayo dapat mangamba.

Sinabi ito ni Hesus sa Kanyang mga alagad para sabihin sa kanila ang mga paghihirap na darating sa kanila. Na daranas sila ng mga pag-uusig at mga pasakit sa pagpapahayag nila ng Mabuting Balita.

Hindi higit na dakila ang alipin sa kanyang panginoon. Kung si Hesus nga na ating Panginoon ay dumanas ng mga paghihirap, tayo pa kayang mga lingkod lamang. Hindi tayo higit na dakila kay Hesus.

Ipinangako ng Diyos sa bayang Israel, "Ako'y sasaiyo, huwag kang matakot, ako ang iyong Diyos, hindi ka dapat mangamba. Palalakasin kita at tutulungan, iingatan at ililigtas." (Isaias 41:10)

Sinabi pa ni Hesus sa pagtatapos ng ating Gospel episode"ang sinumang kumilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilanlin ko rin naman sa harapan ng aking Amang nasa langit. Ngunit ang magtatwa sa akin sa harapan ng mga tao ay itatatwa ko rin naman sa harapan ng aking Amang nasa langit."

Kaya huwag tayong matakot. 

Panalangin:

Ama, Panginoon namin noon, ngayon at magpakailanman. Pagluwalhati at pagsamba ang handog namin sa Iyong paanan.

Narito kaming mga lingkod Mong sa Iyo'y nagsusumikap na sumunod. Ipagkaloob Mo po sa aming lagi ang Iyong Banal na Espiritung gabay, lakas at pag-asa namin sa pagharap namin sa pang-araw-araw na pagsubok sa aming buhay.

Alisin Mo po sa aming puso at isipan ang lahat ng aming takot at pag-aalinlangan. Magawa po sana naming tumulad sa Iyong Bugtong na Anak na sumunod sa Iyong kalooban sa kabila ng mga paghihirap. (Sa panahon pong ito ng pandemya, tulungan Mo po kaming lalong kumapit at magtiwala sa Iyo.)

Bigyan Mo po kami ng pusong handang magtiis at ng isipang handang maniwala sa Iyong kapangyarihan maging anuman ang aming kalagayan sa buhay.

Ang lahat ng ito sa matamis na pangalan ni Hesus, naghaharing kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.

Post/s ng Nakaraang Linggo